Chapter 16

6.6K 275 12
                                    

"Ano, napag-isipan mo na ba ang alok ko, Tisay?"

Napalingon si Vilma sa nagsalita, si Iwa iyon. Agad niyang hinanap ng tingin si Elizardo. Salamat at mukhang abala ito sa pamimili ng karne kasama si Nanay Socorro. Nasa palengke sila at namimili. Naroon din si Iwa, may sigarilyo sa bibig.

"May trabaho na ako, Iwa. Doon sa farm, 'yong lugar noong dating perya namin. Diyan sa may highway. Maganda naman ang pasuweldo sa akin doon."

"Magkano ang bigay sa 'yo?"

"Anim, pero may pabigas naman. Libre pagkain. Naglalaba ako doon."

Hinablot nito ang kanyang kamay at tiningnan, saka tila nadidismayang pinakawalan iyon. "Sinasayang mo ang ganda mo, Tisay. Virgin ka ba pa?"

"Oo naman! Ano bang tanong 'yan, Iwa?" Ibig na niyang mainis sa bakla, kung hindi lang umaasa siyang maipasok ang isa sa mga kapatid niya sa mga negosyo nito, malamang na sinupladahan na niya ito. "Baka may bakante ka para sa kapatid ko."

Umismid ito. "Sinabi ko na noon pa sa 'yo, ikaw ang gusto ko at hindi sa parlor ko. Pag-isipan mo. Kung virgin ka pa, mataas ang presyo mo. Tatlong buwan ka lang sa akin, maginhawa ka na. Mauna na ako."

Binalikan na rin niya sina Nanay Socorro at Elizardo na nakaismid, halatang nakita siyang kausap si Iwa. Tapos nang mamili ang dalawa at dumaan siya sa isang tindahan ng RTW upang bumili ng ilang personal niyang gamit. May service sila at nagpadaan na rin sila ni Elizardo saglit sa kanilang mga bahay para may-abot ng pera. Agad niyang napansin ang isang maliit na umbok sa leeg ni Mama Vangie.

"Mama, ano 'yan sa leeg mo?"

"'Ku, wala ito," pagbabale-wala nito. "May tatlong taon na ito, hindi naman masakit."

"Patingnan ninyo sa doktor." Nagduda siyang bigla sa sinabi nito sapagkat noon lamang niya nakita ang bukol dahil na rin may ilang taon na ang nakakaraan nang maisipan ni Mama Vangie na parating maglagay ng scarf sa leeg nito, isang bagay na inisip niyang bahagi lang ng personalidad nito. Ngayon ay iba ang kutob niya. "Mama, pagbalik ko dapat napatingnan na ninyo 'yan. Yolly, samahan mo si Mama sa doktor."

Tumango ang kapatid niya. Nakakatuwa rin ang balitang tatlo sa mga kapatid niya ang nakapasok na sa trabaho. Ang nalalabi ang siyang nag-aasikaso ngayon sa kanilang "perya." Hindi na rin siya nagtagal at nagbalik na sa farm. Pagpasok niya sa bahay bitbit ang pinamili ay naabutan niya si Pio sa dirty kitchen. Biglang tumahip ang dibdib niya.

Nang mapansin niyang nakatitig ito sa kanya ay lalo nang bumilis ang tibok ng puso niya. Nakakainis ito kung makatingin, parang gustong tunawin ang laman-loob niya. Akala niya ay hindi niya napapansin na madalas niya itong mahuling nakatingin sa kanya? Kitang-kita niya ito, natural, dahil madalas din siyang nakatingin dito.

At ngayon, ano ang ginagawa nito sa dirty kitchen? Hindi naman kaya at inaabangan siya nitong talaga?

Luka-luka ka! Parang feel na feel mo pa kung inaabangan ka nga niya! Maghunos-dili ka nga at baka makurot ni Mama Vangie ang singit mo!

Hindi umalis ang lalaki doon at kahit na nagkukuwento si Nanay Socorro kung gaano na kamahal ang presyo ng mga bilihin ay nanatiling nakatingin ang lalaki sa kanya. Nakatitig ito sa kanya habang kinakagat nito ang isang mansanas. Ilang na ilang siya habang inaayos sa estante ang mga de-lata.

Nang may mag-doorbell ay siya sana ang tutungo sa kabahayan ngunit pinigilan siya ni Nanay Socorro. "Ako na, ako na! Malamang iyong pahinanteng si Nanding iyon. Ang baklang si Elizardo, eh, malamang na naglalandi na naman! Susmaryosep na bakla, kung mag-shorts ubod nang ikli, parang pamatay ng dalag naman ang hita. Sinabihan ko na siyang kapag nakita ko siyang nakikipagharutan ulit kay Nanding, makakatikim siya sa akin!"

