Chapter 11

6.7K 269 6
                                    

"VILMA! Vilma, mabilis ka!" si Elizardo. Mukhang excited ito. "Bilis, magbihis ka na! May mapapasukan na tayong trabaho. Bilis, bilis! Dalhin mo ang biodata mo!"

Hindi na siya kailangang magtanong pa. Agad siyang nagpalit ng damit at nagpaalam kay Mama Vangie. Sa tricycle na siya nagtanong sa kaibigan. "Saan? Maganda ba ang suweldo? Baka barya lang, hindi uubra."

"Six kyaw, Neng. Libre kain at libre pabigas pa raw."

Puwede na. Kahit sa parlor ni Iwa ay balita niyang ganoon din ang suweldo. Malaking tulong na ang limang libo isang buwan, lalo na at libre ang bigas. "Saan ito?"

"Doon sa dating puwesto ng perya! 'Di ba dati pa 'yon private property, no trespassing?" anito, ni-recite lang ang nakasulat sa karatula sa bakod ng lupain. "Darating na raw ang may-ari, eh, naghahanap ng katulong 'yong katiwala. Dalawa ang kailangan, isang all-around at isang labandera. Ako ang all-around, ikaw ang labandera. Mas malaki ang bigay niya sa labandera kaysa all-around."

"Six thousand, labandera? Bakit parang ang laki naman yata? Baka naman tone-tonelada ang lalabhan ko?"

"Ewan ko, Girl. Baka sosyal. Baka artista ang may-ari!"

Patuloy sa pagkukuwento ang bading. Ang sabi nito ay nagtanong daw dito ang katiwala ng lupain habang naglalako ito ng banana-cue. Suwerte raw talaga dahil nagkataong nag-aabang ng masasakyan ang katiwala sa labas ng gate. At siyempre pa, ang sarili nito ang inalok nito. Sinabi rin nito sa katiwala na may kakilala itong maaaring maglaba at siya nga iyon.

Nang makarating sila sa pribadong lupain ay agad itong nag-doorbell. May kalakihan ang gate na tumatayo dahil sa dalawang posteng bato, bagaman ang kahabaan ng lupaing tabing-kalsada ay barbed wire lang ang bakod. Naghintay sila at makalipas ang may labing-limang minuto ay bumukas ang gate. Ipinakilala siya ni Elizardo sa katiwala na ang pangalan ay "Nanay Socorro." Mukha naman itong mabait. Pinatuloy sila nito sa loob.

Pamilyar na pamilyar pa rin siya sa lupaing iyon bagaman iba na ngayon ang hitsura noon dahil sa malalaking puno sa paligid. Mula sa gate ay sementado ang daan papasok. Mukhang mahaba ang maliit na kalsadang iyon. Ang sabi ni Nanay Socorro ay may sampung taon na raw iyon sa pagmamay-ari ng amo nito.

"Ano pong pangalan ng amo natin, Nanay?" si Elizardo.

"'Mr. Collin Johnson' ang tawag ko sa kanya, pero Pilipino. Mabait siya. Ang nanay niya ang madalas kong nakakausap kapag may tanong ako. Nasa Maynila ang nanay niya."

"Binata, Nanay?" si Elizardo ulit.

Tumawa ang matanda. "Naku, ayaw na ayaw noon ng mga tsismosang kasama sa bahay. Tahimik na tao iyon. Minsan pa lang iyong nagpunta rito, may siyam na taon na rin siguro. Noong panahong iyon, sa pagkakaalam ko ay ikakasal na siya. Pero parang hindi naman natuloy dahil wala namang nababanggit na asawa. Pero hindi ko tiyak at hindi naman ako nagtatanong."

Napatango siya. Mukhang hindi magtatagal doon ang amo nila. "Kung sakali po ba, Nanay, magtatagal kami rito kahit wala na siya? Paano po kung umalis agad? Eh, 'di wala na rin po kaming trabaho?"

"Ay, parang ganoon na nga. Pero sa pagkakaalam ko'y magtatagal dito dahil nagpakuha nga ng tauhan. Ako kasi'y hindi na rin masyadong makakilos at nirarayuma na ako. Bueno, sino sa inyo ang maglalaba at sino ang maglilinis?"

Si Elizardo na ang sumagot sa tanong. Ang sabi ng matanda ay baka may mairerekomenda silang mga tauhan dahil sa pagbabalik daw ng amo nila sa Pilipinas ay gagawin nang farm ang lupain na iyon. Nalula siya nang malamang ilang ektarya pala ang sakop ng lugar na iyon, kasama ang Batis ng Champaca at ilang ektarya pa sa likod niyon.

Sa wakas ay narating na nila ang simpleng bahay. Sinauna ang estilo noon, yari sa kahoy bagaman ang hagdan ay semento. Mayroong mga capiz na bintana, ang loob ay puno ng kagamitang sinauna. Maganda iyon, presko, ubod ng kintab ng kahoy na sahig at tila anumang sandali ay lalabas si Crisostomo Ibarra.

