Chapter XLIV

9.5K 678 31
                                    

Chapter XLIV: Extortion?

Ang Mystic Treasure Realm ay hindi isang malaking mundo. Mas malaki lang ito ng kaunti sa Sacred Dragon Kingdom. Nahahati rin ang Mystic Treasure Realm sa tatlong magkakaibang rehiyon. Malawak na kagubatan, malamig at puno ng nagyeyelong kapaligiran at ang simple at patag na kalupaan.

Bawat lugar ay napupuno ng mga Vicious Beast. Ang populasyon ng mga halimaw sa buong Mystic Treasure Realm ay umaabot sa milyon-milyon at ang kanilang lakas ay pumapagitna sa First Grade hanggang Sixth Grade. Halos pitumpung porsento ng populasyon ng Vicious Beast sa buong Mystic Treasure Realm ay may lakas na First Grade.

Sa isang rehiyon kung saan ang lahat ng paligid ay nababalutan ng maputi at pinong makakapal na niyebe, dalawang pigura ng binata ang maingat at kalmadong naglalakad. Ang kanilang mga mata ay nakatuon sa kanilang nilalakaran at seryoso nilang pinakikiramdaman ang buong paligid.

Mapapansing parehong nakasuot ng lilang roba ang dalawang binata. Ang mga binatang ito ay walang iba kung hindi si Lore Lilytel at Leo Reeve na magkasama sa grupong Soaring Seven. Sinuwerte silang nagkatagpo agad sa malamig na lugar na 'to kaya naman napagdesisyunan na nilang dalawa na lakbayin ang lugar na ito nang magkasama. Halos labing isang araw na silang naglalakbay ng magkasama at sa loob ng labing isang araw na ito, ang kanilang mga kayamanang nakolekta ay unti-unti na ring dumadami.

Si Lore Lilytel ay 5th Level Scarlet Gold Rank habang si Leo Reeve naman ay 3rd Level Gold Rank, sa kanilang lakas, maaari silang maglakbay ng mas malayo. Mas magiging madali rin kung magtutulungan sila.

Mapapansing simula nang masaksihan ni Lore Lilytel ang lakas at ang pag-angat ni Finn Doria, nabawasan na ang kaniyang kahambugan at pagiging mapagmataas sa kaniyang katawan. Hindi niya na rin minamaliit ang lahat ng batang adventurer na makakasalamuha niya magmula man ito sa maliit o malaking angkan. Hindi niya na rin iniisip na angat at mas mataas siya sa ibang mga adventurer, bagkus, naging malawak na ang kaniyang pananaw sa mga bagay-bagay. Gayunpaman, para sa kaniya, tanging si Finn Doria lamang ang may karapatang makakuha ng respeto niya.

Si Finn Doria ang pag-asa ni Lore Lilytel upang mabawi ang karangalan at pangalan niya. Kung gusto niyang matalo at malampasan si Azur tanging si Finn Doria na lang ang kaniyang mahihingian ng tulong.

Tahimik na naglalakad ang dalawa at walang sinuman ang nagsasalita o nagbubukas ng bibig upang magsimula nang usapan, wala rin namang rason at dahilan upang sila ay mag-usal.

Habang naglalakbay, madalas silang nakakatagpo at nakakasagupa ng Third Grade at Fourth Grade Vicious Beast at dahil sa dalawa sila, madali lang nila itong natatalo gamit lamang ang ilang atake.

"Lahat ng kayamanang matatagpuan natin ng magkasama ilalagay natin sa isang interspatial ring at sa oras na matapos ang pagsubok na ito at makabalik tayo sa Sacred Dragon Kingdom, paghahatian natin ang mga kayamanang ito ng naaayon sa ating kontribusyon." Sabi ni Lore Lilytel habang patuloy na naglalakad. Bigla siyang huminto at tumngin kay Leo, "Magkaibigan kayo ni Finn, tama?"

Natigilan naman si Leo at taimtim na tumingin kay Lore. Hindi niya alam ang kaniyang isasagot. Matapos ang ilang sandaling pag-iisip, sa wakas ay tumugon na rin siya, "Kaibigan siya ng aking nakababatang kapatid at higit pa roon, malaki ang utang na loob ng aking Golden Lion Family sa kaniya."

Tama, malaki ang utang na loob ng kaniyang angkan na Golden Lion Family kay Finn Doria. Niregaluhan sila ng binata ng mga kahanga-hangang pill na nakatulong sa kanilang kabuuang lakas. Si Finn Doria ang dahilan nang pag-angat ng buong Golden Lion Family, at dahil kay Finn, sa wakas ay nagkaroon na rin ng Profound Rank ang kanilang angkan. Bukod pa roon, si Finn Doria rin ang dahilan kung bakit umabot siya sa puntong ito kaya naman malaki ang pasasalamat niya sa binata.

Legend of Divine God [Vol 2: Trial by Fire]Where stories live. Discover now