29. Mall

4.2K 123 4
                                    

SINAMAHAN ni Cielo si Rocco na mamili ngayong araw sa mall. Bukas kasi ay aalis ito papunta ng Sicily. May kailangan raw itong asikasuhin roon. Pero sinigurado naman nito na sandali lang ito sa Sicily---mga isang linggo. Gusto lang nito na mamili sandali para kahit papaano ay may madala naman raw ito para sa mga tao nito roon.

Nagpunta sila sa supermarket. Mahilig raw kasi sa mga pagkaing Pinoy ang mga kasambahay ni Rocco. Paborito raw ng mga ito ang polvoron at chicharon na baboy. Pagkatapos roon ay nagyaya naman ito sa department store.

"May bibilhan lang ako ng regalo," wika ni Rocco nang magtanong siya kung bakit.

Pumayag si Cielo. Pagdating roon ay parang nanlamig siya nang tinutumbok ni Rocco ang children's section. Parang alam na niya kung sino ang bibilhan nito ng regalo.

Tapos na ang dalawang linggong bakasyon ni Cielo sa resort. Ngayon ay bumalik na ulit siya sa Maynila. Pero kahit ganoon ay hindi naman niya nararamdaman na mag-isa na talaga siya. Araw-araw kasi siyang binibisita ni Rocco. Palagi silang magkasama. Pero ngayon ay na-realize niya na hindi talaga palagi. Hindi dahil may iba pang trabaho sa Sicily. Iyon ay dahil may responsibilidad pa ito sa anak nito roon.

Habang buhay ay may kahati si Cielo kay Rocco---at iyon ay ang anak nito na sa tingin niya ay ang bibigyan nito ng regalo ngayon.

Hindi napapag-usapan ni Cielo at Rocco si Stella at ang anak nito sa babae. Pero inisip niyang baka kaya hindi nito sinasabi ay dahil may pakiramdam ito na masasaktan siya. Puwedeng makasira iyon sa nag-uumpisang relasyon pa lang nila sa ngayon.

Maganda na ang sitwasyon nila ngayon ni Rocco. Ayaw rin niyang masira iyon kung sakaling magtanong siya at mapag-usapan ang masakit na katotohanan.

"Babae siya?" naka-ilang lunok muna si Cielo bago natanong iyon kay Rocco. Papunta sila ngayon sa pangbabaeng section.

Tumango ito. "A cute little girl,"

Napatitig siya sandali sa mukha ni Rocco. Mukhang proud na proud ito sa anak kaya ganoon na lang ito kasaya.

Alam ni Cielo na mali ang nararamdaman niyang ito. Nai-insecure siya sa bata. Pero parte ito ni Rocco. At kung gusto talaga niya ang lalaki, tatanggapin niya ang lahat ng tungkol rito. Hindi nga lang niya maiwasan na masaktan dahil ang batang iyon ang naging dahilan kung bakit nasira sila dati.

Sa huli, nagtingin na rin si Cielo ng puwedeng iregalo. Nakakita siya nang damit na sa tingin niya ay kasya sa two years old. Ganoon na siguro kalaki ang anak ni Rocco ngayon.

"No. Hindi 'yan kasya sa kanya,"

"She's a big girl?"

"She's only one year old," wika ni Rocco. Tinignan rin nito ang damit at kumuha nang mas maliit pang size. "Puwede na siguro ito,"

Hindi nagsalita si Cielo. Naguluhan siya.

Kumunot ang noo ni Rocco. "Bakit?"

"Ang akala ko ay sa anak mo ibibigay ang regalo,"

"Anak?" Natawa si Rocco. "Wala akong anak, Cielo..."

Napakurap-kurap si Cielo. "Hanggang ngayon ba ay tinatanggi mo pa rin?"

Umiling si Rocco. "Wala akong anak kay Stella. At kahit kailan, hindi ako natulog ng kasama siya."

Natigilan si Cielo sa pag-amin ni Rocco. Natahimik siya, kasabay nang pagtakas ng kulay sa mukha niya.

"Bibilhin ko na ito. Gusto kong regaluhan ang anak ng isa sa mga kasambahay ko na nagbirthday noong isang araw," wika naman ni Rocco, hindi pinansin ang reaksyon niya.

Sumunod siya sa lalaki. Nagyaya na itong umuwi pagkatapos mamili.

Sa kotse, hindi na napigilan ni Cielo na i-open up ang bumabagabag sa dibdib. "B-bakit ngayon mo lang sinabi?"

"Ang tungkol sa amin ni Stella? Well, binigyan mo ba ako ng pagkakataon na magpaliwanag noon?"

Lalong bumigat ang puso ni Cielo. Alam niyang mali nga. Nabulag siya sa sakit. Kahit ilang beses na nagmakaawa sa kanya si Rocco para pakinggan niya ito ay hindi siya pumayag. Mas pinairal niya ang sakit na nararamdaman, pati na rin ang susot ng Mommy niya.

"Pero 'wag na nating pag-usapan iyon. Kaya nga hindi ko na rin gustong magkuwento at magpaliwanag pa sa 'yo. Ayaw kong ibabalik nga natin ang magagandang nakaraan pagkatapos ay ibabalik rin natin ang sumira. Let's just focus on the present. Don't let our past ruin it,"

"I-I feel guilty,"

Tumingin sa kanya si Rocco. Hinawakan nito ang pisngi niya. "'Wag mo ng isipin iyon. Ang mahalaga sa akin ngayon ay 'wag mo ng uulitin iyon. Learn to trust me like what I asked you to do then..."

Niyakap niya ang lalaki. Paanong ganoon na lang siya nito kabilis na mapapatawad? Samantalang siya ay hiyang-hiya sa kanyang sarili. Naiyak rin siya.

"Tumahan ka na..."

"I'm sorry..."

"Yeah..." wika ni Rocco at pagkatapos ay binitawan na siya. Nag-drive na ulit ito. Pero habang nagda-drive ay tahimik lang ang lalaki. Kabaligtaran naman iyon ng nararamdaman niya. Sa halip na maging payapa siya ngayong alam na niya ang katotohanan ay nagulo siya.

Kahit na ba parang sinasabi ni Rocco na okay lang naman rito ang lahat ay parang hindi pa rin. Iba kasi ang ikinilos nito. Parang nanlamig ito bigla. Hindi naman yata ganoon ang totoong nagpapatawad 'di ba?

Pero nagbabago na ngayon si Cielo 'di ba? Pinagkakatiwalaan na niya ngayon si Rocco. Lahat ng sinasabi nito ay totoo. Siguro nga ay ang insecurities na naman niya ang pinaiiral niya kaya kung anu-ano na lang ang pumapasok sa isip niya...

Rocco, The Played Playboy (COMPLETED)Where stories live. Discover now