"Ah...t-talaga? Sige, sa susunod kong pagparito sa 'yo na ako kukuha--"

"Magkano ba ang pinakamahal mong paninda?!" Paangil na pagsabat ng estrangherong nagbitbit ng aking mga bayong.  Nakabalik na pala ito sa kinaroroonan ko mula sa sasakyan. Nakatingin ito nang matalim sa lalaking magbibigas na kausap ko. "Bibilhin ko na lahat para hindi na niya kailangang bumalik dito kahit kailan!"

Ngumisi naman ang magbibigas na tila naangasan ito sa sumabat sa aming usapan.  "Sorry ser, pero siya po kasi ang kinakausap ko eh." Inginunguso ako nito. "Kung gusto mo akhh--"

Nagulat ako sa bilis ng pangyayari.  Walang isang kurap kasi'y bigla na lamang dinibdiban ng kasama ko ang magbibigas. Napanganga ako, gayun din ang mga tao sa paligid dahil tila isa lamang itong manyikang lumipad sa ibabaw ng ilang kaban ng bigas na nakapatas sa loob ng tindahan nito; gayung maskulado naman ito at malaking bulas.

"A-anong--" natataranta ako sa mga nangyari.

"Halika na!" Hinila ako ng kasama ko.

"Pero..." wala na akong nagawa kundi ang magpakatianod dahil sa lakas nito.

***

Hindi ako makapagsalita at halos hindi na makahinga sa loob ng sasakyan sa labis na pagkasindak. Lalong nagpalala sa masamang pakiramdam ko ang matalim nitong pagkakatitig sa akin na tila may nagawa akong hindi nito nagustuhan. Anong klaseng tao ba itong kasama ko? Bakit ang lakas niya? At bakit biglang-bigla na lamang itong nananakit?

"P-panginoon..." nag-aalinlangang wika ng drayber. Bakas sa mga mukha nito ang takot at kaba sa biglaang pag-init ng ulo ng kanilang amo. "S-saan po tayo?"

Sa halip na sagutin ito ay ako ang kinausap nito, "may iba ka pa bang gustong puntahan?" malumanay naman ito.

Nakapako pa rin ang mga mata nito sa akin kaya lalo akong hindi mapakali sa kinauupuan ko, "W-wala na. B-babalik na lang ako sa ibang araw para sa--"

"Kung balak mo pang balikan ang paninda ng hayup na 'yun, kalimutan mo na!" Medyo tumaas na naman ang timbre ng boses nito.

"Pero teka nga muna, Ginoo." Sagot ko, "bakit naman hindi? At saka, bakit mo naman sinaktan 'yung taong wala namang ginagawa sa 'yo. Kawawa nama--"

"David!" Biglang bulyaw nito sa drayber. Bakas sa mukha nito na hindi ito interesado sa mga sinasabi ko. "Tayo na!"

***

Nabalot ng katahimikan ang mga sumunod na minuto. Ako nama'y yumuko na lamang dahil hindi ko na matagalan ang pagtitig ng lalaking nakaupo sa harapan ko. Kung hindi lang talaga malayo pa sa kinaroroonan namin ang aming baryo'y mas mamatamisin ko na siguro ang bumaba na lamang upang maglakad pauwi.

Malapit-lapit na kami sa aming nayon nang biglang bumagal ang takbo ng sasakyan. Sa pagsilip ko sa bintana'y natanaw namin ang hindi mabilang ng mga taong namimiron sa gilid ng kalsada. Sa gitna ng mga ito'y may ilang taong nakahandusay sa lupa. Duguan ang mga ito at ang iba'y wak-wak pa ang mga dibdib at nakalabas ang mga lamang-loob. Mayro'n din namang ilang mga kababaihan ang nagsisiiyakan habang kalong-kalong ng mga ito ang iba sa mga bangkay.

"Panginoon..." malumanay na wika ng lalaking katabi ng drayber. Nakalingon ito sa lalaking nasa aking harapan. "Mukhang may bago na namang ibibintang sa 'tin oh. Sigurado ako, sa 'yo na naman isisisisi ito."

"Shhh!" Pagsuway ng katabi nitong drayber. "Ano ka ba? Ang ingay mo! Nariyan pa si Senda oh!"

Nilingon ko ang lalaking nasa aking harapan. Tahimik na nakatanaw rin ito sa labas at tila may malalim na iniisip. Napahinto na rin naman ang takbo ng sasakyan dahil sa mga taong tumatawid sa mismong kalsadang aming binabagtas. Ilang saglit pa'y may pininditot ito sa gilid ng kanyang kinauupuan. Kasabay naman ito ng unti-unting pagbaba ng salamin sa kinakanan nitong bintana--na nasa akin namang kaliwa; at ang unti-unti ring pagsapit sa aming pandinig ng pinaghalong panaghoy at sari-saring tinig ng mga tao sa labas.

"Kulaaaasss..." paghiyaw ng isang babaeng tumatangis sa kalong nitong bangkay. "Sinong gumawa sa inyo nito?!"

"Nardoooo..." halos kasabay ng marami pang iba. Ukol sa mga bangkay na mahigit yata sa isang dosena.

"Grabe, puro baranggay tanod sa kabilang nayon ang mga 'yan ah!" Wika ng isa sa mga lalaking nagmimiron. "Sabi ko na sa inyo eh. Totoong dinayo na tayo ng mga Aswang dito. Eh sino ba sa mga normal na tao ang gagawa ng ganya klaseng pagpaslang? Wak-wak ang mga dibdib. Wala na 'yung puso't atay. Pati mga mata hindi pinatawad. Pinagdudukit lahat!"

"Oo nga." Sagot ng isa sa mga kahuntahan nito, "balita ko. Marami rin daw mga buntis ang nabibiktima riyan sa kabilang baranggay. Meron ding mga sanggol at mga batang dalawang taon paibaba ang nangangawala."

Nagpapatuloy pa rin ang mga usapan at kaganapan sa labas ng muling unti-unting isinara ng lalaking nasa harapan ko ang salamin ng bintana. Muli na namang binalot ng katahimikan ang loob ng sasakyan.

"Panginoon..." pagbasag dito ng lalaking katabi ng drayber. "Hindi ko po sigurado kung sino ang may kagagawan nito. Pero nasisiguro ko po sa inyo na hindi kami ang--"

"Tayo na." Kalmado naman ito, bagaman nakatingin na ito ngayon sa kawalan.

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon