Journal Entry #3: Dream Come True?

22 3 0
                                    

In case hindi pa malinaw, gusto kong maging professional writer. 

Pero ano ba ang professional writer? Sabi ni Stephen King, "Ano 'yan bro, 'pag nakakapagbayad ka na ng mga gastusin mo sa bahay dahil sa kumikita sinusulat mo, 'yan, professional writer ka na."

Basically, kapag binabayaran ka na sa pagsusulat mo, professional writer ka na. 

With this logic, medyo professional writer na ako. Paano nangyari? Well, may sikreto akong sasabihin sa'yo. Kaya, lapit ka saglit...atin-atin lang 'to.

Konteksto muna: Sa ngayon ay nagtatrabaho ako sa isang manufacturing company bilang Cost Accountant. At tulad ng lahat ng mga "accountant", nag-uumpisa ang trabaho ko sa pag-e-encode ng mga data mula sa documents. 'Yung mga documents na kailangan ko e nanggaling sa Production at Warehouses; basically, may Inputs akong kailangan na nanggagaling sa ibang tao. Kung wala akong documents, wala akong magagawang trabaho. 

Nand'yan ka pa ba? Eto na kasi 'yung sikreto... madalas kasi e hapon na nagdadatingan 'yung mga kailangan kong documents. Tulad kahapon, 4 PM na dumating 'yung mga kailangan ko. So, ano'ng ginawa ko mula 8 ng umaga hanggang 4 ng hapon? Sa loob ng halos pitong oras...nagsulat ako. Na gaya ng madalas kong gawin sa parehas na mga sitwasyon. Oo, nagsusulat ako tuwing oras ng trabaho. 

Dahil doon, naging running joke ko na na binabayaran na ako ng kompanya sa pagsusulat ko. Dream come true na, isa na akong "professional" writer! Ang sarap i-fantasize na may napupuntahan na ang pagsusulat ko, na may nagbabayad na para sa mga salitang lumalabas sa akin. Tapos biglang sisingit 'yung konsensya ko: "Hala ka Werden, hindi ka binabayaran para magsulat!" Itataboy ko lang 'yun at magsusulat pa.

Kung mabuti kang empleyado, gagamitin mo 'yung free time mo sa pag-iisip ng improvement na pwede mong magawa, kakausap ka ng mga taong pwedeng mahingan mo ng magandang inputs, o ayusin pa ang mga sistema o files na mayroon ka. Hindi ako mabuting empleyado.  Hinihintay ko na nga lang na bigyan ako ng memo o i-fire na e, kasi sinasayang ko 'yung resources ng kompanya para lang magawa ko kung saan talaga humihilig puso ko. Nakakakonsensya...pero, ewan, feeling ko kahit naman tanggalin nila ako o hindi na makapagtrabaho bilang accountant, okay lang sa akin. 

Gabi ng April 11, habang nagsusulat ako sa may sala namin, tinanong ako ng kuya ko: "Mahalaga ba 'yang sinusulat mo?" Sabi ko: "Oo. Mas mahalaga pa 'to sa trabaho ko." "Ba't 'di na lang 'yan gawin mo?" "Ewan ko nga rin, e!"

Bakit ba hindi na lang ako mag-resign at magsulat na lang? Kung mag-resign ako, e 'di magkakaroon ako ng mas maluwag na oras para makapagsulat. At mawawala na ang konsensyang bumubulong sa akin na hindi ko dapat gamitin ang free time ko sa ganoong paraan. Ang sarap sa feeling! Pero alam kong iresponsable na gawin 'yun kasi tungkulin kong mapagkakitaan kung ano'ng tianpos ko, kaya eto ako, after 3 months e Cost Accountant pa rin. Sa bagay, marami naman kasing writer na may "day job". Kung tutuusin normal lang naman 'yung sitwasyon ko, hindi na dapat isulat pa o ikwento. Ang siste nga lang, sa takbo ng isip ko ngayon, hindi na ako masaya sa natitirang oras sa akin para makapagsulat ako. Gumigising akong ang unang pumapasok sa isip ko e gusto kong magsulat, kaya ramdam ko 'yung katamaran sa pagpasok. Tapos hindi na sapat 'yung nakaw na sandali ko sa opisina, hindi na sapat 'yung oras ko sa gabi--hadlang na 'yung trabaho ko sa pagsusulat. Kaya talagang laging nakakabit sa isip ko 'yung salitang "resignation", kahit pa sabihing "nabababayaran" na 'yung pagsusulat ko. 

Dream come true na ba? Hindi pa. Ang gusto ko lang naman kasi e makapagkwento at may makinig sa akin. Gusto ko lang magsulat at wala na akong ibang gustong gawin pa. (Ayoko munang isiping magkamal ng limpak-limpak na salapi sa ganoong paraan.) 

Open for InterpretationsΌπου ζουν οι ιστορίες. Ανακάλυψε τώρα