Journal Entry #6: Mag-isip ng Tama

53 2 1
                                    

Simula nang ma-realize kong gusto kong maging writer, nag-umpisa na ang pakikipagbuno ko sa pakiramdam na nag-aaksaya na lang ako ng oras na gumawa ng ibang bagay. Gusto kong magsulat, lagi kong sinasabi. Gusto ko lang magsulat. Wala na akong ibang gustong gawin kundi magsulat lang. 

Kaso nga lang, hindi ganoon ang realidad ko. Dahil accountancy tinapos ko, wala akong choice kundi magtrabaho ng naaayon doon. Wala akong choice kundi magtiis na hindi magawa kung ano talaga hilig ng puso ko.

Limang taon. Limang taon akong nakikipagbuno sa pagtitiis na 'yun, sa pagtahak sa landasing ayaw lakaran ng mga paa ko, patungo sa kinabukasang hindi naman tinuturo ng puso ko. Sobrang hirap. Lagi akong naiipit sa sitwasyon na gusto ko na lang isuko lahat, pero alam kong hindi ko dapat gawin 'yun. Gusto kong tumigil mag-aral dati, pero itinuloy ko pa rin. Gusto kong mag-aral ng pagsusulat pero mas pinili kong magtrabaho. Gusto kong maging writer pero sinabi ko sa sarili ko na dapat maging CPA muna ako. Hindi ako nakapasa. Pero hindi pa rin mawala 'yung kagustuhan kong magsulat. At naisip ko, nagawa ko na lahat ng tungkulin ko. Sinubukan kong mabuhay sa takbuhing ipinataw sa akin ng mundo--wala na akong responsibilidad na dapat pang sagutin kahit kanino.

Pero wala akong alam na ibang landasin. Kung mag-aral kaya ako ng pagsusulat? Ayaw ko nang gastuhan pa ng pamilya ko 'yung makasarili kong pangarap sa buhay. Naisip ko na magtrabaho at mag-ipon ng pampaaral, pero nalulugmok ako sa katotohanang ayaw ko ng trabaho ko. Hindi dahil sa hindi ko gusto, kundi dahil sa iba lang talaga gusto ko. Masarap ang saging, pero mas gusto ko lang talaga ang kape. Pero kung hindi ako magtatrabaho, saan ako kukuha ng pantustos?

Ano na? Naipit na ako sa kung ano ba dapat kong piliin: Isang mundong kaya kong masuportahan sarili ko? O isang mundong gusto ko talagang gawin? 

Hanggang sa maisip ko: Kung mag-uumpisa ako ng career sa pagsusulat ngayon, siguradong mamamatay ako nang maaga o mahirap, o parehas. Pero hindi ko rin naman makita 'yung sarili kong nabubuhay sa ibang trabaho. Mag-a-apply ako sa isang trabahong nakaaayon sa propesyon ko, pero hindi ako magtatatagal ng isang taon kasi maiisip kong istorbo ang trabaho sa pagsusulat. Naisip ko, kung gusto kong maging writer, pinakamaliit na sakripisyo na 'yung hindi ko pagtatrabaho para makapag-focus sa pagsusulat.

Sa loob ng limang taon, simula ng third year college ako hanggang kahapon, 'yan iniisip ko. 

Saglit lang, hanggang kahapon? Oo, hanggang kahapon na lang. May bigla kasing nagliwanag sa akin.

Habang bumabyahe ako papasok, tulad ng dati ay iniisip ko kung ano mga gagawin ko sa araw na 'yun. Tapos syempre, pumasok sa isip ko 'yung kagustuhan kong maging writer na lang. Tapos napaisip ako kung bakit ko ba gustong maging writer (wala akong naisip na sagot), na kumambyo na sa pag-iisip kung ano ba ang "writer". 

Ano ba ang "writer"?

Bilang tugon, naisip ko kung ano ba ang tungkulin ng isang manunulat: Pakinggan ang bulong ng hangin tungkol sa mga kwentong narinig niya lang din sa iba, alagaan sa isip ang mga iyon, at isulat lahat ng pwedeng isulat, diligan ang lahat ng dapat lumago, itapon lahat ng dapat itapon. 

Sa dami ng dapat kong isipin, napagtanto ko:

1. Hindi ko kailangang isipin kung bakit hindi ako nag-aral ng Writing.

2. Hindi ko kailangang isipin kung ano ba ang mga pwede kong mai-contribute sa pinapasukan kong kompanya.

3. Hindi ko kailangang isiping ayaw ko naman sa trabaho ko.

4. At hindi ko kailangang isipin na gusto ko na lang talagang magsulat, o kung ano'ng gagawin ko sa panahong gusto ko na lang magsulat. 

Lahat ng mga bagay na 'yan, either wala na akong magagawa o dapat ko lang harapin kapag nasa harap ko na. Mga alalahanin sa buhay. Mga walang kwentang isipin. Ni hindi naman niyan nadagdagan ng isang segundo buhay ko.

Wala akong ibang dapat isipin kundi mga kwento ko, mga sinusulat ko--mga bulong ng hangin. Ano kaya ang susunod na plot? Sino ang susunod na magpapakilalang character? Paano ko itutuloy ang kwento? 'Yan ang mga tamang tanong, mga kailangang isipin bilang isang manunulat. Napakasimple lang, 'di ba? Bakit ko ba sinayang sa pag-aalala limang taon ko ng pag-iisip?

Accountant ako. Then? Hindi naman n'on mabubura pagiging writer ko.

Wala akong formal education sa creative writing. So? Marunong akong magbasa at magsulat. Wala nang ibang requirement.

May iba akong trabaho ngayon imbes na pagsusulat lang. O, ano naman? Nakakapagsulat pa rin naman ako. Hindi 'yun 'yung humahadlang sa pagsusulat ko kundi 'yung pag-aalala. 

Nakakainis na kinailangan ko pang mag-aksaya ng napakahabang panahon sa pag-iisip ng mga walang kwentang bagay. Kung naging mas matalino lang ako, siguro marami na akong natapos na mga kwento. Nakakainis. Pero tapos na. Nagastos ko na ang limang taon ko, lumipas na sa kawalan. Nasayang ba? Hindi naman. Kasi sa loob ng limang taong pag-aalala, dumating pa rin naman ako sa conclusion ko, natagpuan ko na rin sa wakas kung ano ang tamang approach:

Regardless ng sitwasyon ko sa buhay, isa akong writer. Tungkulin kong mag-isip ng tama.

Open for InterpretationsWhere stories live. Discover now