Chapter 29

7.3K 272 0
                                    

Kaunti lang ang kinain ni Vilma at kaliligpit pa lang niya nang makita si Pio. Nakasandal ito sa hamba ng pinto ng komedor, nakahalukipkip. Gusto niyang mahiga na ngunit marami pang tanong sa isip niya.

"B-bakit ako nandito?"

"Magpasalamat ka kay Elizardo. Sinundo ka namin sa hotel."

Natigilan na naman siya at bigla ay napuno ng pasasalamat dito at sa kanyang matalik na kaibigan. May ibig lang siyang matiyak. "A-anong oras ninyo ako naabutan? May kasama ba ako?"

"Mabuti at nakikitaan kita ng takot sa ginawa mo." Bumuntong-hininga ito. "Wala kang kasama noong naabutan ka namin, tulog ka. Dinala na ng mga pulis si Iwa. Ano ba talaga ang pumasok sa isip mo? Hindi kita maintindihan."

Hindi niya alam kung paano magpapaliwanag. Lahat ng pangungusap na buuin niya sa isip niya ay tunog-mali, marahil dahil talagang mali siya. Aminado siyang mali siya. Heto at sising-sisi na siya, ngunit ayaw niya iyong isatinig sa harap nito. Hindi niya ito makita bilang kakampi. Oo at tinulungan siya nito ngunit paimbabaw lang iyon. Nakatatak na sa isip at puso niya ang mga salita nito tungkol sa kanya: "Tahimik na tao lang naman si Vilma, gaya ng sinabi mo, simple lang siya. Simple lang ang mga gusto niya sa buhay. Hindi siya tulad mo. Hindi siya bagay sa mga usapang ganito."

Simple lang siya, hindi mataas ang ambisyon, hindi tulad ng mga ito, at hindi siya bagay na pag-usapan man lang ng mga ito. Masakit. Hindi niya rin kailanman naisip na ang pagiging mababaw ng kaligayahan niya ay magagamit laban sa kanya. Kulang na lang ay hantarang sabihin nito—at kay Blessilda sa lahat ng tao sa mundo—na siya ay bobo, na siya ay hindi bagay dito dahil malayo ang agwat nila—marahil hindi lang sa katayuan sa buhay kundi maging sa intelektuwal ng mga bagay, na siya ay hindi nito magugustuhan dahil doon.

Sa isang banda ay tama naman iyon, kaya nga siguro masakit masyadong tanggapin. Hindi ba at ang sabi ng marami ay masakit ang totoo? Totoong mababaw siya, totoong hindi siya kasing-talino ng dalawa, totoong napakapayak lang ng buhay niya at mga karanasan niya. Wala siyang narating, hindi lamang sa ambisyon sa buhay kundi maging sa mga lugar sa mundo. Nakarating lang siya sa mga bayan na naikutan ng perya. Hindi pa siya nakakarating sa Amerika. Wala siyang alam tungkol sa "hot New York nights" nito at ni Blessilda na nauwi sa maiinit namang gabi sa farm. At hindi man lang nag-ingat sa ebidensiya si Pio. O baka ni wala sa isip nitong nasa labada nito ang panloob ni Blessilda?

May pait na hatid ang mga isiping iyon sa kanya. Pakiramdam niya ay napaglaruan siya. Nangliliit siya sa tuwing maaalala niya ang mga inasta niya sa harap ni Pio, ang mga pagtataray niya, gayong ang liit pala ng tingin nito sa kanya. Hindi na siya magtataka kung pinagtatawanan siya nito nang lihim. Marahil iniisip pa nitong ang lakas ng loob niyang umakto nang ganoon, gayong itinuturing lang siya nito bilang isang taong hindi nito kalebel.

"Gusto ko nang magpahinga. Masakit pa ang ulo ko."

"Dahil pinainom ka ng pampatulog ng taong pinagkatiwalaan mo. Bukas, kailangang puntahan natin siya para magsampa ng demanda."

Tumango siya, saka tumalikod. Nagtungo na rin siya sa kanyang silid sa silong at doon napaluha. Hungkag na hungkag ang kanyang pakiramdam.

Traje de Boda Trilogy 2: Vilma (COMPLETED)Where stories live. Discover now