Journal Entry #9: Hindi man lang ako hinintay...

29 1 0
                                    

Kababasa ko lang ng balita tungkol sa napipintong pagsasara ng Visprint sa taong 2021. Hindi ko mapagkakaila, nalungkot talaga ako. Pakiramdam ko may isang liwanag sa dinaraanan ko na unti-unti nang pumapanglaw--na tipikal na nararamdaman ng tao sa tuwing nagsasara ang isang institusyon. At, malamang hindi lang ako, pinangarap kong sa kanila ako makapag-publish ng libro sa mga darating na taon pa sana (mga ten years), kasi ilan lang sila sa mga publisher na binilhan ko ng libro na hindi ako nabigo. Sayang. Ilang taon na lang naman siguro (mga ten years nga) e pwede na akong makapagpasa ng manuscript sa kanila. Hindi man lang nila ako nahintay.

Nalulungkot talaga ako. Medyo parang bahagyang slightly lumabo 'tong tinatahak kong daan. Pero, ewan ko, dahil siguro doon mas naging maigting 'yung pagnanasa kong maging isa sa mga "bagong henerasyon" ng mga manunulat na magtataguyod sa pagkatha dito sa Pilipinas. Parang kapag nag-brownout bigla, mas makikita mo ng maliwanag 'yung mga bituwin sa langit. Ang pagkakaiba lang e nakikita ko ngayon 'yung sarili kong isa sa mga bituwin--mga munting liwanag sa malayo na nagliliwanag lang kapag dito sa lupa e nagdidilim, kasama na ng napakarami pang katulad kong nangangati ang mga daliri na makabuo ng mga babasahing magtataguyod sa literatura sa bansa. 

Nasa mambabasa raw ang kaligtasan ng panitikan. Pero bukod sa kanila, kailangan din ng matitinong writer at comic artist ng bansa natin na available mabasa--dahil lahat naman tayo ay nag-umpisa sa pagbabasa. May nabuksang pagkakataon ang Visprint sa mga tulad natin, at iyon ang pagkakatantong may audience naman din pala ang mga kathang Pinoy kahit papaano. Sana mapagpatuloy natin, sana hindi maikabod 'tong umuusbong pa lang na kultura ng pagbabasa AT pagkakatha dito sa atin. At sa tingin ko--positibo ako--hindi naman mawawala ang pagkakataong iyon, gaya ng di-pumapanglaw na ala-ala natin sa mga gabing brownout at maliwanag ang mga bituwin sa langit.

Open for InterpretationsWo Geschichten leben. Entdecke jetzt