Chapter 8 • The Heroine

105 60 46
                                    

INIWAN AKO NI Ralph mag-isa sa nakakatakot na sitwasyon. Lahat sila nakatingin sa akin. Kahit nakayuko ay alam kong pinagmamasdan nila ako— nakasiksik katabi ng pader, kung saan ako komportable.

Gusto kong umalis pero hindi ko alam paano gumalaw. Pakiramdam ko maging ang mga elitistang papasok sa loob ay ayaw na madikitan ang katawan ko. Hindi ako sanay sa ganito. Hindi ako sanay makakita ng mga lalaking naka-Amerikana at mga babaeng madudulas ang kumikinang na mga evening gowns. Ang huling experience ko na isang formal event ay noong high school graduation ball na ginanap sa basketball court ng school.

"Miss, ikaw 'yung kasama nung lalaking naka-grey na Amerikana kanina, diba?"

Nilingon ko ang nakapormal na security guard. Tumango ako sa kanya.

Tinuro naman niya ako sa magandang babaeng nasa likod. Tulad ng iba, napakaliwanag ng suot nitong dress na bababa hanggang sa itaas ng sakong nito. Tumiklop na ang balat ko nang pagmasdan ko ang mga makinis niyang balat. Pwede siyang sumali sa beauty pageants dahil sa perpektong hugis ng katawan niya.

Banayad niya akong nginitian at dahan-dahang nilapitan. "Are you Ralph's plus one?"

Kailangan ko pang tumingala dahil sa taas niya. Siguro'y magkasing tangkad sila ni Ralph.
Hindi ko alam ang isasagot. Ayaw kong aminin na ako nga ang date ni Ralph. Dapat pala ay tumakas na ako kanina pa. Baka mamaya ay may malaki palang kasalanan si Ralph at ako ang paparusahan.

"By the way, I'm Raine, his Ate." Nakipagkamay ito.

Ate siya ni Ralph? Samantalang mas mukhang matanda si Ralph. Pero kung susuriing mabuti, may hawig nga sila.

"Erica po," pakilala ko sa sarili.

"Where is he? The program's about to start." Pabalik-balik din ang tingin nito sa relo.
Kinagat ko ang labi dahil hindi ko alam ang isasagot. Maging tuloy ako ay natataranta. Nakakainis talaga 'yang Ralph na 'yan.

"H-hanapin ko po."

"Really? Thanks." Nagulat ako nang bigla niya akong yakapin. "I'm really needed inside. I informed the security so pwede na kayo pumasok."

Kabaligtaran ni Ralph ang Ate niya. Katunayan, kabaligtaran ni Ralph lahat ng taong nakasalamuha ko ngayon.

Wala akong nagawa kundi maglibot sa hallway. Sa paghahanap ay napadpad ako sa kabilang dulo kung saan may glasswall na humaharang sa balcony. Nakatalikod ang isang lalaking nakapusod ang mahabang buhok. Nandito lang pala ang demonyong nang-iwan sa'kin.

Ipinadulas ko ang sliding glassdoor at nilapitan siya. Ngunit napaubo ako dahil sa usok. Mukhang ito na ang impyerno. Kung may asthma siguro ako, baka namatay na ako.

"Why are you here?"

Alam niya na kaagad na ako ang pumasok, ni hindi man lang siya lumingon. Nakatingin lang siya sa langit kaya't tumingala rin ako. Walang mga bituin, hinanap ko ang buwan pero hindi ko rin makita.

"Ikaw ang dapat kong tanungin niyan. Inaya-aya mo ako rito tapos iiwan mo ako na parang pusa," sagot ko sa kanya.

Dahan-dahan akong lumapit kahit hindi ko gusto ang amoy. Ramdam kong kailangan ni Ralph ng kasama kahit pa gusto niyang mapag-isa. Kumapit ako sa railings at tumingin sa ibaba. Nasa balkonahe kami ngayon ng pangwalong palapag ng isa sa malalaking hotel dito sa Pilipinas. Hindi ko akalaing ang unang beses na makakatungtong ako sa ganitong lugar, si Ralph ang makakasama ko.

Tragedy Of The Fallen HeroUnde poveștirile trăiesc. Descoperă acum