Journal Entry #5: Journaling

57 1 0
                                    

February 21 ngayong taon nang magsimula akong magsulat ng journal. Kumuha ako ng isang notebook at pinangalanang "TULA 001-180221" kasi mga tula lang 'yung una kong naisip na isulat d'on. Pero, paglipas ng ilang entry naging mga journal na 'yung sinusulat ko. Mga kung anu-anong bagay lang na gusto kong sabihin, na alam kong ako lang din ang makakarinig. Mga reklamo sa trabaho, reklamo sa bayan, hinanakit, regrets, at syempre mga encouragements din. Reading back feels like I'm shaking hands with my past self a few months ago.

Siguro isa sa mga charm ng mga journal e 'yung katotohanang mababalikan mo 'yung nakaraan mo. Parang mga litrato, pero imbes na maalala mo 'yung mga alaala mo, ang maaalala mo e 'yung tumakbo sa isip mo, 'yung mga naramdaman mo. Hindi lang kasi mga salita 'yung mababasa mo, kundi pati na rin 'yung mismong paraan mo ng pagsusulat. Dito kasi sa laptop, mekanikal na ang mga letra, may sukat, engineered to efficiency. Sa sulat-kamay, hala ka, iba-iba 'yung sukat, minsan hindi mo pa mabasa mismong sulat mo. Nakaka-proud din syempre 'yung para kang naging calligraphist sa ganda ng sulat mo at para kang nagkaroon ng sariling font. At minsan, sa mismong paraan pa lang ng pagsusulat halata na 'pag galit ka, desperado, umiiyak, inaantok, pagod, o sumusuko na sa buhay. Sa hand-written journals, the way you write speaks stronger than the words you use. 

Pagkatapos ng ilang buwang pagsusulat, naubos ko nitong August 3 'yung sinusulutan ko. Masasabi kong masayang karanasan ang pagsusulat sa TULA--at may mga pakinabang din.

Ramdam kong nakatulong 'yun sa pagsusulat ko. Naging mas komportable akong magsulat ng mga salita. You see, writing is wordsmithery, sensible ka dapat kung tama pa ba ang salitang ginagamit mo, kung kaya pa bang hawakan ng mga salita mo 'yung sinasabi mo--I'm far from that still, pero medyo nahahawakan ko na 'yung concept n'on salamat sa pagjo-journal. 

Sa pagsusulat sa TULA natagpuan ko 'yung sarili kong gumagamit ng mga salitang hindi ko normal na ginagamit. Ngayon, malawak-lawak na ang vocabulary ko--in the sense na mas marami na akong salitang tanggap ko nang gamitin. Sanayan lang naman ang paggamit ng mga salita, at mas mainam kung komportable ka sa salitang ginagamit mo; kung hindi, hindi mo makokontrol nang maayos ang salita, magpupumiglas ito, at minsan ay kakagatin ang mga daliri mo kaya mawawalan ka ng kakayahang magsulat. Oo, writer's block ang tinutukoy ko.

Ayun pa, nakakatulong din ang pagjo-journal sa writer's block ko. Wala akong maisulat? Isasara ko ang laptop at haharap sa notebook, isusulat doon na wala akong maisulat, at ng kung anu-ano lang na pumasok sa isip ko. I'm purging the block, declogging the sink. Dapat kasi e araw-araw kang magsulat, kahit pa hindi naman dadagdag directly sa kwento. Ang mahalaga, makapagsulat ka. Oo, kahit ng mga walang kakwenta-kwentang bagay. 

Pero, nagtaka rin ako: Bakit ba walang kwenta mga sinusulat ko madalas sa journal? Ang una kong naisip: pwedeng ihalintulad sa pagsusulat ang pag-uukit sa kahoy--kung gusto mong gumawa ng maayos na estatwa, kailangan mong tapyasin ang materyales mo. Maaaring sa isang tipak ng kahoy e marami kang dapat tanggalin, marami kang mapagtapyasan; pero, mas mabuti nang tapyasin ang malaking bahagi ng kahoy kung para sa ikagaganda nito, kaysa naman buo nga pero ipanggagatong lang din naman. Naging lagayan ng mga pinagtapyasan ko ang journal. Masakit man, totoong ang TULA ay basurahan ko lang.  Binuhusan ko ng oras at effort ang paggawa sa isang basurahan.

Pagkatapos ko lang maubos 'yung pahina ng notebook tsaka ko natagpuan ang mas magaang mindset tungkol sa TULA. Sa "Your House Helper", isang K-drama, natagpuan ko ang ideya ng paglilinis ng isa sa mga bida na pwede kong i-apply sa pagjo-journal (non-verbatim): "Cleaning is not a decision what to throw, but what is to keep." Pagkatuto ko sa ideya na 'yun, nag-retroact 'yung alaala ko sa mga panahong iniisip kong basurahan lang ang pagjo-journal, at napagtanto kong maling kaisipan 'yun. Tama, hindi basurahan ang pagjo-journal; kundi, isang paglilinis. Ang pagsusulat ng ganoon ay paglilinis sa makinang 24/7 tumatakbo para manghuli, mangolekta, mag-breed, magkatay, maggiling, at magluto ng mga kwentong pwedeng ipamahagi sa mga nagugutom sa masasarap at/o masusustansyang mga literatura. 

Sa paglilinis ng utak, makakatagpo ka ng mga makikintab na alikabok, mga rainbow-colored na agiw, mga basag na gemstone na 'di mo alam na doon mo lang pala naipatong--magaganda sa paningin, pero mga basura pa rin! Kailangan mong itapon, kailangan mong alisin, para makapagbigay ng espasyo sa mga mas kapakipakinabang na mga bagay. Minsan pa nga, sa paglilinis ng utak e makakatagpo ka ng mga matagal mo nang naiwala pero kailangan mo pa rin pala, o mga hindi mo alam na mayroon ka. Sa lawak ng utak natin, it's equally possible to stumble upon a broken brick, or a whole new but lonely world. 

Isa pang maganda sa pagjo-journal e ang katotohanang pagkatapos mong ilabas sa lahat ng pahina ng notebook ang mga galit, desperasyon, luha, antok, pagod, at pag-iisip kung dapat ka pa bang magpatuloy mabuhay, sa bandang dulo e nandito ka pa rin, binabasa ang mga entry mo, nakikipagkamay sa dating ikaw, humihinga. Buhay. At handang magsulat ulit sa bagong notebook. 

Open for InterpretationsWo Geschichten leben. Entdecke jetzt