Chapter 3

8.6K 262 20
                                    

"MAMAYA na natin pag-usapan ang practice, Elizardo, ano ba?!" Mainit ang ulo ni Vilma, lalo na at nakasunod siya ka Pio nang hatakin ni Elizardo ang braso niya para lang itanong ang tungkol sa practice nila sa pagkain ng apoy.

Dapat na noon pa sila natuto, kundi lamang sila nabistong nag-eensayo. Pinagalitan silang dalawa ni Elizardo ni Mama Vangie, ang sabi ay masyadong delikado ang kanilang ginagawa. Akala niya ay tapos na roon ang pagpipilit ni Elizardo ngunit may obsesyon ang bakla sa pagkain ng apoy.

"Sunod ka na naman nang sunod kina Pio! Isumbong kita kay Mama Vangie, makita mo!"

"Ano naman ang sasabihin mo kay Mama Vangie, eh, wala naman akong ginagawang masama?"

"Wala raw? Eh, alam nga ng buong perya na kras mo 'yan, eh. Kita mo naman na matanda na 'yan."

"Disi-siete pa lang siya, 'no. Magka-katorse na ako sa susunod na buwan. Magiging tatlong taon na lang ang tanda niya sa akin."

"Hindi ka naman papatulan niyan."

"Sobra ka naman!" Masama ang loob na naglakad na siya, nakasunod ang bakla sa kanya. "Maganda naman ako, ah. Isa pa, nagdadalaga na akong talaga. Sabi nga ni Mama Vangie, bibilhan na raw niya ako ng totoong bra. Hindi na itong lady sando ang isusuot ko."

"May kakapitan ba ang bra mo? 'Di ba sa may dede lang 'yon?"

"Kung ganoon, mas lalo namang walang kakapitan sa 'yo!" Hindi niya alam kung bakit siya buwisit na buwisit sa kanyang kaibigan. Oo, hiling niyang sana ay hindi na siya ang pinapandak sa klase, sana hindi na siya ang pinakapayat, sana ay hindi na siya ang pinakawalang-dibdib, pero ano ang magagawa niya? Dinadamihan na nga niya ang kain niya at maglilimang buwan na siyang inom nang inom ng gatas sa gabi, sa gayon ay tumangkad siya, pero parang walang epekto. Mukha pa rin siyang grade six.

"O, 'wag ka nang magalit. Maganda ka naman, eh. Ikaw nga sana ang muse natin kung hindi lang pandakekok ka." Ngumiti ito nang umirap siya. "Totoo. Maganda ka. Tisay ka, eh. Pero batang-bata ka pa kumpara sa kanila."

Ang "kanila" na tinukoy nito ay sina Pio at ang nobya nitong si Blessilda. Tuwing vacant period ay nakikita niyang magkasama ang mga ito. Ang sabi ng mga kaklase nilang doon sa eskuwelahang iyon nag-aral noong nakaraang taon ay noong nakaraang taon pa raw magnobyo ang dalawa.

Ayon din sa sabi-sabi, si Blessidla ay anak-mayaman. Parang walang nakakaalam kung bakit ito nasa isang public school pero naniniwala siyang mayaman ito dahil hatid-sundo ito ng isang magarang kotse. Hindi niya kilala ang mga magulang nito sapagkat dayo sila roon, ngunit ayon na rin sa kaklase niya ay sa Maynila raw may negosyo ang pamilya nito at ang kasama nito sa bahay ay isa lamang nitong tiyahin.

"Balita ko, talagang seryoso ang mga 'yan sa isa't isa," patuloy ni Elizardo. Hiling niyang sana ay tumahimik na ito dahil nag-iinit lang ang ulo niya sa mga balita nito. "At may isa pa akong nakalap na tsismis—hindi raw alam ng magulang ni Blessilda ang tungkol sa kanila ni Pio."

Bigla siyang napaharap sa kaibigan. "Talaga? Paano mo nasigurado?"

"Eh, narinig ko 'yong mga kaibigan ni Blessilda na nag-uusap doon sa canteen. Magagalit daw ang magulang ni Blessilda kapag nalaman nila 'yon dahil siyempre nga naman, mayaman sila. Si Pio ay dukha."

"Sobra ka naman!"

"Eh, kaya nga nahuli ng dalawang taon si Pio sa pag-aaral dahil tumigil daw 'yan noong nagkasakit ang tatay niya at namatay. Kita mo, dapat college na siya. Maaga daw pumasok 'yan at talagang matalino naman daw."

"Talagang matalino! Masipag pa!" Nagmamalaki siya. Alam ng buong paaralan kung gaano kahusay si Pio. Parating ito ang inilalaban kapag may essay-writing, quiz bee at oratorical contest. Sa lahat ng iyon ay parating ito ang nag-uuwi ng tropeo. Gayunman, ang sabi ni Papa Poncio ay mahusay daw makisama si Pio. Narinig niya itong kausap si Mama Vangie noong minsan.

"Hindi ka naman pinapansin—kahit buong school alam nang wala kang ginawa kundi sundan siya tuwing vacant period. At kapag Biyernes, kapag may formation ang C.A.T., hindi ka agad umuuwi para panoorin siya!"

