Chapter 8

6.5K 237 4
                                    

"Ay, ang ganda-ganda naman ng anak ko!"

Ngiting-ngiti si Vilma sa sinabi ni Papa Poncio. Umikot siya sa harapan nito at pumalakpak ito. Kasama ito nang pasukatan siya ni Mama Vangie sa modista. Parang tuwang-tuwa ang dalawa na ang sabi ay sa wakas daw, nagdalaga na rin siya.

Totoo rin ang obserbasyon ng dalawa sapagkat nitong nakaraang dalawang buwan ay maraming naging pagbabago sa kanyang katawan. Sa katunayan ay tumangkad siyang bigla at talagang kailangan na niyang mag-bra ngayon. Salamat naman.

Kulay pink ang kanyang gown na kung tawagin ng modista ay "mermaid cut." Marahil dahil parang isda ang tabas niyon, hapit sa katawan at bumuka sa bahaging tuhod hanggang sa sakong niya. Puno ng sequins ang gown na iyon, gintong sequins. May katernong telang rosas iyon na inilagay naman sa kanyang buhok ni Mama Vangie. Ang sapatos niya ay mayroong heels at kulay puti.

Pakiramdam niya ay ang ganda-ganda niya. Mismong si Mama Vangie ang naglagay ng makeup sa kanya. At sumama ang mag-asawa sa paghahatid sa kanila ni Elizardo sa eskuwelahan.

Nang makarating doon ay agad silang nagtungo sa mesa kung saan kailangan nilang magparehistro at ipakita ang kanilang ticket. Binigyan siya ng stub para sa pagkain. Excited na siyang makita siya ni Pio. Nagtungo na sila agad sa basketball court na sa gabing iyon ay makulay na makulay sa mga sari-saring ilaw, at sa stage ay naroon ang ginupit na makintab na mga letrang nagsasabing "Welcome to the 22nd Annual Prom."

Sa isang panig ng court ay naroon ang mga pagkain—sandwich at juice. Sa isang panig naman ay naroon at nakapuwesto ang ilang guro na marahil mga judge sa kung sino ang tatanghaling king at queen of hearts. Maingay ang tugtog. Wala pang sumasayaw bagaman marami ang nakikikanta.

"Hoy, dinala mo ang perya dito, Perya Queen?" Napalingon siya sa nagsalita, si Che-che, isa sa mga alipores ni Blessilda. "Ano 'yang suot mo? Lalangoy ka ba sa sapa? Mukha kang siyokoy, eh."

"Para sabihin ko sa 'yo, ito ang uso ngayon. Mahal ang pagkakatahi nito, hindi tulad niyang damit mo. Nirentahan mo lang 'yan, eh. Nakita ko 'yan doon sa nagpaparenta ng gown. Sigurado ka bang hindi nakalagay sa kabaong ang huling nagsuot niyan?" bira niya. Hindi siya magpapatalo bagaman aminado siyang bahagya siyang nawalan ng kompiyansa sa sinabi nito.

Nang lumayo ito ay siniko niya si Elizardo. "Pangit ba itong gown ko?"

"Hindi, ah!"

"Sigurado ka?"

Panay-panay ang tango nito kaya bumalik ang kompiyansa niya kahit paano. Mayamaya ay nakita na niya si Blessilda. Hantaran itong tumawa nang makita siya bagaman hindi na nagkomento. Kailangan niyang aminin na maganda ang babae sa gabing iyon. Suot nito ay simple ngunit eleganteng gown na kulay-pula. Mukha itong dalagang-dalaga na.

Nagpasya siyang huwag na lamang patulan ang babae, lalo na at wala itong kahit na anong sinabi. Iyon lang, parang nanghina siya. Bukod kasi sa mga ito ay napansin niyang maraming mga estudyante ang napapatingin sa kanya na natatawa. Nagtungo siya sa banyo upang tingnan ang kanyang hitsura.

Wala naman iyong ipinagkaiba halos kumpara sa mga karaniwang isinusuot ni Mama Vangie sa perya. Ang makeup niya ay mas makapal kaysa sa makeup ng ibang naroon pero ang parating sinasabi ni Mama Vangie ay dapat daw parating makapal ang makeup, dahil ang mga artista raw ay makapal kung mag-makeup.

Gayunman ay masama ang loob niya at parang ayaw na niyang lumabas. Nandoon lang siya hanggang sa maisip niyang hindi niya sasayangin ang gabing iyon nang hindi nakakasayaw si Pio. Lumabas na rin siya mayamaya at hinanap ng kanyang mga mata ang lalaki. At nakita niya ito, napakaguwapo sa suot nitong amerikana. Nabanggit ni Elizardo na nanghiram itong amerikana sa perya. Gayunman, kapag ito ang may suot ng amerikana ay mukha itong elegante. Kahit mumurahin at patahi ang amerikana sa perya ay bagay na bagay iyon dito.

Traje de Boda Trilogy 2: Vilma (COMPLETED)Kde žijí příběhy. Začni objevovat