Napapangiti siya. Parang totoong lola si Nanay Socorro, naiinis kapag "naglalandi" si Elizardo, kahit kung tutuusin ay day-off naman nila sa araw na iyon. Binitbit na niya ang plastic ng de-lata malapit sa estante at inilagay sa pinakamataas na patungan ang ilan. Napapitlag siya nang madama ang kamay ni Pio sa kanyang kamay, ang init ng katawan nito sa kanyang likuran.

"Ako na, hindi mo abot."

"H-hindi. K-kaya ko."

"Just... let me."

Nagtayuan yata ang lahat ng balahibo sa kanyang katawan nang humaplos sa kanyang leeg ang mainit nitong hininga. Diyos ko, Diyos ko, Diyos ko! tili ng isip niya nang manatili sa leeg niya ang init na iyon. Humaplos ba sa balat niya ang labi nito o guni-guni lang niya iyon? Bakit naman nito ilalapit ang mga labi sa kanyang leeg?

Napasinghap siya nang madama ang bisig nito sa kanyang sikmura. Parang may mga paru-paro sa kanyang sikmura. Biglang nag-init ang kanyang mukha, hanggang leeg. "P-Pio..."

Bago pa siya makapag-isip ng idudugtong doon ay binuhat na siya nito gamit ang bisig na iyon, upang mailayo siya sa kinatatayuan niya at ito na ang nagsalansan ng mga de-lata sa mataas na bahagi ng estante. Hindi niya alam kung mapapahiya sa sarili niya o pagagalitan ito. Puwede naman nitong sabihin sa kanyang umalis siya roon, hindi na nito kailangang... hawakan siya.

Nilingon siya nito at nakita niya ang pilyong ngiti sa labi nito. "Natulala ka yata, Vilma? May problema ba?"

Ikaw ang problema ko, lalaking macho! Huwag mo na ulit akong hahawakan! Please lang! Baka i-take home kita at ano na lang ang sasabihin ng hitad mong asawa?! Luku-luko ka!

"Kailan ba uuwi d-dito si Blessilda?" wika niya, dapat nitong maunawaan na laman ng isip niya iyon.

"Never."

"Never? Paanong never?"

"We're divorced."

"D-divorced? Akala ko, sabi mo, asawa mo? 'Yon pala diborsiyado ka," sumbat niya bagaman parang biglang nasinagan ng araw ang puso niya. Wala itong asawa! Binata ito! At nilalandi siya nito! At makikipaglandian siya rito!

Nagkibit ito ng balikat, isinara na ang estante at naupo sa malaking mesa gitna ng kusina. Impit siyang napatili nang pumaikot sa kanyang hita ang mga binti nito upang hilahin siya palapit dito. Ngising-ngisi ito.

"Namumula ka. May problema ba?"

Naitirik niya ang mga mata at biglang napatawa. At nang magsimula siyang tumawa ay hindi na siya makatigil. Masayang-masaya siya. Hindi niya kayang ipaliwanag. Tumatawa rin ang lalaki habang nakatingin sa kanya, para ba itong naaliw sa kanya. At bigla ay naalala niya ang nakalipas, kung bakit nagkaroon ng panahon sa buhay nila kung saan gustung-gusto niya ito. Hayun, sa ngiting iyon sa mukha nito.

Pinaikot nito sa daliri ang hibla ng buhok niya, habang ang mga binti ay nakapaikot pa rin sa kanya, tila walang balak na siya ay pakawalan. "Hindi mo na ba pinahaba ito?"

"Nagtampo na mula noong nasunog. Kahit tao, sunugin mo'y magtatampo rin."

Bigla itong humalakhak. Nakangiti lang siya habang nakatingin sa mukha nito. Parang natutunaw ang puso niya. Naaalala nito ang noon. Ang tagal-tagal nang maiksi ng buhok niya. Inabot niya ang hibla ng buhok nito.

"Kailan ka pa natutong pahabain ito?"

"Hindi mo ba gusto?" tila nanundyong tanong nito.

"G-gusto. Bagay sa 'yo. Pogi ka." Muli itong humalakhak, habang nag-iinit na naman ang kanyang mukha. "M-may gagawin pa ako, Pio."

"Paano kung gusto kong dito lang tayo?"

"B-bakit?"

Noon niya narinig na papalapit na sina Elizardo at Nanay Socorro. Bahagya niyang tinapik ang mga hita ni Pio at pinawalan siya nito. Nagtungo siya sa lababo, nagkunwang may ginagawa roon. Mapupugto yata ang paghinga niya sa kaba. Ano ba ang nangyayaring ito? May gusto ba sa kanya si Pio?

Wala na siyang pagkakataong magtanong dahil umalis na ito sa kusina, habang patuloy sa panenermon si Nanay Socorro kay Elizardo.

"Nanay Soc, mahal ko si Nanding!"

"Ay, talagang makukurot ko ang singit mo na bata ka!"

Napangiti na lamang siya kahit itinatanong pa rin sa sarili kung ano ang nangyari sa pagitan nila ni Pio.

Traje de Boda Trilogy 2: Vilma (COMPLETED)Where stories live. Discover now