Napangiwi ang buong Soaring Seven at matalim na tumingin sa nagsalita, "Anong karapatan mong pagsalitaan ng ganyan sina Finn at Ashe? Talagang ipinagdadasal mo pa ang kanilang kamatayan, hindi ka ba nahihiya?! Isa kang Prinsipe pero wala ka rin namang magawa upang gawin ang tungkulin mo!"

Hindi naapektuhan si Prinsipe Theo at mapanghamak na tiningnan lamang ang galit na si Lore Lilytel, "Bakit? Nagsasabi lang ako ng totoo. Bakit kailangan kong magpasalamat kay Finn Doria? Isa lamang siyang tauhan ng aming Sacred Dragon Family at isa akong Prinsipe. Nakakapanghinayang lang dahil siguradong wala na ang kaniyang mga kayamanan. Nakakapanghinayang din dahil sumunod pa si Ashe Vermillion kay Finn Doria, sayang ang kaniyang kagandahan. Binabalak ko pa naman siyang gawing asawa."

Gumuhit naman ang galit sa karamihan ng batang adventurers. Maging si Tiffanya Frois ay napakuyom ang kamao dahil sa kasakiman at kasamaan ni Prinsepe Theo. Ngayon, naiintindihan niya na kung paano magalit sa isang masamang adventurer.

"Ikaw!!" nanlilisik ang mata ni Lore Lilytel.

Susugod na sana siya ngunit agad niyang napansin na bigla na lamang lumitaw ang pigura ni Prinsesa Diana sa harap ni Prinsipe Theo.

"Kapatid?" nanlalaking mata na bigkas ni Prinsipe Theo.

PAK!

Isang malutong na tunog ang umalingawngaw sa buong paligid. Bawat isa ay nagulat sa kanilang nasaksihan. Mayroong napatakip ng bibig dahil sa sobrang hindi nila inaasahan ang nangyari.

Malakas na sinampal ni Prinsesa Diana si Prinsipe Theo sa harap ng mga batang adventurers!

Nagulat din si Prinsipe Theo dahil sa pagsampal sa kaniya ni Prinsesa Diana. Hindi niya inaasahang mangyayari ito. Naging blangko ang kaniyang ekspresyon habang patuloy na tumutulo ang dugo sa gilid ng kaniyang labi at sa dalawang butas ng kaniyang ilong. Nabingi rin siya dahil sa lakas nang pagkakasampal ng kaniyang kapatid na Prinsesa sa kaniyang kaliwang pisnge.

Matapos ang ilang sandali, nakabawi na ang lahat mula sa matinding pagkabigla. Mayroong natuwa dahil sa ginawa ng Prinsesa ngunit mayroon ding gulat pa rin.

Nanlalaking matang hinarap ni Prinsipe Theo si Prinsesa Diana habang hawak-hawak ang kaniyang kaliwang pisnge. Kitang-kita niya ang madilim na ekspresyon ng Prinsesa habang nanginginig pa rin ito sa matinding galit.

"Sinampal mo ako...?" galit na tanong ni Prinsipe Theo.

"Ikaw! Ikinakahiya ko at ng buong Royal Clan na mayroong katulad mong Prinsipe! Sa halip na magpasalamat ka sa taong nagbigay sa'yo ng pangalawang buhay, ipinagdasal mo pa ang kaniyang kamatayan!" galit na galit na sigaw ni Prinsesa Diana habang dinuduro-duro si Prinsipe Theo.

Namumula siya ng dahil sa sobrang galit. Galit siya kay Prinsipe Theo dahil sa kahambugan at kasakiman nito habang galit din naman siya sa kaniyang sarili dahil wala siyang magawa sa mga sitwasyong ito.

Isa siyang Prinsesa at obligasyon niyang pangalagaan ang mga talentadong batang adventurers.

"Prinsesa Diana!" sigaw ni Eight Prince.

Nasa harap pa rin sila ng mga batang adventurers at iniisip ni Eight Prince na hindi dapat ito ginagawa ni Prinsesa Diana sa harap ng maraming tao. Miyembro sila ng Royal Clan at isang Prinsipe ang ipinahiya niya sa harap ng mga ito.

Paano pa siya haharap sa maraming tao sa hinaharap kung sariling niyang kapatid ang nagpapahiya sa kaniya?

"Hmph!" suminghal si Prinsesa Diana at tumalikod na.

Tatakbo na sana siya pabalik sa kanilang pinanggalingan ngunit muli na naman siyang napahinto nang bigla na lamang nagliwanag ang kaniyang mga daliri.

Legend of Divine God [Vol 2: Trial by Fire]Where stories live. Discover now