Chapter 27

7.3K 304 12
                                    

Nang malaman ni Elizardo na umalis si Vilma para humanap daw ng pera ay hindi na siya napakali. Ang unang naisip niya ay nagtungo ang babae kay Pio kaya bumalik siya sa farm. Ngunit wala roon ang kaibigan niya at hindi raw nagtungo roon. Hindi naging maganda ang kutob niya dahil sa pagkakaalam niya ay wala namang ibang maaaring lapitan si Vilma.

Papaalis na siya nang maabutan siya ni Pio. Nag-iisa ito sa pagkakataong iyon, hindi kasama ang malanding si Blessilda na parating nakaangkla rito. Sa totoo lang ay magre-resign na rin siya roon sa katapusan. Kailangan lang niyang makuha ang libreng bigas at suweldo sa buong buwan na iyon. Wala na siyang balak na magtagal.

Kahit na hindi sinabi sa kanya ni Vilma ang katotohanan ay alam niyang malaki ang kasalanan dito ni Pio. Hindi ugali ng kaibigan niya ang bigla na lang aalis nang walang mabigat na dahilan. At naaawa siya rito dahil napakabait nito at totoong kaibigan at alam niyang wala itong ibang minahal buong buhay nito kundi si Pio lang. Mula pa noong mga bata sila.

Oo at nagkaroon ng nobyo si Vilma ngunit naghiwalay ang dalawa dahil ayaw ng magulang ng lalaki kay Vilma. Nang maghiwalay ang mga ito, akala niya ay iiyak si Vilma ngunit parang walang nangyari rito. Hindi na mahirap mahulaang hindi minahal ng kaibigan niya ang lalaking iyon.

Ang kasiyahan ng isang nagmamahal ay nakita lamang niya rito noong high school sila at baliw na baliw ito kay Pio. At ngayon, dahil nagbalik sa buhay nito ang lalaki. Ngunit sa dalawang pangyayari ay nasaktan lang ang kaibigan niya at nasasaktan din siya para rito.

"Sir," aniya bilang pagbati, saka ito nilagpasan.

"Saglit lang," anito kaya hinarap niya ito. "Ang sabi ni Nanay Socorro, nagpaalam na raw si Vilma?"

Tumango siya. Dito sana niya iyon sasabihion, dito sana ipapamukha, kundi lang kasama nito kaninang umaga si Blessilda. "Pinapakuha nga po niya sana sa akin ang suweldo niya."

Mukhang nainis ito. "Puwes, sabihin mo sa kanya na kung gusto niya, siya ang kumuha. Maayos siyang tinanggap dito pero umalis siya nang ganoon na lang. Ang sabi ni Nanay Socorro, may nahanap daw mas magandang trabaho. Totoo ba?"

"Totoo, Sir," taas-noong wika niya. "Mas maganda ang trabaho niya ngayon at palagay ko, hindi na niya kukunin ang suweldo niya kung ayaw ninyong ibigay. Sasabihin ko na lang po."

"Hindi ganoon ang sinabi ko," mariing wika nito, madilim na ang mukha. "Ang sabi ko, siya ang pumunta rito. Ano ba ang problema niya? Tinatawagan ko siya, hindi siya sumasagot. Gusto kong mag-usap kami."

"Puwede po ninyong sabihin sa akin at ipaparating ko na lang sa kanya."

"Hindi sa ganoon!" Bumuga ito. "Saan ka papunta ngayon?"

"Hinahanap ko nga po si Vilma. Mauuna na po ako."

"I'll come with. Tara na."

Bigla siyang kinabahan. Kapag nakita siya ni Vilma na kasama ang lalaking ito ay magagalit tiyak sa kanya ang kaibigan. Tumutol siya ngunit matigas ang pasya ni Pio. Sa huli ay naisip niyang mas maganda na nga sigurong magkasama sila.

Nagbilin na siya sa mga kapatid ni Vilma na i-text siya kung darating sa bahay o sa ospital ang babae. Wala pang mensahe ang mga ito, tiyak na naghahanap pa ng pera ang kaibigan niya. Ang tanging tanong lang ay kung saan. Unang naisip niya ang dating nobyo nito na agad nilang pinuntahan. Ngunit wala ang babae roon.

"Alam mo ba kung saan ka pupunta?" tila inip na wika ni Pio. "Kung nakahanap na siya ng ibang trabaho, bakit hindi natin siya doon puntahan?"

"N-naghahanap siya ng pera, Sir, eh."

"Para saan?" Kumunot ang noo nito.

"Inoperahan po k-kasi si Mama Vangie."

"Bakit hindi siya lumapit sa akin?" Muli ay dumilim ang anyo nito. "Ano ba ang problema niyang kaibigan mo? Bigla na lang umalis! Maayos ang usapan namin, wala naman kaming pinag-awayan, pero biglang umalis! Ni hindi man lang siya nagpaliwanag sa akin, ni walang salitang iniwan!"

Traje de Boda Trilogy 2: Vilma (COMPLETED)Where stories live. Discover now