Napaismid siya sapagkat totoo iyon. Ano bang masama kung panoorin niya ang matikas na commandant? Mali ba iyon? Ah, dahil kontrabida si Elizardo ay hindi na nito kailangang malaman ang dahilan kung bakit sumusunod siya ngayon kay Pio. May dahilan siya, isang sikretong dahilan, isang sikretong dahilang nakuha lang niya ang ideya mula mismo kay Elizardo.

Bago ito magkahinala ay nagtungo na lang siya sa library, sumunod ito. Nagbasa siya kunwa ng libro, ngunit sa gitna ng libro ay may nakaipit na sulat. Ikalimang sulat niya kay Pio. Hindi na niya kayang tiisin ang damdamin niya para rito. Kailangan nitong malaman na humahanga siya rito. Binasa niya ang sulat, tiniyak na walang maling spelling iyon.

Dear Pio,

Hello. Kumusta ka? Siguro ay nagtataka ka na kung sino ako. Puwede ba tayong magkita bukas? Magpapakilala ako sa iyo bukas, kung makakarating ka. Alas-tres ng hapon, sa Batis ng Champaca, doon sa punong mangga. Maghihintay ako sa iyo.

Umaasa,

Miss Rose

PS: LIBYA – Love Is Beautiful, You Also

Nang matiyak na walang maling spelling sa kanyang isinulat ay lihim siyang napangiti. Ang kanyang code name ay nagsisilbing clue para kay Pio dahil ang pangalan ng section nila ni Elizardo ay "Rose." Wala siyang ibang maisip na pangalan kundi iyon. Ngunit base sa reaksiyon ni Pio sa kanya ay masasabi niyang wala pa itong ideya kung sino siya.

Bukas pa nito malalaman. At sa totoo lang ay ilang ulit niyang inisip kung gagawin ba niyang magpakilala o itatago na lamang ang kanyang sarili, pero nanaig ang kanyang pagnanais na malaman nito na humahanga siya rito, sa simpleng dahilang kung ito ay humahanga sa kanya ay ibig niyang malaman iyon.

Oo at balitang nobya nito si Blessilda ngunit hindi pa naman iyon tiyak. Tsismis lang iyon. Kahit na parating magkasama ang mga ito, ano bang malay ng mga kaklase nila kung talagang may relasyon ang mga ito? Isa pa ay bata pa naman silang lahat, hindi pa naman siguro seryosong-seryoso ang relasyon ng mga ito, kung totoo man iyon. Isa pa'y iyon mismo ang isa sa mga dahilan kung bakit ibig niyang magpakilala na sa lalaki, dahil baka mamaya ay mas lalo pang lumalim ang pagtingin nito kay Blessilda.

Sa tingin din niya ay may pagtingin sa kanya ang lalaki. Madalas niya itong makita sa perya, dahil inaabangan niya itong sadya, at parati itong may nakahandang ngiti sa kanya. Isang ngiti lang nito ay sapat na upang hindi siya agad makatulog sa gabi, pinapangarap ito.

Sa pangarap niya ay sila na nito ang magkasama dahil kapag nalaman nitong may gusto siya rito ay matutuwa ito nang husto. Baka naiisip lang nito kaya hindi siya dapat na ligawan ay dahil amo nito ang mga magulang niya. Pero kapag nalaman na nitong may gusto siya rito, malaki ang tsansang mauudyukan itong ligawan na siya. Umaasa siya roon. Sa palagay niya ay bagay na bagay sila nito.

Oo at maganda rin naman si Blessilda pero mukha itong suplada at mapagmataas. Balita pa nga niya ay ni ayaw nitong maarawan. Kapag C.A.T. ay nasa lilim lang ito. Ayon sa isa niyang kaklaseng may kapatid na kaklase nina Blessilda ay may sulat daw ito galing sa isang doktor na nagsasabing hindi ito dapat na maarawan. Sa palagay din niya ay masyadong maarte si Blessilda. Minsang nasa banyo siya ay narinig niya ito mula sa labas na pinipintas-pintasan ang lipstick ng kaibigan nito. Mumurahin daw iyon at pinagtawanan pa kung bakit daw kulay-green. Mukhang hindi nito alam kung ano ang tinatawag na "magic lipstick." Oo at sa bangketa lang iyon nabibili pero bakit nito kailangang pagtawanan iyon?

Napakayabang ng babae at hindi ito nababagay sa isang tulad ni Pio. Siya ay bagay kay Pio. Sa katunayan ay nagsisipag siya nang husto sa kanyang pag-aaral para pareho sila nitong maging mahusay sa eskuwela.

"Huy! Kanina pa kita tinawag!"

Napatingin siya kay Elizardo nang sundutin nito ang tagiliran niya. "May iniisip lang ako."

Umismid ito. "Si Pio na naman, sigurado."

Hindi siya umimik. Nang dumating ang vacant period nila ay iniwan niya ito sa canteen, sinabing magbabanyo siya, ngunit sa halip ay nagtungo sa classroom nina Pio. Nandoon pa ang gamit ng lahat dahil doon din nanggaling ang mga ito bago ang vacant period. Isinilid niya sa bag nito ang sulat, tulad ng ginagawa niya noon, saka lumabas ng silid.

Bukas, magkikita na sila nito. sabik na sabik siya at kinakabahan din.

Traje de Boda Trilogy 2: Vilma (COMPLETED)Where stories live. Discover now