Chapter 23

6.5K 246 7
                                    


Napanganga na lang si Vilma sa naabutang eksena. Bumaba sa magarang kotse si Blessilda, binitiwan ang bitbit nitong bag, saka tinakbo ng yakap si Pio. At masakit iyon sa kanyang mata, sikmura at dibdib.

Bigla siyang naguluhan sa pangyayari. Oo at nitong nakaraang tatlong araw ay hindi siya halos kinikibo ni Pio ngunit para biglang dumating doon ang dating asawa nito at noon pa'y mortal na niyang kaaway ay hindi niya ma-take. Hindi lang siya ang nakakita sa eksena. Naroon din sina Elizardo at Nanay Socorro.

"Sino ang babaeng iyan?" si Nanay Socorro.

"Dating asawa niya, Nanay. Ang kapal ng mukhang biglang magpakita rito!" si Elizardo, nakahawak sa braso niya, mariin, tila pinpigilan siyang gumalaw. At hindi rin naman siya makakagalaw kahit gustuhin niya. Parang nanigas ang buong katawan niya at wala siyang magawa kundi ang titigan ang dalawa.

Tinawag ni Pio si Elizardo, sinabing bitbitin ang bagahe ni Blessilda. Hindi tumitingin ang lalaki sa kanya. At hindi siya makakatiis sa ganoon. Nagpasya siyang lumapit ngunit hinawakan ni Nanay Socorro ang galang niya.

"Anak, pabayaan mo na muna sila. Nag-uusap lang naman."

Noon niya natiyak na may alam na ang matanda tungkol sa kanila ni Pio. Imposibleng nga namang hindi nito mapansin iyon. "Nanay, ano po ba ang sinasabi ninyo? Tutulong lang ako sa kanila. Ano ba namang klaseng pagsalubong sa bisita ang mangyayari kung hindi man lang ako sasalubong?" sarkastikong wika niya saka naglakad tungo sa dalawa.

"I knew he looked familiar!" bulalas ni Blessilda, tumingin kay Elizardo, saka siya binalingan. "Vilma, right? Ito 'yong batang may crush sa 'yo noon, Pio! Oh, my God! Look at you all grown up!"

Hindi siya agad nakapagsalita, nabibigla pa rin. At ang inis niya para kay Blessilda ay ganoon pa rin pala katindi tulad ng noon.

"S-Sir Pio, saan ko po dadalhin itong mga bag ni Ma'am?" si Elizardo, salamat at nagsalita ito. Parang mas naiilang pa ito kaysa sa kanya.

"In his room, of course!" si Blessilda. "It's all right, isn't it, honey?"

Bahagya lang tumango si Pio, hindi pa rin tumitingin sa kanya. Hiling niyang sana ay tumingin ito sa kanya, nang sa gayon ay makita nito ang panlilisik ng mga mata niya. Nagpatiuna na si Blessilda papasok sa bahay. Susunod tila si Pio ngunit nagsalita siya.

"Hindi ka man lang makatingin sa akin, Pio, honey?" maaskad niyang sambit.

"Hindi ito ang tamang oras para mag-usap tayo."

Lalo nang nag-init ang ulo niya. "Tama ka! Tama ka talaga! Dahil dapat noong isang araw o kahapon mo pa nabanggit na babalik pala rito ang babaeng 'yan! Akala ko ba dibors na kayo? Bakit sa kuwarto mo pa siya matutulog? Hindi ako makapapayag, Pio!"

"Fine. She would sleep in a different room then." Mukhang nag-init na rin ang ulo nito, na lalo lang kumiliti sa galit niya.

"Aba, may gana ka pang mainis, ah! Lakas ng loob mo!"

"We'll talk later."

Hindi na siya nakahabol sapagkat sumilip sa pinto s Blessilda at mayamaya pa ay lumapit kay Pio, hinigit papasok ng bahay ang lalaki. Siyempre, hindi puwedeng hindi niya makita ang bawat eksena, gaano man katindi ang sakit na dulot niyon sa puso niya. TIla tuwang-tuwa ang babae.

"This looks exactly like we talked about, honey!" bulalas ng babae. "Everything is just so beautiful! Oh, Pio!"

Inilabas niya ang dila, pinaduling ang mga mata. Gusto niyang dukutin ang lalamunan ng babae, ang arte-arte nito! Sarap sipain!

"Where's our room?"

"I think it's better if you use the guest room."

"Oh." Bakas ang pagkadismaya ng babae bagaman agad din itong ngumiti. "That's all right. Are you writing something?"

