KABANATA 4

8.3K 411 35
                                    

Lucio's P.O.V.

Ika-labing anim na siglo. Las islas de San Lazaro (1)

"Habulin niyo ang mga Aswang!"

Mabuting tao raw siya, kaya ito ang pinaniniwalaan ng lahat. Ikaw ba naman ang punong-barangay at isang taong parati na lamang nakikita ng lahat sa loob ng simbahang tahanan ng mga diyos-diyusan ng mga Prayle; nakakasama at nakakasalamuha ng mga bantog at matataas na gobernador mula sa lahi ng mga conquistador, sigurado ngang titingalain siya ng mga kalahi niyang Indio na wala namang nalalaman sa tunay niyang pagkatao at motibo.

"Patayin at sunugin niyo ang mga mangkukulam!"

Pinaparatangan ang kahit sino ng kung ano-ano. Kung walang makitang butas ay umiimbento na lang ng kuwento. Upang ipahamak ang mga diumano'y subersibo't rebelde laban sa mga pinapanginoong pawang mga dayo lamang naman sa kanilang sariling lupain.

"Wala kayong ititira! Sunugin niyo silang lahat!"

Walang takot kung sa balang araw ay siya ma'y susunugin din sa kumukulong asupreng mas mainit pa sa nagbabagang putik na ibinubuga ng mga bulkan. Tila walang pag-aalala sa hangganan ng kanyang oras dito sa pansamantalang santuwaryo ng mga tao, na kung tutuusi'y tuldok lamang sa pagkalahatang ari-arian ng Lumikha. Ngunit kung ito'y angkinin ng kung sino-sinong mga ganid ay tila ba ito na ang pinakamahalagang maaangkin ng bawat isang nilalang.

"Lipulin niyo ang mga kampon ng kadiliman! Mga anak ni Satanas!"

Nagmamagaling. Palibhasa'y kilalang may dunong, sapagka't yaon nga ang sukat ng karangalan ng mga tunay na mangmang.

"Huwag po, parang awa niyo na. Wala po kaming kinalaman sa mga ibinibintang niyo sa amin. Huwag naman po sana niyong idamay ang maybahay at ang mga anak ko. Hindi po ako Aswang. Hindi rin po mangkukulam ang ina ng aking mga anak. Wala po kaming alam sa mga ibinibintang niyo sa aming mag-asawa."

Mapababae, mapalalake, mapamatanda at mapabata. Iisa lamang ang pakiusap...awa. Lalo na kung ang mga ipinaparatang sa kanila'y wala namang tunay na basehan.

"Mga sinungaling! Pugutan niyo ng ulo para sigurado!"

"Huwag po!"

Hindi totoong ang mga nilalang na may madidilim na kaluluwa ang tunay na halimaw, kundi yaong mga wala nito, mapaitim man o mapaputi. Silang mga tunay na hayup sa anyong tao, at handang kumitil ng kanyang kapwa tulad ng isang hayok at mabangis na oso sa mismong mga kauri nito.

"Maawa na po kayo sa amin! Ahhh..."

Gaano nga ba kasakit ang nasusunog na laman?

"Itay! Itay ang sakit!"

Mas masakit ba ito sa mga anak mong sinunsunog ng buhay sa iyong harapan?

"Menandro..."

Mas mahapdi ba ito sa mga huling katagang narinig mo sa nag-iisang babaeng iyong pinakamamahal.

"Mga hayup kayo! P-pagbabayaran n-niyo ng mahal ang..."

O marahil ay hindi naman ito masakit o mahapdi dahil hindi mo na rin naman ito mararamdaman pagkalipas ng iyong huling hininga.

Mahigit sa limang siglo pa lamang naman akong nabubuhay sa di hamak na sa mas nakatatandang mundong ito, ngunit nakita ko na ang halos lahat. Wala naman halos pagkakaiba ang bawat lahing nakakasalamuha ko sa bawat henerasyon. Ipinapanganak din ang bawat isa, nabubuhay, lumalaki, tumatanda at sa napaikling panahon ay namamatay rin naman. Iba-iba man ang mga sinapupunang pinagmulan, ngunit iisa lang naman ang lumilitaw na mga pag-uugali. Ang lahat ay handang makipag-agawan ng sariling espasyo sa mundo, kahit na yaong mga walang muwang sa kung bakit sila naririto.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Crisostomo, Crisostomo...tsk. tsk. tsk." Sinadiya ko talagang dumaan sa gawi ng mga sinunog nilang katawan. Kasunod ko naman ang tatlumpu sa aking mga kasamahan.

"Señor Lucio, kayo po pala." Halos lumapat na ang mukha nito sa lupa sa pagyukod sa akin; gayun din ang hindi mabilang na taga-baryo na naging saksi sa kanyang palabas.

"Pa'no mo nasiguro na si Menandro ang Aswang at ang kanyang kabiyak ang mangkukulam sa lugar na ito?"

"Dahil sila lamang naman po ang mga dayo rito sa aming nayon. At simula nang dumating sila, nagsimula na rin ang-"

"Sina Menandro nga ba ang dayo...o sila?" tumango akong nakatingin sa kanyang bandang likuran, upang ituro rito ang mga sundalong Kastilang dumaraan. "At ako...hindi rin ba ako dayo rito?"

"Eh Señor Lucio, mga dayo man kayo, pero kayo naman ang nagbibigay ng mga biyaya sa mga tagarito. Hindi tulad nina Menandro na puros sakit, peste, kamalasan at paghihirap lamang ang idinululot sa amin."

Marahan kong tiningnan ang mga taong nakapaligid. Nakatingin ang lahat ng mga ito sa aming gawi. "Samakatuwid..." nang muling dumapo ang aking paningin kay Crisostomo. "Hindi pala talaga pagiging dayo ang pamantayan niyo ng paghuhusga sa inyong kapwa, kundi ang pakinabang, gayun ba?"

"Hindi naman pa sa ganu-"

"Pero paano kung sabihin ko sa inyo na..." nilingon ko muna saglit ang tatlumpong kasamahan ko na sa isang kurap lamang ang nagsumula nang magsi-angilan at magpalit ng anyo. Muli kong ibinaling ang aking mga mata sa nagulat at nasisindak na si Crisostomo, "nagkamali kayo ng pinagbintangan?"

"Hindi..." nagsimula nang umatras si Crisostomo habang umaabante patungo sa kanya ang Aswang na nagmula sa aking kanan. Nagsimula na ring magsigawan at magpanakbuhan ang mga tao sa paligid. "Hindi...w-wag...m-maawa ka...w-wag...m-maawa kayo..."

"Pasensya ka na Crisostomo." Napapangisi ako sa nababakas kong takot sa mga mata nito. "Hindi ba't ang Diyos mo mismo ang nasgabi na, maawa ka sa kapwa mo para kaawan ka rin Niya?"

""Señor Lucio! W-wag po...maawa po kayo!"

"Hindi ako diyos kaya pasensya ka na kung..." binigyan ko na ng hudyat ang lahat ng aking mga kasamahang halimaw upang hagarin ang bawat isang miron na nakisali sa panunog sa walang kalaban-laban nilang pinaslang. "...hindi ko alam ang ibig sabihin no'n."

***

Wala na akong maramdaman; ni saya, ni lungkot, ni pagkasindak, ni pag-aalala, ni sakit, ni ginhawa, ni pag-ibig at ni pag-asa sa kung ano pa mang darating sa hinaharap. Kung alam ko lang na magiging ganito kawalang saysay ang buhay na walang hanggan, hindi ko na sana ito hiniling pa. Kung alam ko lang sana na sadyang tuso at sinungaling pala talaga ang Diyablo, mas maganda pa nga sigurong hinayaan ko na lamang na dumaan at lumipas ako tulad ng bawat isang lalang na may dugo't laman. Nabubuhay at pumapanaw; naaalala ngayon upang makalimutan bukas. Kung alam ko lang sana na hindi naman pala niya bubuhaying kasama ko si Aretha at ang mga anak namin, hindi ko na sana hiniling pa ito. Ayoko na rito. Wala nang saysay ang kahit na anong gawin ko. Ang lahat ng bagay ay nakababagot na. Ang bawat makita ko'y tila wala na ring kuwenta.

"Panginoong Lucio," pagsalubong sa akin ng aking mga katiwala sa isa sa mga mansiyong aking inuuwian paminsan-minsan. "Naulinigan po namin sa mga Engkanto, na ikaw na naman daw ang laman ng usap-usapan ng iba pang mga Aswang at Maligno. Kayo na naman daw po ang may pakana ng mga patayan sa mga karatig lalawigan."

Wala na akong pakialam, kaya animong wala na rin akong narinig at nakikitang mga utusan sa paligid. Dumiretso na lamang ako sa aking silid upang mapag-isa.

'Sige lang Marietta...' sa aking isipan, 'saglit ka pa lang sa mundong ito kaya gawin mo lang ang lahat ng gusto mo. Isakatuparan mo na ang lahat ng mga plano mo. Tingnan natin kung hanggang saan ang kaya mo.' Hinuhubad ko na ang suot kong damit, 'galingan mo! Nawa'y umabot ka man lang sa kalingkingan ko. Kung kakayanin mo na ako at kalauna'y mapapatay mo rin ako...pasasalamatan pa kita." Habang binabagtas ko ang banyo upang maligo.

***

Footnote

(1) Las islas de San Lázaro (St. Lazarus' Islands). Named by Ferdinand Magellan when he reached the islands of Homonhon in Samar (now Eastern Samar).

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon