Matapos ang ilang sandali, tumingala si Ashe Vermillion at ang kaniyang mata ay punong-puno pa rin nang kalungkutan. Tumingin siya sa mata ni Sierra at nagpunas ng natirang luha sa kaniyang mukha.

"Ganyan din ang sinabi sa akin ni Finn Doria..." walang buhay na wika ni Ashe Vermillion.

"Bibigyan kita ng isang araw upang ayusin ang sarili mo. Isipin mong mabuti ang lahat ng mga kailangan mo pang gawin. Isipin mong ang pangalawang buhay mong ito ay bigay ni Finn Doria kaya naman dapat mo itong pahalagahan ng sobra. Matapos ang isang araw na ito, kailangan mo nang ituon ang iyong atensyon sa unti-unting pagkontrol sa bago mong kapangyarihan." Giit ni Sierra.

Matapos sabihin ito ni Sierra, ang siyam na bola ng apoy ay agad na naglaho kasabay ng paglalaho ng kaniyang malaking pares ng pulang mata.

"Finn Doria... Hinding-hindi kita makakalimutan. Magpapatuloy akong mabuhay para sa pangarap ko..."

--

Sa tabi ng nagbabagang ilog, payapang nakaupo si Finn Doria sa sahig habang sa kaniyang tabi naman ay isang maliit na nilalang na nakahiga sa isang malaking bato.

Syempre ay hindi alam ni Finn Doria ang naganap na pag-uusap sa pagitan ni Sierra at Ashe Vermillion. Ngunit kung malalaman niya ito, siguradong magdidilim ang kaniyang ekspresyon at maiinis kay Sierra. Kasasabi lang ng Divine Beast na ito na dahil siya ay isang Divine Beast, hindi niya kailangang magsinungaling.

Pero anong mga sinasabi nito kay Ashe Vermillion?

Habang nakaupo, taimtim na nakatingin ang binata sa makapal na itim na ulap sa kalangitan at seryoso niyang pinagmamasdan ang mga kidlat na nagmumula rito. Tumatama ang malalakas na kidlat na ito sa lupa kaya naman nagkakaroon ng malalakas na pagsabog.

Ang lugar na kinalalagyan niya ay hindi payapa dahil maya't maya ay mayroong maririnig na nakakabinging pagsabog at mga kulog.

Mainit ang temperatura sa kapaligiran dahil sa nagbabagang ilog at mga magma sa bawat paligid. Gayunpaman, mapapansing hindi ito iniinda ng binata.

Dinala siya rito mula nang pasukin niya ang malaking pinto at hanggang ngayon ay naghihintay pa rin siya sa paglitaw ni Sierra. Habang naghihintay, nakatingin siya sa makapal na ulap at iniisip kung ano na nga ba ang lagay ni Ashe Vermillion.

Napapaisip din siya sa kung anong ugnayan ni Little Black kay Sierra dahil napansing niyang noong magbalik sila mula sa kung saan ay bigla na lamang nagbago ang isip ng Fire Phoenix. Pinili niya pa si Ashe Vermillion bilang kaniyang tagapagmana.

Hindi niya talaga maintindihan kung anong nangyayari, ngunit kahit na anong isip ni Finn Doria, hindi niya pa rin mahanap ang sagot sa mga palaisipang ito.

Posible kayang ang maliit na nilalang na ito ay isang Divine Beast din?

Ngunit bakit ito nasa loob ng Myriad World Mirror?

Ang Myriad World Mirror ay isang Divine Artifact na nagmula sa larong Rise of Gods at wala namang impormasyong ibinigay ang system tungkol kay Little Black at kung paano ito napunta sa loob ng Myriad World Mirror.

Noong pinagtangkaan siyang patayin ni Inner Elder Xuan sa loob ng Adventurer's Training Ground, doon na sumanib sa kaniya ang Myriad World Mirror, System at ang kaluluwa ni Kurt Bautista. Wala namang ganitong nilalang na nasa alaala ni Kurt Bautista kaya naman hindi talaga mapigilang magtaka ni Finn Doria.

Kung talaga ngang isa itong Divine Beast, bakit ito umaaligid sa kaniya? Alam naman ng lahat na ang mga Divine Beast ay may sariling talino. Hindi nila gustong makisalamuha sa tao dahil mapagmalaki sila. Higit pa roon, hindi nila kailangan ang mga tao upang lumakas. Ayon sa impormasyon ibinigay sa kaniya ng system, hindi magkakampi ang iba't ibang uri ng nilalang ngunit hindi rin naman ito magkakaaway.

Legend of Divine God [Vol 2: Trial by Fire]Onde as histórias ganham vida. Descobre agora