"Yes, I am."

Gigil na gigil siyang talaga, ngitngit na ngitngit, hindi lamang dahil sa presensiya ng babae kundi sa katotohanang kung magsalita ito ay para itong isang Amerikana. Nabigyang-diin lamang ang agwat nila ni Pio. At isang panig ng puso niya ay nanghihina, nawawalan ng fighting spirit.

"Vilma, do you work here? Can you show me to my room then?" baling ng babae sa kanya na parang gusto pa siyang hamunin.

"Ako na po, Ma'am—"

"Hindi, Elizardo, ako na," aniya, binitbit ang bagahe ng babae. Base sa bigat noon ay mukhang balak nitong magtagal. Dinala niya iyon sa pinakamalayong guest room sa silid ni Pio. Agad pumasok ang babae sa loob at tinanong siya.

"Kelan ka pa rito?" Maaskad ang tinig nito, katulad ng ekspresyon sa mukha nito. Biglang nawala ang pagiging masaya nito patungkol sa pagka-"it's so beautiful" ng bahay na iyon. Ngayong napag-isip-isip niya, kahit dati ay ganoon ito—kapag kasama si Pio sa mga vacant period ay animo Maria Clara na hindi makabasag-pinggan, pero kapag ang kasama ay ang mga kaibigan ay lumalabas ang pagkamaldita.

"Matagal na. Ikaw, hanggang kailan ka rito?" balik niya. Hindi siya natatakot dito. Sa katunayan, tapakan lang nito ang paa niya ay handa siyang sabunutan ito.

"Hindi ko gusto ang tono ng pananalita mo."

"At hindi ko gusto ang bigla mong pagdating dito. Kahit kailan, hindi kita nagustuhan," prangkang sabi niya.

Pinagmasdan siya nito mula ulo hanggang paa saka ito humalakhak. "I get it. Oh, my God. Hanggang ngayon pala may gusto ka pa rin kay Pio. Hanggang ngayon ba, sinusulatan mo pa rin siya? Kawawa ka naman. Hindi mo pa rin nari-realize mula noon hanggang ngayon na talo ka sa akin, Vilma."

"Para sabihin ko sa 'yo, mali ka." Naiinis siyang iyon lang ang nagawa niyang sabihin dito. Wala siyang maipanglabang salita sapagkat totoo ang ilang bahagi ng mga sinabi nito. At ang katotohanan ay masakit para sa kanya.

"Hinahamon mo ba ako?"

"Hindi na kita kailangang hamunin. Ikaw ang talo ngayon," lakas-loob niyang wika. Bahala na. Hindi lang siya makapayag na makalamang sa kanya ang babaeng ito, kahit sa mga salita lang. Matagal na niya itong gustong kalusin pero hanggang ngayon ay tila siya ang nakakalos nito. Sobra na! Gigil na gigil na siya! "Hindi ba iniwan ka naman ni Pio? Kasal ka na nga, eh, pero pinalampas mo pa."

"Engot ka pa rin hanggang ngayon. Ako ang nang-iwan sa kanya at alam kong naghihintay lang siya kung kailan ako babalik. Gumising ka nga, Vilma. Tingnan mo nga ang sarili mo. Mula noon hanggang ngayon, wala kang pagbabago. Gusgusin ka pa rin. Ano ang magugustuhan sa 'yo ni Pio?"

"Eh, 'di itanong mo sa kanya! Siya naman ang nagsabi na may gusto siya sa akin, hindi naman ako! Ikaw ang engot!"

"Ambisyosa ka." Pinagtawanan siya nito, saka siya hinigit paharap sa salamin. "Sige, tingnan mo ang sarili mo, pagkatapos tingnan mo ako. Sabihin mo sa akin kung ano ang nakikita mo."

Ngitngit na ngitngit na naman siya. Siya, naka-shorts at ang pinakabagong blusa niya, tsinelas na maayos. Si Blessilda, mukhang anumang sandali ay rarampa. Maganda pa rin ito, parang mas lalo pa ngang gumanda ngayon.

Pero hindi niya aaminin iyon dito. "Ang nakikita ko, isang babaeng laos at isang babaeng cute. Ako ang cute, ikaw ang laos. Sorry ka na lang."

Tumawa ito. "Mangarap ka hanggang gusto mo. Ikuha mo ako ng juice."

"Kumuha ka mag-isa mo!" singhal niya saka ito nilayasan.

Traje de Boda Trilogy 2: Vilma (COMPLETED)Onde histórias criam vida. Descubra agora