"Pero Finn Doria, hindi namin magagawang basta na lamang umalis! Kailangan naming malaman kung anong nangyayari!" tugon ni Prinsesa Diana.

Tumingin naman sa kaniya si Finn at inis na nagwika, "Gusto niyong malaman? Sige ipapaalam ko sa inyo."

Tumingin siya muli sa direksyong pinanggagalingan ng nakakapangilabot na presensya at muling nagsalita, "Ilang minuto mula ngayon, mayroong dalawang 8th Level Profound Rank na kakaibang nilalang ang darating dito at kung hindi pa kayo aalis at magpapakalayo ngayon, mamamatay kayong lahat!"

Nang marinig ito ng mga batang adventurers, bawat isa sa kanila ay nanlamig.

Dalawang 8th Level Profound Rank!!!

Kahit pa isang daang Scarlet Gold Rank na naririto, wala silang pag-asa na makaligtas. Mamamatay sila gamit lamang ang pwersa ng dalawang 8th Level Profound Rank!

"Paano nila nalaman ang lugar na 'to?! Hindi ba't... hindi ba't limitado lang ang pandama ng kahit sino sa loob ng Mystic Treasure Realm?!" naguguluhan at nanginginig na tanong ni Eight Prince.

"Tinatanong mo ako pero sino naman ang tatanungin ko? Pareho lang tayong bago sa mundong ito at hindi ko rin alam ang mga nangyayari. Ngayon, umalis na kayo!" malamig na sagot naman ni Finn Doria. Nakatalikod pa rin siya sa mga batang adventurers at mabilis nagwika, "Prinsesa Diana, ikaw ay isang Profound Rank kaya naman pakiusap, gabayan mo sila palayo sa lugar na ito. Pumunta kayo sa rehiyon ng kagubatan dahil hindi hamak na mas ligtas sa lugar na 'yon."

"Pero paano ka? Dalawa silang 8th Level Profound Rank at isa ka lamang na 5th Level Profound Rank." singit ni Ashe Vermillion.

Hindi nakikita ni Finn Doria ang ekspresyon at emosyon ni Ashe Vermillion dahil sa nakatalikod siya. Gayunpaman, nakaramdam siya ng mainit sa kaniyang loob ng katawan dahil ramdam niya ang pag-aalala sa tono ni Ashe Vermillion.

"Huwag niyo akong alalahanin. Lilibangin ko sila habang tumatakas kayo. Mayroon akong paraan upang magtagal kaya naman habang maaga pa ay dapat umaalis na kayo." Wika ni Finn Doria.

Lumambot na ang kaniyang tono at kumalma na rin ang kaniyang kalooban habang nakatitig pa rin sa malayong lugar.

"Tutulungan kita. Ito na ang pagkakataon ko upang makabawi sa pagliligtas mo---"

"Tutulungan? Hahaha." Tumingin siya kay Ashe Vermillion at malakas na tumawa. Agad siyang huminto at tinitigan ng mabuti ang dalaga, "Anong tulong ang maibibigay mo? Isa ka lamang 6th Level Scarlet Gold Rank. Magiging pabigat ka lang sa akin."

"..."

Natigilan at natahimik si Ashe Vermillion. Naging blangko ang kaniyang ekspresyon. Tama si Finn, masyado siyang mahina at wala siyang maitutulong sa kaniya. Magiging pabigat lang siya kung mananatili siya rito. Kahit na hindi niya ito matanggap, kailangan niyang tanggapin ang mapait na katotohanan. Kinuyom niya ang kaniyang kamao at tiim bagang na tumingin kay Finn Doria.

"Maaaring mahina ka ngayon ngunit mayroon kang mataas na pangarap, Binibining Ashe Vermillion. Kung gusto mong makamit ang pangarap mong 'yon, kailangan mong mabuhay. Tayo ang pag-asa ng ating kaharian at ng bawat angkan natin kaya naman dapat ay makalabas kayo ng ligtas dito." Malumanay na wika ni Finn Doria. Muli siyang nagpatuloy, "Sa ngayon, kailangan niyo munang umalis sa rehiyong ito. Binibining Ashe, maaari bang gabayan mo sila patungo sa malawak na lawa sa rehiyon ng kagubatan?"

Ilang sengundong katahimikan ang bumalot sa buong paligid. Sa huli, mayroong namuong lungkot sa mata ng buong Soaring Seven.

"Dapat kang mabuhay Finn Doria. Hindi pa ako nakakapaghiganti sa'yo..." malumanay na wika ni Ashe Vermillion.

Legend of Divine God [Vol 2: Trial by Fire]Where stories live. Discover now