Journal Entry #10: Tignan VS. Tingnan

1.3K 1 0
                                    

Binalikan ko 'yung ilang mga sinulat ko noong mga nakaraang taon. At napansin ko: tungaks ako sa grammar. Ang medyo nakakagulat lang, mas maalam pa ako sa grammar sa English kaysa sa Filipino. At sa tingin ko, hindi lang ako ang nakakaranas niyon (though wala akong alam na scientific literature tungkol dito; anecdotes lang ng iba't ibang tao hawak ko). 

Ngayon, madaling sabihing dahil sa education system natin kaya minsan, mas magaling tayong mag-English kaysa magsalita sa sarili nating wika. Madaling kastiguhin ang mga institusyong pilit sumasabay sa globalization, na umabot na sa puntong mistulan nang pinapatalikuran sa atin ang kasanayan sa mga katutubong salita. Pero naisip ko na mababaw ang kaisipang ito, na wala itong maidudulot kundi paninira sa mga nasa katungkulan at pagpapahinog ng galit sa mga nasasakupan. 

Para makakita ako ng mas malalim na dahilan kung bakit minsan mas magaling pa tayo sa grammar ng banyaga kaysa sa sarili nating balarila, minabuti kong hukayin ang kalikasan ng grammar, language, and the importance of clear communication as a whole.

Naging elitist na sa panahon natin ngayon ang mga taong nagtatama ng grammar ng iba. Tignan mo sa social media, sa mga comments section, at sa ilang memes ang paglipana ng gayong kaugalian. At dahil nilagyan ko na ng salitang may masamang connotation (i.e. "elitist") ang sinabi ko, malamang naipahayag ko na sa'yo na masamang magtama ng grammar ng iba. Ngayon, mali bang magtama ng mali ng iba? Hindi naman. Pero sa parehong pagkakataon kasi na tinatama mo sila, hinuhusgahan mo nang mali sila. At kung mali sila, ibig-sabihin ay tama ka. At wala nang mas kinaiinis ang isang tao higit sa maging mali sila habang ang iba ay tama. Mas masaya kung lahat na lang tayo, mali. Magbanggaan tayo ng mga tahilang nakaharang sa mga mata natin.

O, madaling maging cynical, hindi ba? Minsan talaga, nakakainis kapag tinatama ng iba 'yung grammar mo. Hindi ba pwedeng typo lang? Hindi ba pwedeng ganoon dialect sa probinsya namin? Hindi ba pwedeng maging mangmang? Nakakainis. Pero bakit kaya? Bukod siguro sa nasabi ko sa huling talata (which is more of a general view), naisip kong baka mali kasi pagtingin natin sa "grammar". 

Ang grammar daw ay "rule", batas sa paraan ng pagbubuo ng pananalita. Madali namang isipin kung bakit kailangan natin ng rules sa pagbuo ng mga pangungusap: para magkaintindihan tayo. 

May mga nababasa akong sobrang sakit sa mata kasi sobrang gulo ng grammar. Hindi naman ako maarte sa wika, pero 'pag nakakabasa ako ng mga passage na parang tinanggalan ng dangal 'yung mga salita, nakaka-off basahin. At, dahil masyadong magulo, hindi ko na naiintindihan. Nakakainis 'yun, kasi may tungkulin tayong magpahayag sa pinakamalinaw na paraan na kaya natin. Tanggap ko pa 'yung magulo 'yung ideas, o may contradiction sa mga pinagsasasabi, pero 'yung magulong sulat? Unless part ng sinusulat mo 'yung magulong grammar, mahirap tanggapin sa'kin 'yung mga gan'on. Pansin mo bang "gulo" ang ginamit kong salit, imbes na "mali"? Ganoon kasi nature ng mga rule: 'pag hindi sinunod, gumugulo 'yung sinasakluban niyon. 

Syempre, hindi rin magandang maging kabahagi ng nasa kabilang dulo ng spectrum: 'pag masyado kang bureaucratic sa grammar, tyrannical ka naman. Masikip kang kasama. Hindi ka maluwag kausap. Mahirap huminga sa parehong atmosphere mo. Ideal na maging matalas ka sa sarili mong sulat, pero 'pag ginalaw mo na 'yung sulat ng iba, aba, ibang usapan na 'yun. Lalo na kung writer 'yung sinasabihan mo? Hinay-hinay ka lang sa pananalita. Hindi mo alam kung ano ang kwento sa kabila ng bawat letrang nililimbag nila. Baka nagkakahon ka ng isang ibong gusto lang namang lumaya. Ganoon kasi nature ng mga rule: 'pag sinunod to the letter, masasakal 'yung sinasakluban niyon.

Ngayon, bakit mas nakakainis 'yung mga sumunod sa grammar to the letter? Bakit may bansag na tayong mga "elitist" sila, samantalang walang pumupuna sa mga nasa kabilang dako? Sa panahon nga natin, kailangan pa ng platform ng mga marurunong para itama 'yung grammar ng iba (e.g. mga pa-contest dito sa Wattpad) para lang hindi sila masabihan nang masama. Pwede mong sabihing wala ka namang pakialam kung sabihan kang masyadong mayabang 'pag tinama mo pananalita ng iba, at pwede mo ring sabihing wala kang pakialam kung itama 'yang pananalita mo, pero alam nating lahat na kasinungalingan 'yang mga 'yan. We're social animals. Malamang, maghahanap tayo ng lugar sa kapwa natin, at lagi tayong may pakialam sa mga sinasabi ng iba. Lagi. Huwag ka nang magmaangmaangan pa.

Kasi, gayon ang tungkulin ng pakikipag-ugnayan--ang makahanap ng lugar sa malaking mundong ito. Nakikipag-usap tayo sa iba para lang matingnan ang sarili kung makakasapi ba tayo sa kanila. Mahalaga ang balarila para maiparating natin nang maayos ang saloobin natin, dahil may pananampalataya tayo na alam din nila ang balarila na ating ginagamit. Dito ko nakita ang problema: Minsan, ginagamit natin ang balarila sa kabaligtarang kadahilanan--para maihiwalay ang marunong sa hindi. Iyon ang tinatagurian nating elitista. Huwag mong sabihing gusto mo lang itama ang grammar nila, dahil hindi iyon ang iyong dahilan. Gusto mo lang patunayan sa sarili mo na may mas alam ka pa kaysa sa kanila. Na mas marunong ka. Na tama ka. Na mali sila. Ayan, kaya naiinis sila sa'yo 'pag tinatama mo sila, ganyan 'yung mga iniisip nila. 

Sa tingin mo, tama ba sila? Na maling itama sila? Pero totoong kahit kailan, hindi justifiable ang kahit anong mali. Pinatambay ko sa utak ko 'yung mga idea na 'to: na tamang itama ang mali, pero tama ring huwag itama ang mali. At dito napunta ang isip ko: axiomatic ang pangangailangan nating magkaintindihan, kaya may necessity sa pagbuo ng lenggwahe, at kailangan ng balarila para maisayos ang nakaparaming potential na mga pwedeng maging mga salita. Sa mundong walang grammar, may ibig-sabihin ang Aaaaaaaa--at magkakaiba ang pakihulugan ng tao roon, at magkakagulo, at mamamatay ang lahat ng na sopistikadong nilalang.  Sa mundong walang salita, may dalawang taong tuturo sa magkaibang direksyon para sabihin na may pagkain doon, o tuturo sa parehong nahuhulog na bituwin upang sabihing maaari silang humiling doon o babala iyon ng katapusan ng mundo. Pero sigurado akong walang mundong walang pangangailangan ng pagkakaintindihan. Magpapatayan tayo, magsisiraan, pero hindi natin kayang mabuhay nang wala ang iba.

Kaya, ang balarila ay mahalaga upang magkaintindihan tayo, pero kung nagkakaintindihan na tayo, ano pa ang halaga ng balarila? Tandaan nating ang wika ay buhay, isang nagbabagong kaibigan ayon sa tinatahak natin, tinutulungan tayong humakbang kahit ng isang beses pa sa hinaharap o sa mga hindi nating kayan harapin. Kaya, ang balarilang nakasandig lang sa wika ay lagi ring nagbabago. Huwag mong itama ang grammar ng iba, dahil maaaring sampu o sandaang taon mula ngayon ay iyon na ang tama at ikaw na ang mali.

So, ano ba ang tama, "tignan" o "tingnan"? Kung pagbabasihan ang balarila, mas tama ang "tingnan." Kung titingnan ang kalikasan ng wika, mas tama ang "tignan." Kung hahanapin ang pangangailangan nating magkaintidihan, parehas tama. At sapat na iyon. Walang tama sa kanilang dalawa, sa parehong dahilan kung bakit sa kanila ay walang mali.



Open for InterpretationsWhere stories live. Discover now