Chapter 17

6.9K 250 9
                                    

WALANG labada sa araw na iyon si Vilma kaya pinatulong siya ni Nanay Socorro sa farm. Sa piggery siya napunta, sa lahat naman ng puwede niyang tokahan. Nagpaganda pa naman siya nang husto, iyon pala ay magpapaligo at magpapakin lang siya ng mga baboy.

Wala pa si Pio roon, marahil nasa taniman pa ito ng mangga dahil hindi pa rin tapos ang trabaho roon. Masungit si Mang Ambo, ang siyang hari ng piggery. Isang oras pa lang siya roon ay mainit na ang ulo niya. Nagbestida pa naman siya, ngayon ay basang-basa na siya ng pawis, lusaw na ang pulbos at makeup niya. Nasira ang linya ng tubig kaya't manu-mano niyang binubuhusan ng tubig mula sa balon ang mga baboy at may dalawang pagkakataon na siyang nadulas at napaupo sa sahig ng piggery. Ang saya. Kapag nakita ako ni Pio, mas mabango pa sa akin ang mga baboy na ito.

At parang nananadya ay nakita niyang papalapit na ang lalaki. Wala na siyang magagawa para mag-improve ang hitsura at amoy niya kaya tumango na lang siya rito.

"O, bakit nandito ka? Mukhang pagod na pagod ka na. Loko si Mang Ambo talaga. Dapat lalaki ang gumagawa nito." Kinuha nito mula sa kanya ang timba.

"'Wag mo nga akong tingnan, mukha akong pindangga. Lumayo ka rin, mas masahol pa sa mga alaga mo ang amoy ko."

Ngiting-ngiti ito. "Tara."

"Saan?"

Hindi umimik, inabot lang ang kanyang kamay at iginiya siya palabas. Kahit anong pagbawi niya sa pawisan at mabahong kamay ay ayaw nitong pakawalan iyon. Sumakay ito sa kabayo at inabot ang kamay sa kanya. Agad siyang umiling ngunit pinandilatan siya nito. Napilitan siyang iabot dito ang kamay. Hinigit siya nito at inalalayang makaupo sa unahan nito.

"Ay, teka!" aniya, naalala ang baon niyang tissue at pulbos. Sa kabutihang palad ay tuyo pa ang tissue. Kumuha siya at ibinilot iyon, saka ipinasak sa butas ng ilong nito. "Para hindi mo ako maamoy!"

Napatawa siya nang marahas nitong isinga ang mga tissue. "Luka-luka ka pa rin hanggang ngayon, Vilma."

"Eh, ang kulit mo kasi. Nahihiya nga ako. Sana sa likod na lang ako sumakay para hindi mo ako masyadong maamoy."

Tawa siya nang tawa, lalo na't nakangiti naman ito. Bahala na ito sa amoy niya, ito ang may gusto noon. Mayamaya ay nakita niya kung saan ang tinutumbok nilang daan, sa Batis ng Champaca. Eksakto, kailangan nga talaga niyang maligo. Nang makarating doon ay agad siyang tumakbo tungo sa tulay na puno. Buhay pa rin iyon. Mula roon ay nag-dive siya sa ilog, kipkip sa dibdib ang mga tuhod niya. Dinig niya ang halakhak ni Pio.

Anong ginhawa nang mababad siya sa tubig. Nilingon niya sa Pio at napatigagal siya. Binubuksan nito ang zipper ng panatalon.

"Hoy, hoy! Ano 'yan?" natensiyong tanong niya.

"Hindi ako sanay maligo nang nakapantalon."

"Kahit na! Makikita ko 'yan!"

"Ayaw mo?"

Pinandilatan niya ito, halakhak ang naging tugon nito at sumige pa rin sa paghuhubad ng pantalon. Naitakip niya sa mukha ang mga kamay bagaman gumawa ng siwang sa pagitan ng mga daliri para masilip ito. Boxer shorts ang suot nito sa loob ng pantalon, hindi naman pala ito magbuburles. Lumundag na rin ito sa tubig at lumangoy patungo sa kanya.

Agad sumasal ang dibdib niya. Nang makalapit ito sa kanya ay bumulong ito, "Balot na balot ka naman yata, Vilma."

"P-Pio, ah?"

"May naliligo ba sa ilog na nakabestida pa?"

"Luku-luko ka, Pio." Ngumiti siya kahit kinabahan siya sa tinutumbok nito. Ano ba itong nangyayaring ito? Isang panig ng isip niya ay sinasabi sa kanyang kailangan niyang maalarma ngunit hindi siya makadama ng pagkatakot sa takbo ng kanilang usapan. Sa katunayan, ang isang bahagi ng isip niya ay parang ibig tanggapin ang hamon ng mga sinasabi nito. Ano nga kaya kung patulan niya ang panunudyo nito? Ngunit bagito siya sa larangang iyon. Nahihiya siya.

Tumawa ito. "Parati kang namumula, Vilma."

Masarap sa pandinig niya kapag ito ang bumibigkas sa kanyang pangalan. May lambing, may sopistikasyon. "Kung anu-ano kasi ang sinasabi mo sa akin."

Parang wala itong narinig at napitlag siya nang dumako ang kamay nito sa balikat niya. Hinawakan nito ang tirante ng kamison niya. "Meron ka pala nito, bakit kailangan pa ng bestida?"

Inirapan niya ito kahit may kilig siyang nadama sa usapan nila. Para bang napakapribadong biruan niyon, sa pagitan lang nilang dalawa. At alam ng langit kung gaano katagal na niyang gustong magkaroon sila ng pagsasaluhang silang dalawa lang ang nakakaalam. Okay, fine, may gusto pa rin siya kay Pio sa kabila ng mga taong lumipas. Hindi niya alam iyon kung hindi lamang sila nito nagkitang muli.

O marahil ay nabuhay muli iyon nang magkita silang muli. Hindi niya alam, at hindi na siguro importante. Ang mahalaga ay nakakakilig na ang mga aktibidades nila ngayon at hiling niyang sana ay magtuluy-tuloy iyon.

Nagpasya siyang gantihan ito ng tudyo. "B-baka mamaya, alisin ko nga itong bestida ko, bigla kang ma-shock."

"Nakaka-shock ba?"

"Siyempre naman. Sobrang ganda ko, eh."

"You know what? I actually don't doubt that." Ngumiti ito at lalo pang lumapit sa kanya. Ikinulong siya nito sa mga bisig nito at nagpapasag na ang puso niya. Nanatili lamang itong nakayakap sa kanya, habang siya naman ay bahagyang nakatingala upang salubungin ang mga mata nito.

Wala na ang ngiti sa labi nito. Seryoso ang anyo nito habang pinagmamasdan ang kanyang mukha na para bang ubod niya nang ganda. Ibig niyang mailang ngunit may nagbubulong sa kanya na tama lamang ang nangyayaring ito. Gusto niya ang mga nangyayaring ito.

Bumaba ang mukha nito sa kanya at akala niya ay hahagkan nito ang kanyang mga labi, sa halip ay dumampi sa gilid ng kanyang leeg ang mga labi nito. Saglit na saglit lang iyon, magaan na magaan, tila paruparong humalik sa balat niya. Naipikit niya ang mga mata sa biglang paggapang ng kuryente sa kanyang katawan.

Habang nakatitig sa kanyang mga mata ay nagtungo sa butones ng kanyang bestida ang kamay nito. Maingat nitong inalis sa uhales iyon, isa-isa, hanggang sa marahan nitong hubarin sa kanya ang bestida. Initsa nito iyon sa tuyong bahagi saka siya muling niyakap.

Para na siyang mabibingi sa lakas ng tibok ng puso niya. Ipinagkrus niya ang mga mga bisig at ipinatong ang mga kamay sa kanyang balikat. Tumatayo ang balahibo niya sa katawan. Inabot nito ang kanyang mga kamay at ipinatong sa mga balikat nito. Mas komportable nga siya sa ganoon at ang madama ang balat nito sa kanyang mga palad ay mayroong panibagong sensasyong binubuhay sa kanyang sistema. Nakapikit ito, tila dinadama ang pagdantay ng kamay niya sa balat nito. Ngumiti ito nang magmulat, hinaplos ang kanyang pisngi.

"Dalagang-dalaga ka na, Vilma."

Nakagat niya ang ibabang labi, natutuwa na madalas nitong sambitin ang kanyang pangalan. "Ngayon mo lang napansin?"

Hindi nawala ang ngiti sa labi nito nang magtungo sa kanyang mga labi ang daliri nito. Sa bawat sandaling nagdaraan ay lalong nasasabiok siyang hagkan siya nito. Hahagkan ba siya nito o ano? Ang tagal naman! Nang patuloy nitong padaanin ang daliri sa kanyang labi ay kinagat niya iyon nang bahagya, planong patawanin ito ngunit nabura ang ngiti nito at napalitan ng... pagnanasa? Pagnanasa ba iyon? Hindi niya alam, ngunit iyon ang dikta ng isip niya.

Nang hindi umalis sa kanyang labi ang daliri nito, dikta ng isip niya ay muling kagatin iyon nang bahagya na siya niyang ginawa.

"That is very sensual... Damn, you're sexy, honey," bulong nito sa kanyang tainga at napasinghap siya nang sumayad ang labi at dila nito roon. May kilig na kumalat sa balat niya at nakakabaliw iyon!

Tila walang hanggang nitong planong tudyuhin siya ng mga labi nito na nagpatuloy sa pagtukso sa tainga niya at sa gilid ng kanyang leeg. Nakatayo na ang lahat ng balahibo niya sa katawan. Hindi niya alam kung kakayanin pa niya. Alam ba nitong nakakabaliw ang ginagawa nito at plano ba nitong pauwiin siyang hinahanap na sina Crispin at Basilio?

"P-Pio, tama na... please... nakakaloka 'yan."

Umalog-alog ang balikat nito saka siya pinangko paahon. Nakakawit lang ang kanyang mga kamay sa leeg nito at nabuhay ang isang tanong sa kanyang isip at batid niyang kailangan niay iyong isatinig.

"Pio, a-ano itong ginagawa natin?"

Traje de Boda Trilogy 2: Vilma (COMPLETED)Where stories live. Discover now