Journal Entry #1: Musika

55 4 0
                                    

Hindi ako mapakali na walang unang entry 'tong journal na 'to. Kaso hindi ko alam kung ano'ng dapat maging unang entry ko dito. Marami akong topic na gustong ikwento, pero hindi ako makapili. Kaya, heto, pumili ako ng isang random na bagay na wala naman sa original kong iniisip na isulat.

Hindi ako mahilig sa music dati. Hindi naman sa ayaw ko, pero walang pagkakaiba sa akin kung makinig man ako ng mga kanta o hindi. Pero nang ipakinig sa akin ng isang metalhead kong kaibigan ang kantang "Through the Fire and Flames" ng DragonForce, nakaramdam ako ng kakaiba na hindi ko dati maramdaman sa iba. Nabuksan na 'yung puso ko sa mundo ng musika.

Nag-umpisa na akong makinig sa iba pang mga kantang metal at punk--Lamb of God, Slipknot, Bullet for my Vallentine, at ilang mga bandang hindi ko na maalala ang mga pangalan ang mga unang kumanlong sa akin. At dahil sa kanila, na-identify ko ang sarili bilang isang metalhead (headbang, headbang lang nang headbang). Naging malaki rin epekto nila sa pagsusulat ko--mas naging edgy, mas may angst, at parang pinaglalaruan lang ang kamatayan sa mga salita. Kaso medyo repulsive pa rin sa akin 'yung ilang mensahe sa mga kanta nila. Christian kasi ako, at ilan sa mga metal song e kinukwestyon ang kapangyarihan Niya.

Pero, 'yung kaibigan kong nagpakilala sa akin sa metal, pinakilala rin ako (nang hindi sinasadya) sa subgenre na controversial mismo sa realm ng metal: mga Christian Metal. Tama. May mga kantang sumisigaw ng papuri sa Diyos. Nagpapahinga kaming magkaklaseng lalaki mula sa pagpa-practice ng "Nobody" (oo, 'yung kanta ng Wonder Girls), nang maisipan niyang i-play ang metal rendition sa "How Great Thou Art" ng Becoming the Archetype (BTA). At hindi ko napigilang mabagbag ang damdamin sa narinig ko (nairita lang 'yung iba). Simula noon, nakinig na ako sa mga kanta ng BTA, at natagpuan ko sa kanila ang musikang kayang-kaya ko nang yakapin ng lubos.

Mula sa BTA, nag-umpisa na rin akong maghanap ng ibang banda. Sumunod kong natagpuan ang Oh, Sleeper. At ibang klase ang lyrics nila! Sobrang astig! Instant favorite. Pati Silent Planet, parang mga tula! Grabe. Sobrang dami kong nakita, nagustuhan, at naisapusong mga Christian Metal. Kung papayagan ako, gusto ko ring mag-growl ng papuri sa Panginoon, pero mukhang hindi 'yun pwede sa public kaya sa kwarto ko lang ginagawa (nang walang lumalabas na boses kasi pagagalitan din ako nina Mama).

Medyo nangangamba pa rin ako sa magiging judgment ng mga tao sa paligid ko kung sakaling malaman nilang mahilig ako sa metal. Alam ko naman kasing maraming masasabi ang tao sa'yo depende sa musikang pinakikinggan mo. At ano bang masasabi sa mga taong mahilig sa metal? Nagiging self-expression na rin kasi natin 'yung mga musikang nagugustuhan natin. Sa consumption kasi natin ng musika, "We are what we eat."

Pero kung totoong pwede mong husgahan ang tao base sa trip nilang musika, baka medyo maguluhan ka sa'kin. Sa paglipas kasi ng panahon, unti-unti na ring lumawak 'yung mga gusto kong genre. Siguro dahil nabanat 'yung utak ko ng metal, naunawaan ko ang mga kagandahan ng iba pang genre ng musika. Sa sobrang lawak, parang lahat 'ata ng sumisikat na genre ngayon e may nagustuhan na akong mga kanta. Sa classical music gusto ko 'yung pieces ni Chopin at mga orchestra. Sa rock gusto ko 'yung mga kanta ng Kamikazee. Sa soul (?) gusto ko 'yung mga kanta ni Moira dela Torre. Sa R&B 'yung mga kanta ni Bruno Mars. Gusto ko rin 'yung mga rap nina Gloc-9, Shanti Dope at Al James. Sa Western EDM-pop, Chainsmokers. Sa K-pop, Twice at Black Pink; isang beses nakatulog akong nakikinig sa mga kanta nila (please help me). Nagugustuhan ko na rin 'yung mga kanta sa anime (e.g. Your Lie in April, kung saan ko natagpuan si Chopin), sa mga K-drama (favorite ko OST ng The Rebel), sa mga loop stations ('yung isang gawa ni Inkie), at mga backing track (blues in A minor).

Sobrang daming genre, sobrang daming ekspresyon. Now, try and judge me.

Marami sa mga pinakikinggan ko, inspiration sa ilang mga sulat ko. Ang tanong, nakakapagsulat ba ako habang nakikinig ng music? Minsan. Depende sa mood. Pero mas madalas na nasa mood ako, kaya madalas e nakapasak sa tainga ko 'yung earphone habang tumitipa sa laptop.

Habang sinusulat ko 'tong journal entry na 'to, nakikinig ako sa "Type and Shadows" ng Wolves at the Gate, ang paborito kong Christian Metal band nang tatlong taon na rin siguro. Puno't dulo, metalhead pa rin ako kahit marami akong nagugustuhang musika (headbang, headbang lang nang headbang).

Open for InterpretationsWhere stories live. Discover now