Chapter XXIX

11.5K 812 119
                                    

Chapter XXIX: Familiar Feeling/Being Toyed

Ang buong katawan ni Brien ay naglalabas ng napakalamig at nakakapangilabot na aura. Naglalabas din ng usok ang kaniyang katawan habang ang ilusyon naman ng malaking itim na nilalang sa kaniyang likuran ay nakangisi pa rin. Wala itong hitsura at tanging mapulang pares ng mata at napakalapad na bibig lang ang makikita sa mukha nito. Kahit na isa itong ilusyon lamang, para bang isa pa rin itong buhay na nakakapangilabot na nilalang.

Siguradong isa itong skill ni Brien dahil binubuo ito ng kaniyang soulforce. Napakamisteryoso ng skill na ito dahil kakaiba ang inilalabas nitong aura. Gayunpaman, kahit na nakapangingilabot ang aurang inilalabas nito, hindi nito masyadong naapektuhan ang mga nasa paligid. Nakatuon ang skill na ito kay Finn Doria kaya naman hindi ito gaanong nakaapekto sa iba.

Sa taas, kung saan naroroon ang mga nakakatandang adventurers, gulat at pagkabigla ang gumuhit sa kanilang ekspresyon. Bawat isa sa mga Faction Masters at Elders ay pare-pareho ng ekspresyon, maging si Lord Helbram na pinakamalakas sa kanila ay nakakunot-noong pinagmamasdan ang nagaganap sa baba.

Kahit si Association Master Morris, na guro ni Brien, ay hindi rin makapaniwala sa nakikita ng kaniyang dalawang mata at para bang ito ang unang beses na nakita niya si Brien Latter sa ganitong kalagayan. Siya ang guro ni Brien at siya ang pinakanakakakilala sa kaniya sa lahat ng Adventurers na naroroon ngunit kahit isang beses, hindi niya pa nakikita si Brien na ginamit ang kakaibang skill na ito.

'Ang aurang 'yon!'

Sa hindi kalayuan, mapapansing nanginginig ang buong katawan ni Sect Master Noah. Ang kaniyang pares ng mata ay nakatuon kay Brien Latter at ito ay mapapansing punong-puno ng iba't ibang emosyon. Naging ganito lamang siya simula ng ilabas ng binata ang kakaibang aurang ito.

Nanginginig ang kaniyang katawan hindi dahil sa takot siya sa aurang inilalabas ni Brien, nanginginig ito dahil ang aurang ito ay pamilyar na pamilyar sa kaniya. Labing pitong taon na ang nakalilipas ngunit sariwa pa rin ang mga pangyayaring iyon sa kaniya isipan. Dahil dito, hindi siya mapalagay.

Dahil si Elder Marcus ang pinakamalapit kay Sect Master Noag, agad niyang napansin na para bang may kakaiba kay Sect Master Noah kaya naman agad siyang nag-aalalang nagtanong, "Sect Master Noah, medyo naging marahas ang soulforce sa inyong katawan, mayroon po ba kayong problema?"

Nang marinig ni Sect Master Noah ang boses ni Elder Marcus. Agad siyang natauhan. Pinigilan niya ang kaniyang sarili at kumalma sa abot ng kaniyang makakaya. Huminga siya ng malalim at mahinang nagwika, "Ayos lang ako. Mayroon lang akong naramdamang kakaiba sa aura ni Brien Latter."

"Mn?" napakunot-noo namang ibinaling ni Elder Marcus ang kaniyang atensyon kay Brien Latter, "Alam niyo po ba kung anong skill ang ginagamit ng binatang 'yon? Napakamisteryoso nito at ito rin ang unang beses na naramdaman ko ang aurang ito."

"Hindi ko alam ang skill na 'yon ngunit pamilyar sa akin ang inilalabas niyang aura." Tugon naman ni Sect Master Noah.

Tumingin siya kay Asssociation Master Morri at kay Brien Latter na may halong paghihinala, at isang tanong ang bigla na lamang nabuo sa kaniyang isipan.

'Sana ay nagkakamali ako sa aking hinala...' sa isip ni Sect Master Noah.

Nang makita ni Elder Marcus na bigla na lamang naging seryoso ang ekspresyon ni Sect Master Noah, sumeryoso rin siya at itinuon ang kaniyang atensyon sa baba.

--

Magkaharap pa rin ang dalawang binata. Pareho silang nakangisi habang hinaharap ang isa't isa.

"Hindi ko alam kung bakit nakakangiti ka pa, Finn Doria. Hindi mo ba nararamdaman ang aurang inilalabas ng aking Illusionary Demon Knight? Ito ang sikretong kakayahan ng aking angkan at kahit ang aking Guro ay hindi alam ang tungkol dito." Malapad na ngising saad ni Brien.

Legend of Divine God [Vol 2: Trial by Fire]Dove le storie prendono vita. Scoprilo ora