KABANATA 102

732 64 16
                                    

Lucio's P.O.V.

"O hayan, dalhin mo na sa Reyna!" Masungit na iniitsa ni Reodica ang tiniklop nitong serbiliyeta (1) sa ibabaw ng parisukat na bandehang kinalalagyan ng pagkaing ihahatid ko sa silid ni Senda. Ako ang kinakausap nito.

"Uy, grabe ka naman!" Pagsaway sa kanya ng isa sa mga babaeng kusinera. "Para sa mahal na Reyna 'yan iniitsa-itsa mo lang!" Lumapit ito sa lamesang pinagpapatungan ng bandeha at saka inayos ang serbiliyeta sa tabi ng mga kubyertos. "Pasensya ka na Arsenio, ha? Sumpong na sumpong lang ang isang nilalang sa tabi-tabi—"pagpaparinig nito kay Reodica na abala naman sa paghihimay ng mga patani, "dahil naungusan lang naman siya ng baguhang si Himena." Tatawa-tawa ito.

"Hmp. Ang sabihin mo, sumipsip lang 'yun sa amo."

"Paano namang sisipsip 'yun sa Panginoong Lucio?" Pagsingit ng nakakatanda sa dalawang lalaki, "eh noong nga lamang daw nito nakita ang Panginoong Lucio sa malapitan. Manghang-mangha nga ito at hindi raw niya inakalang mas lalo pala raw itong makisig sa malapitan."

"Hay nako," patuloy ang pagmamaktol ni Reodica, "malandi lang talaga ang babaeng 'yon."

"Si Himena? Malandi?" Pagsingit ng isa pa sa tatlong babaeng nasa kusina, "eh hindi pa nga nagkakanobyo 'yun eh. Ang sabihin mo, naiinggit ka na naman."

"Bakit ba ako ang pinagtutulungan niyo, ha?" Singhal ni Reodica sa lahat, bakit 'di niyo na lang asikasuhin ang mga toka niyo riyan. At ikaw!" Dinuro ako nito, "ano pang ginagawa mo rito? Ano pang itanatanga-tanga mo riyan? Ihatid mo na 'yang pagkain!"

Dadamputin ko na sana ang bandeha nang pinigilan ako ng mas matandang lalaking kusinero. "Sandali Arsenio, wag mong kalilimutan itong bulaklak," ipinatong nito ang isang sariwang puting rosas sa bakanteng espasyo. "Para sa napakaganda nating Reyna. Ingatan mo, ha? Ikaw dapat mismo ang maghahayin niyan sa mahal na Reyna at huwag na huwag mong ipagkakatiwala sa kahit kanino pa."

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Huwag mo ring ipagkakatiwala sa malanding ambisyosang Marikit na 'yon!" Pahabol na bilin ni Reodica. Marahan na akong naglalakad papunta sa pinto.

"Si Marikit na naman ang pinagdidiskitahan mo." Kantyaw ni Didimo—ang mas nakababatang lalaking kusinero, "dahil siya ang ipangpalit ni David sa 'yo na kasalanan mo rin naman. Nakakita ka lang ng Engkantong may mas mataas na antas at katungkulan sa palasyo na mas tanggap ng mga magulang mong mapangmata, ipinagpalit mo na. Tapos ngayong iniwan ka ng pinili mo, gusto mong makipagbalikan sa iniwan mo? Naku, Reodica, huli ka na, dahil ang balita ko ay magpapakasal na ang dalawang 'yun."

"Tingan natin kung matuloy nga ang kasal na 'yan—" Masungit na sagot ni Reodica sa pagliko ko palabas ng pinto. "kapag nalaman na ni David ang tunay ang tinatagong sikreto ng ambisyosang 'yon! Makikita niya, iiwanan din siya ni David. Hmp."

Ikawalong tala sa aking memorya:  Si Reodica ang dating nobya ni David? May itinatagong sikreto si Marikit. Ano naman kaya ito?

****

"Ga'no na kayo katagal ni Marikit?" tanong ko kay David. Habang ipinagmamaneho ako nitong muli pabalik sa Maynila upang katagpuin ang mag-amang Camilo at Lupin.

"Mag-iisang taon na rin po."  Sumusulyap-sulyap ito sa rearview mirror.

"Eh magkakilala.  Gaano na kayo katagal na magkakilala?"

"Ah 'yun po, matagal na.  Mas matagal po kaming naging magkaibigan."

"Saan mo siya nakilala?"

Muli itong napasulyap sa akin na tila nagtataka kung bakit bigla ko na lamang siyang kinakapanayam. "Sa palasyo rin po. Naglilingkod pa po ito noon bilang tagasilbi sa mga kortesana ni Patruska."

My Guardian DevilOpowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz