Nagkakaroon pa sila ng pagkakataong makihati sa katawan ng ilang Fifth Grade Vicious Beast!

Noong si Prinsipe Theo pa ang kanilang gabay, sila ang lumalaban ngunit hindi naman sila ang nakikinabang. Lahat ng mahahalaga ay kinakamkam ng sakim na Prinsipe ngunit wala naman silang magawa tungkol dito. At ngayong si Finn na ang kanilang gabay, nalalasap nila ang mga kayamanang kanilang pinaghirapan.

Habang hinahati nila ang kanilang mga parte ng bigla na lamang lumapit sa kanila si Prinsipe Theo kasama ang mga alagad nitong nagmula sa Royal Clan.

Nakangisi ito at mapanghamak na tinitingnan ang mga batang adventurers, "Kailangan at gusto ko ang mga Magic Crystals at mga katawan ng Vicious Beast. Matutuwa ako kung boluntaryo niyong ibibigay sa akin ang mga bagay na gusto ko."

Dahil hindi niya magawang lapitan ang grupo ni Finn Doria, nagtungo siya sa mga pangkaraniwang adventurer upang puntiryahin ang mga ito at kuhanin ang kanilang mga kayamanan. Gusto niyang ibaling ang kanyang galit sa mga mahihinang ito.

Nang marinig ito ng mga batang adventurers, ikinuyom nila ang kanilang kamao at tiim bagang silang tumingin sa Prinsipe. Ang kanilang mga mata ay punong-puno ng hinanakit at galit dahil sa kahambugan ng Prinsipeng ito.

Malamig lang silang tiningnan ng Prinsipe at mayabang na nagwika, "Anong mga tingin 'yan? Hindi niyo ba ibibigay ang mga bagay na gusto ko?"

Nasaksihan naman ni Finn Doria ang mga pangyayaring ito kaya naman naging malamig din ang kaniyang ekspresyon. Malumanay siyang tumingin sa Prinsipe at marahang nagwika, "Isa kang 'kagalang-galang' na Prinsipe, hindi isang magnanakaw. Bakit mo gustong kuhanin ang mga kayamanang pinaghirapan nila? Gusto mong magkaroon ngunit ayaw mong kumilos? Kalokohan."

Isa sa pinakaayaw ni Finn Doria ay ang paggamit ng impluwensya at katayuan para lamang pahirapan ang mga mahihina. Kinasusuklaman niya ang mga ganitong gawain kaya naman kahit na wala siyang pakialam sa mga pangkaraniwang adventurer, gusto niya pa ring makipagsagutan sa sakim na Prinsipe.

Isa pa sumumpa siya na hindi siya gagawa ng hakbang sa mga batang adventurers kaya naman hindi niya rin pwedeng turuan ng leksyon ang Prinsipe. Hindi niya pa rin gusto ang ideyang matamaan siya ng malakas na kidlat dahil sa hindi niya pagtupad sa pangako.

Syempre ay narinig ito ni Prinsipe Theo, ibinaling niya aang kanyang atensyon sa binata at matalim na tinitigan ito, "Tama ka isa nga akong Prinsipe at sila ang mga tauhan ng aming Sacred Dragon Kingdom. Alam mo naman na tanging lakas lang ang may karapatang maghari at kung gusto kong kuhanin ang mga kayamanan ng mga basurang ito, wala silang magagawa. At kung makikialam ka..."

Tumawa naman ng malakas si Finn Doria na para bang nakadinig siya ng isang malaking biro. Lahat ng naroroon ay naguluhan sa kilos na ito ng binata. Natakot din sila dahil pinagtawanan niya ang isang Prinsipe.

"Mayroon bang nakakatawa sa sinabi ko?!" galit na tanong ni Prinsipe Theo.

Ngumiti si Finn sa Prinsipe at marahang nagwika, "Oo. Natatawa ako sa'yo dahil tanging mahihina lang ang pinupuntirya mo. Nagtataka lang ako, mayroon akong maraming Fifth Grade Magic Crystals kaya naman bakit hindi mo rin ako subukang pagnakawan? Kung gusto mo pwede mo akong hamunin para sa mga kayamanang ito."

Nagulantang at natigilan naman ang lahat ng marinig ang mga sinabi ni Finn Doria. Nagpapasalamat sila sa binatang ito dahil lagi itong sumasaklolo sa t'wing umaaligid sa kanila ang sakim na Prinsipeng ito. Kahit na hindi direkta, nagpapasalamat pa rin sila sa loob-loob nila.

"Hmph!"

Nagdilim naman ang ekspresyon ng Prinsipe at tumalikod na. Hindi pa siya nawawala sa katinuan upang labanan ang isang 5th Level Profound Rank para lamang sa mga Magic Crystals.

Legend of Divine God [Vol 2: Trial by Fire]Where stories live. Discover now