"Maswerte lang kaming nakahanap ng makakasama. Isa pa, patag ang lugar na ito kaya naman madali naming nahanap ang isa't isa." Tugon naman ni Juvia.

"Siguradong matutuwa sina Sect Master Noah at Elder Marcus." Tangong komento ni Finn.

Masayang tumango silang lahat maliban kay Ashe Vermillion na hanggang ngayon ay nalulunod pa rin sa kaniyang isipan. Iniisip niya ang tungkol sa kakaibang nilalang na 'yon dahil ito ang kauna-unahang beses na nakakita siya ng ganoong nilalang. Pamilyar siya sa iba't ibang uri ng Vicious Beast at alam niyang ang nilalang na 'yon ay hindi isang uri ng Vicious Beast.

Hindi pa siya nakakarinig at nakakakita ng mga nilalang na matapos mamatay ay maglalaho at magiging abo na lang bigla. Gayunpaman, kahit na naglaho ang katawan ng mga kakaibang nilalang, tumatak ang hitsura at nakakapangilabot na aura ng mga ito sa kaniyang puso't isipan.

Nakaramdam siya ng delikadong presensya na nagmumula sa bawat isa rito kaya naman hanggang ngayon ay hindi pa rin siya mapanatag. Mas nakapangingilabot pa ang kanilang presensya kaysa sa mga Vicious Beast kaya hindi siya mapalagay sa kaniyang nararamdaman.

Napansin naman ng kaniyang mga katabi ang pananahimik ni Ashe Vermillion kaya naman hindi nila mapigilang magtaka sa kung ano ang iniisip ng dalaga.

"Anong problema?" malumanay na tanong ni Finn Doria sa dalaga.

"Ano ang mga nilalang na 'yon..? May ganoon ba talagang nilalang ng nabubuhay sa mundong ito?" lutang na tanong ni Ashe.

Naging seryoso naman silang lahat. Taimtim at malalim na tiningnan ni Finn si Ashe at marahang nagwika, "Alam mo rin naman na malawak ang mundong ito, Binibining Ashe. Hindi lang mga uri ng tao ang nabubuhay sa mundong ito dahil mayroon ding iba't ibang uri ng nilalang ang matatagpuan sa buong mundo."

Naguluhan at nalito naman sina Lore sa mga sinabi ni Finn Doria. Totoong mayroong iba't ibang uri ng nilalang ang mga nabubuhay sa mundong ito kaya naman naisip din nila na baka isa ito sa libo-libong uri ng nilalang na nabubuhay sa buong mundo. Pero ano ito?

Ang tangi lang nilang alam na uri ng nilalang ay Tao, Vicious Beast at Elves... Hindi kaya...

"Ang mga nilalang ba na 'yon ay uri ng Demon?!" gulat na tanong ni Lore ng mapagtanto niyang may pagkakahawig sa diskripsyon ang mga nilalang na 'yon sa mga demonyo.

Umiling si Finn Doria at bumuntong hininga. Inilibot niya ang kaniyang paningin at malumanay na nagwika, "Malabo. Ang mga Demons ay kagaya lang rin ng mga tao, may kakayahan silang magsalita at makipag komunikasyon sa mga kapwa nila demonyo at tao. Ang ipinagkaiba nga lang, mayroon lang silang mga sungay at ang kanilang mga balat ay iba rin ang kulay."

"Kung hindi demons ang mga 'yon, ano?" tanong bigla ni Ashe.

"Hindi ko alam." Kalmadong tugon ni Finn.

Tiningnan naman siya ni Ashe na mayroong pagsususpetya. Gayunpaman, hindi niya makitaan ng kahit anong reaksyon ang binata kaya naman umiling na lang ang dalaga at nanahimik.

Sa totoo lang, mayroong imahe ang namumuo sa isipan ni Finn Doria ng makita niya ang mga nilalang na 'yon. Ito ay dahil sa impormasyon na ibinigay ng system, binigyan siya ng system ng maraming impormasyon tungkol sa iba't ibang nilalang sa mundong ito. Pero kahit na mayroong pagkakapareho sa diskripsyon ng system tungkol sa mga nilalang na 'yon, hindi niya ito makumpirma dahil mayroon pa ring kaibahan ang mga nilalang na 'yon.

Ayon sa System, ang mga nilalang na 'yon ay tinatawag na 'Devils'. Mas masahol pa sila sa mga Demons dahil likas na sa mga Devils ang mapangwasak. Hindi rin natural na enerhiya ang hinihigop ng mga Devils upang lumakas. Ang dark o death energy ang pinakamarahas at pinaka-nakapangigilabot na enerhiya sa mundo ng mga adventurers. Namumuo lang ito sa mga lugar na walang buhay.

Legend of Divine God [Vol 2: Trial by Fire]Where stories live. Discover now