17. Pain

4.4K 124 1
                                    

NA-EXCITE si Cielo nang makitang tinatawagan siya ni Stella. Simula nang umuwi siya sa Pilipinas ay bihira na niyang makausap ito. Busy raw kasi ito at dahil magkaiba pa ang oras nila ay mas nahihirapan silang mag-usap. Siya lang rin ang nagri-reach out sa kaibigan kaya masaya siya na ngayon ay tinawagan siya nito.

"Uy, mabuti naman at napatawag ka. Ano na? Kumusta ka na?"

Masaya ang tono na sinagot siya ni Stella. "Ito, maayos naman. Sobrang ayos, actually. May good news ako sa 'yo!"

"Talaga? Ano 'yun?"

Tumili si Stella sa kabilang linya. "I'm pregnant! Magiging ninang ka na!"

"OMG! Totoo? Pero teka, sino ang ama?" Walang boyfriend si Stella. Iisang lalaki lang ang bukang bibig nito---si Rocco.

"Sino pa ba? Alam mo naman kung sino ang iisang lalaking kinahuhumalingan ko. Sa kanya lang ako bibigay 'no?"

Napalunok si Cielo. Ayaw niyang isipin ang posibilidad pero ito lang talaga ang pumapasok sa isip niya. "S-si Rocco?"

"Yes! And I'm so happy!"

Parang bumagsak ang langit kay Cielo. "P-pero paano? Wala ka namang nakukuwento sa akin na may nangyari sa inyo..."

At wala rin naikukuwento sa akin si Rocco na nagkakasama o nagkakausap man lang kayo...

Halos isang buwan na simula nang makauwi si Cielo sa Pilipinas. Pero kahit nasa Sicily pa noon si Rocco ay araw-araw rin naman silang nagkakausap. Napakaraming pagkakataon nito para sabihin sa kanya ang mga ginagawa nito at nakakasama nito. Pero kahit ni isa ay wala siyang narinig.

Nagsisinungaling ba sa kanya si Rocco?

"Hindi ko lang nakuwento sa 'yo pero may nangyari sa amin isang gabing nagpunta ako sa bar at nakita ko siya roon. Oh, that's a night full of fantasy. Hindi ko makakalimutan iyon..."

Natahimik si Cielo. Nag-uumpisa na ang sakit at parang nagbabanta rin na hindi niya malilimutan iyon.

"Cielo, are you still there?"

"Y-yes. Pero sige, mamaya na kita tatawagan. Tinatawag rin ako ni Mommy, eh..." palusot ni Cielo pero sa totoo lang ay gusto lang talaga niyang lusutan ang sakit.

Nagpaalam na si Cielo sa kaibigan. Napaiyak siya nang maibaba ang kanyang telepono. Ito na nga ba ang sinasabi ng Mommy niya. Hindi dapat siya umibig sa isang playboy dahil sasaktan lang siya nito.

May isang bahagi ni Cielo ang nagsasabing kausapin muna niya si Rocco. Hindi dapat siya maging one-sided sa sitwasyon. Pero paano naman siya makakasigurado na sasabihin ni Rocco ang totoo? Hindi pa naman niya ito ganoon kakilala. May masama rin na reputasyon ito. At si Stella ay matagal na niyang kilala. Alam niyang hindi ito magsisinungaling sa kanya.

Gulong-gulo ang nararamdaman ni Cielo. Pero may isang bagay na na-realize siya. Naiintindihan na rin niya ang Mommy niya ngayon. Masakit pala talaga ang magmahal...

Rocco, The Played Playboy (COMPLETED)Where stories live. Discover now