Chapter 7

6.8K 239 5
                                    

"BIKO, PIO. Si Mama mismo ang nagluto niyan," wika ni Vilma sa lalaki. Nitong nakaraang dalawang buwan ay hindi na niya ito nakikitang kasama si Blessilda. Hindi lang siya makalapit dito dahil ang parati nitong kasama ay ang mga kaklase nito sa C.A.T., mga lalaki na alaskador. Ngayon lang siya nakatiyempo, sa library. Sa perya ay para bang umiiwas ito sa kanya at sa tuwing lalapit siya rito para makausap ito ay may gagawin daw ito o may hindi pa nagagawa.

"Salamat."

"Kumusta ka na?"

"Ayos lang."

Halatang ayaw nitong makipag-usap sa kanya ngunit wala siyang balak palagpasin ang pagkakataon. Napakatagal niyang hinintay ito. Binuklat nito ang isang libro at tila naging abala sa pagbabasa.

"Ahm, anong oras ka darating sa perya mamaya? Gusto mo, mag-usap tayo mamaya? Doon sa Batis ng Champaca?"

"Marami akong gagawin mamaya, eh. Isa pa, kailangan ko rin mag-aral. Malapit na ang exam namin. Mas mauuna kami sa inyo dahil graduating kami."

"Pero tiyak namang ikaw ang mangunguna doon."

Tipid lang itong tumango. May sasabihin pa sana siya nang makita niya si Blessilda na papalapit. Imbes na umalis na ay lalo siyang umurong palapit kay Pio. Kung may masasakit na salitang gustong ipaulan ang babaeng ito ay nagkamali itong lumapit sa pagkakataong iyon.

"Pio?" anito, ni hindi sumulyap sa kanya.

"Nag-aaral siya dahil malapit na ang final exam," tugon niya.

"Shhh!" anang librarian. Ngunit wala siyang pakialam. Tumayo na si Pio, dala ang mga gamit nito.

"Sige, Vilma," simpleng sabi nito at saka sumama kay Blessilda. Noon niya naunawaan na mayroong usapan ang dalawa. Mukhang may kasunduan ang mga itong mag-uusap o lalabas sa library o kung anoman. At hindi siya makapapayag na hindi malaman. Hindi siya makapapayag na maulit ang nangyari noon dito at kay Aling Marissa. Ano ba ang iniisip ni Pio para makipag-ugnayan pa kay Blessilda sa kabila ng lahat?

Hindi maganda ang kanyang kutob, lalo na at parang tumakbo ang dalawa nang makalabas sa library. Nakita niya ang mga itong naroon na sa basketball court, mabilis ang hakbang ng mga ito at magkahawak-kamay na nawala sa likod ng entablado sa tapat ng court. Sumunod siya, lakad-takbo. Ngunit pagsilip niya sa likod ng stage ay wala na ang mga ito roon.

Nanlulumong bumalik na siya sa classroom, kahit gusto niyang suyurin ang daang maaaring pinuntahan ng mga ito. Sa likod ng entablado ay mayroong matataas na talahib ngunit sa likod niyon ay mayroong daan patungo sa likod ng simbahan ng bayan at sa gilid niyon ay naroon ang palengke. Maaaring tumalilis na patungo roon ang dalawa. Kung hindi lang batid niyang makakasuhan siya ng cutting classes ay talagang sumunod na sana siya sa mga ito.

Nang matapos ang klase ay balak niyang pumuntang muli sa likod ng court ngunit nakita na niya si Pio, hindi na nito kasama si Blessilda. Nagpasya siyang kausapin ang lalaki.

"Bakit kasama mo pa rin siya?"

"Wala siguro akong obligasyong magpaliwanag sa 'yo." Noon lang niya ito nakitang parang iritado sa kanya.

"Isusumbong kita kay Aling Marissa."

Nakuha niya ang atensiyon nito. "Nakikiusap ako sa 'yo, Vilma, na sana 'wag ka nang makialam sa mga bagay na hindi mo alam."

"Parati mo namang sinasabing wala akong alam, eh. Alam ko kung ano ang sinabi ng nanay mo noong umiiyak siya kay Mama. Masama ang loob niya. At ngayon binibigyan mo siya ng rason para sumama na naman ang loob."

Bumuntong-hininga ito. "Wala akong ginagawang masama. Nasa sa 'yo na kung maniniwala ka o hindi."

Tuluyan na itong naglakad palayo, habang siya naman ay naiwang nag-iisip. Sa huli ay nagpasya siyang huwag na lamang ipaalam kay Aling Marissa ang kanyang nakita. Baka naman kung ano lang ang naging usapan ng dalawa. Ngayon naman ay hindi na magkasama ang mga ito.

Umuwi sila ni Elizardo na nasa isip pa rin niya ang naging palitan nila ng salita ni Pio. Kahit pilit niyang kinalilimutan ay sumisigid sa isip niya ang kabang baka bumalik na naman sa dating gawi si Pio. Alam niyang labas na siya roon, pero hindi niya maiwasang naising makialam. Hindi alam ni Pio ang ginagawa nito. Kung nakita lang nito kung paano umiyak ang nanay nito sa mama niya, tiyak na hindi na nito kakausapin pa si Blessilda.

"Hoy, kanina pa kita tinatanong. Ano ka ba?"

"Ha? Ano bang tanong mo?" aniya kay Elizardo.

"Ang sabi ko, sinong isasama mo sa JS Prom?"

"JS Prom? Kita mong second year pa lang tayo, eh."

"Hindi ka ba nakikinig kanina kay Miss Bayot? Kasama hanggang first year sa prom dahil kakaunti ang third year at fourth year. Hindi sila makakasingil nang malaki, eh, kailangan nilang magbayad para sa sounds saka lights. Beinte pesos ang bayad, kasama na doon ang pagkain. Puwede daw magsama pero iyong kasama, fifty pesos daw ang bayad. Ano, may isasama ka ba?"

Umismid siya, bagaman nakadama ng kung anong kasiyahan. Kasali sila sa prom na ang ibig-sabihin ay maaari niyang makasayaw si Pio. Bakit pa siya magsasama ng iba kung ang tanging nais niyang makasayaw ay tiyak niyang darating naman? Kailangang maisayaw siya nito.

Bigla siyang nasabik. "Magpapatahi ako ng gown!"

"Manghihiram ako ng amerikana!" si Elizardo.

Nag-apir sila at nagplano na ng gagawin para sa espesyal na araw na iyon. Katapusan ng Pebrero iyon gaganapin sa basketball court ng eskuwelahan. Ang sabi ni Elizardo ay mag-aalay na raw ito ng itlog kay Sta. Ana, sa gayon ay hindi umulan. Habang siya naman ay hiniling na sa kanyang Papa Poncio at Mama Vangie ang isang gown.

Sa ngayon ay iisip muna siya ng estratehiya kung paano mayayayang sumayaw si Pio. Tiyak, buong-buo na ang gabi niya kapag nagkataon.

Traje de Boda Trilogy 2: Vilma (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon