Chapter I

16.9K 877 56
                                    

Chapter I: Suspicious

Alchemist Association

Kasama si Elder Alicia, ang mga Elders ng Alchemist Association ay nagtitipon-tipon upang paghandaan ang pag-alis nila patungo sa Floating Island kung saan magaganap ang Seven Great Faction Games.

Gaya ng Cloud Soaring Sect, nakapili na rin sila ng pitong lalahok sa Seven Great Faction Games. Ang kaibahan nga lang ay pinili nila ito sa pamamagitan ng pagsukat ng antas ng lakas. Hindi sila nagkaroon ng paligsahan gaya ng ibang mga Faction.

"Elder Alicia, hindi na ba natin aantayin muna si Association Master bago tayo magtungo sa Floating Island?" tanong ng isang lalaking Elder.

"Hindi na. Bago siya umalis, dalawang taon na ang nakararaan, ipinaubaya niya na sa akin ang pamamahala sa gaganaping Seven Great Faction Games. Marahil ngayon ay patuloy niya pa ring nilalakbay ang buong kaharian." sagot naman ni Elder Alicia.

Si Association Master Morris ay ang guro ni Alicia. Dalawang taon na mula ng siya ay umalis at wala pa silang nababalitaan tungkol sa matanda pero panatag naman silang nasa mabuti itong kalagayan. Isa pa, isa siyang Sky Rank Adventurer at kahit na nasa ibang kaharian pa siya, masisigurado niya ang kaniyang kaligtasan.

"Nakabalik na ako." boses ng isang matandang lalaki habang papalapit sa mga nag-uusap na Elders.

Agad namang napalingon ang mga Elders at mabilis na yumuko sa pigura ng matanda.

"Association Master! Masaya kami sa inyong pagbabalik!" sabay-sabay na sigaw ng mga Elders.

"Guro!" maging si Alicia ay yumuko tanda ng paggalang sa bagong dating.

Hindi nila inaasahang muling magbabalik si Association Master sa ganitong oras.

Tumango naman si Association Master bilang tugon sa kanila kaya naman tumayo na rin sila ng tuwid at hinarap ang isa sa pinakamaimpluwensiyang Adventurer sa buong kaharian. Kahit ang hari ay iginagalang ang matandang ito, ano pa kaya sila?

Nang makaayos na sila ng tayo, napansin nilang may kasamang binatilyo ang matanda kaya naman pare-pareho silang nagtaka. Mayroon itong kulay-asul na buhok na pinaparesan ng asul ding mga mata. Maputi rin ito at makinis ang balat na para bang alagang-alaga niya ang buo niyang katawan. Makikita sa kaniyang mga mata ang mapagmataas na pag-uugali at hindi man lamang siya nagsayang ng oras upang batiin ang mga nakatataas sa Alcemist Association.

Naramdaman naman ng mga Elder ang lakas ng binatilyo at lahat sila ay nagulat sa aurang inilalabas nito.

"6th Level Scarlet Gold Rank!" hindi mapigilan ng isang Elder na maisigaw.

Isa itong 6th Level Scarlet Gold Rank! Sino ang binatilyong ito at saan ito nagmula?

Napakunot-noo naman si Elder Alicia at tumingin kay Association Master, "Guro, sino ang binatilyong ito?"

Ngumiti naman si Association Master Morris sa tanong ni Alicia. Ipinatong nito ang kaniyang kamay sa balikat ng binatilyo at abot-langit na ngumiti, "Siya ang aking bagong personal na estudyante, si Brien Latter. Brien, batiin mo ang iyong mga Elders."

"Ikinagagalak ko kayong makilala, Elders." hindi ito yumuko. Bumati lang ito habang inililibot ang kaniyang paningin at hindi ito ikinasaya ng mga Elders.

"Mn. Agad akong nagbalik sa Association dahil may nais akong i-anunsyo sa inyo. Si Brien na ang magiging pinuno ng Alchemist Seven. Alicia, ikaw na ang bahala sa bagay na ito." wika ni Association Master Morris.

Napangiwi naman si Alicia at agad-agad na nagsalita, "Pero Guro, ang Alchemist Seven ay kumpleto na! Isa pa, ang bawat isa sa kanila ay dumaan sa masusing pagpili."

Legend of Divine God [Vol 2: Trial by Fire]Where stories live. Discover now