"Nasa silong ang magiging kuwarto ng isa sa inyo, ang isa naman ay dito sa katabing kuwarto ng akin matutulog."

Tanggap na sila. Mabait si Nanay Socorro. At sa totoo ay hindi siya makapaghintay na makilala na ang kanilang among posibleng isang binata. Isang binatang may-aring ekta-ektaryang lupain. Isang mayamang binata. Aba, hindi masamang mangarap.

Nakangiti siya habang naglalakad na sila palabas ng lupain. Sa susunod na linggo sila pinababalik ni Nanay Socorro dala ang mga gamit nila. Sadyang malaking tulong ang magiging suweldo niya roon at malapit pa sa nirerentahan nilang bahay iyon, mabilis siyang makakauwi sakaling magkaroon ng aberya.

Nang dumating ang petsang pinababalik sila sa lupain ay maaga silang dumating na magkaibigan. Siya ang pumuwesto sa silid sa silong dahil alam niyang matatakutin si Elizardo. Ayon kay Nanay Socorro ay naroon na raw ang kanilang amo. Kasalukuyan daw itong may ginagawa at babalik na rin daw.

Wala pa siyang labada kaya nagboluntaryo siyang magwalis ng mga tuyong dahon sa harap ng bahay. Masaya siya, magaan ang pakiramdam sa araw na iyon. Masuwerte siya sa trabahong iyon, batid niya, maliban na lang kung araw-araw kung magpalit ng kumot at kurtina ang may-ari, pero duda siya roon dahil lalaki ito.

Lalaking mayaman. At baka binata pa. Kung bakit hindi mawala-wala ang ideyang iyon sa isip niya. Normal lang sigurong mangarap siya ng isang lalaking ganoon. Una sa kanyang criteria for judging ang laman ng bulsa ng isang lalaki dahil kawawa naman ang kanyang pamilya kung hahanap siya ng tulad nilang isang kahig at isang tuka. Siyempre, kailangang mabait ito at mapagmahal. At kung hindi naman kalabisan, gusto niya siyempre ay guwapo.

Gayunman ay hindi siya masyadong partikular sa pisikal na anyo ng isang tao, huwag lang iyong masakit sa mata. Lihim siyang napangiti sa kanyang naisip. Tapos 'yon pala, itong amo ko, eh, mukhang huklubang kuba na luwa ang mata. Ayos. Mukha siyang taga-perya.

Sa isiping iyong nagpangiti sa kanya ay may narinig siyang ingay, dahilan para mag-angat siya ng mukha. Agad-agad ay naituwid niya ang kanyang likod, nakatingin at nabighani sa papalapit na imaheng nakasakay sa itim na itim at ubod-laking kabayo—isang lalaking kayumanggi na ang suot lamang sa katawan ay kupas na pantalong maong at putikang sapatos. Umaabot sa balikat ang buhok nitong itim na itim at tumatabing sa mukha nito. Ang nakakapukaw nang labis sa kanyang sistema ay ang katawan nito. Ang katawan nitong machong-macho!

Diyos ko, nababakla yata ako!

Sapagkat parang gusto niyang gayahin ang madalas reaksiyon ni Elizardo sa mga guwapong lalaki—magtatalon sa pagkakilig habang sinasabunutan ang sarili. 'Ika nga ng kanyang kaibigan—"super papable." Gayunman ay nanatili siya sa kanyang kinatatayuan, halos parang paralisado. Ang kalooban lang niya ang nababakla, ang katawan ay natutulala.

Tila hindi siya napansin ng guwapong macho. O guwapo nga ba ito? Ang buhok nito ay nakatabing pa rin sa mukha nito. Paano kung ito pala ay isang bingot, pisak ang mata, gakuweba ang ilong? Pero parang magwewelga ang bawat nagmumurang muscle sa katawan nito kung ganoon. At parang hindi siya makapapayag.

Napalunok siya. Kung bakit hindi nabanggit ni Nanay Socorro na nakakita na pala ito ng tauhan para sa lupain. Kung bakit hindi man lang naihabilin ng matanda na huwag tutulo ang laway nila ni Elizardo sa bagong tauhan. Kung sana ay ipakita na nito sa kanya ang mukha nito. At tila narinig nito ang kanyang piping hiling sapagkat bruskong hinawi nito ang buhok at sumulyap sa gawi niya. Nakahanda na ang ngiti niya para rito para lamang magitla.

Nabitiwan niya ang hawak na walis at pandakot, napalunok nang magkakasunod. Hindi niya maaaring malimutan ang mukhang iyon, ang mga matang iyong minsan niyang pinangarap na tumitig sa kanya sa paraan ng isang lalaking may damdamin para sa isang babae. Ang guwapong macho ay walang iba kundi si Pio. At parang ni hindi na siya nito maalala base sa pagkakatingin nito sa kanya.

Luku-luko ka, sa isip-isip niya.

Traje de Boda Trilogy 2: Vilma (COMPLETED)Where stories live. Discover now