Ang rason kung bakit tinanggihan ni Finn Doria si Lord Helbram ay dahil ayaw niyang matali at malimitahan sa kaniyang mga gagawin. Kung tatanggapin niya bilang guro si Lord Helbram, siguradong kailangan niyang sundin ang lahat ng suhestyon at payo nito na maaaring humadlang sa pinaplano niyang paghihiganti. Isa pa, hindi niya kailangan ng guro. Kung kaalaman lang ang pag-uusapan, nalampasan niya na ang kaalaman ni Lord Helbram dahil sa System.

Higit pa roon, hindi gusto ni Finn Doria ang magpakontrol sa iba. Mayroon siyang personal na mga bagay na kailangan niyang gawin ano pa man ang mangyari at kabilang na roon ang paghihiganti.

Sa paghihiganti niyang ito, dalawa lamang 'yan. Ang kaniyang angkan ang mananatili o ang Nine Ice Family at Black Tiger Family ang mananatili sa kahariang ito.

Ang kanilang poot at pagkamuhi sa isa't isa ay umabot na sa puntong kailangan ay isa lang ang matirang panig sa dalawa.

Kaya naman ito na lang ang nakikitang paraan ni Lord Helbram upang mapahinto ang magaganap na digmaan sa pagitan ng tatlong angkan. Hindi niya gustong mabawasan ng isang Noble Clan ang Sacred Dragon Kingdom at hindi rin niya gustong mawala ang talentadong adventurer na si Finn Doria. Kaya naman naisip niyang gawing estudyante si Finn Doria upang payuhan ito na kailangan niyang mag-isip hindi lang para sa kaniyang angkan kung hindi para na rin sa buong kaharian.

"Finn Doria, pakiusap. Kailangan mong isipin ang sitwasyon ng ating kaharian ngayon. Kung hindi tayo magkakaisa upang labanan ang panghihimasok ng Crimson Blood Kingdom, siguradong mapupunta sa pagkawasak ang ating kaharian at damay na roon ang iyong Azure Wood Family. Kaya kong panatilihin ang iyong kaligtasan at ng iyong angkan ngunit kung determinado kang makipag digmaan sa Nine Ice Family, wala na akong magagawa pa roon. Hindi rin hahayaan ito ng Sacred Dragon Family at gagawin namin ang lahat upang pumagitan sa inyong dalawang panig. Ikaw ay isang talentadong adventurer kaya naman malaki ang halaga mo sa buong kaharian, ganoon na rin ang buong Nine Ice Family." Seryosong giit ni Lord Helbram.

Ang kaniyang mata ay hindi makikitaan ng pag-uutos o strikto, bagkus, malinaw na makikita sa mata nito nangungusap na emosyon.

Bilang kanang kamay ng Hari, tungkulin niyang pangalagaan ang mga mahahalagang kaganapan sa buong Sacred Dragon Kingdom. Kailangan niyang panatilihin ang kaayusan at kapayapaan sa pagitan ng mga naglalakihang angkan at mga adventurer.

At sa sitwaysong ito nina Finn Doria at ng Nine Ice Family, sumasakit talaga ang ulo niya at hindi rin siya makahanap ng paraan na upang mapahinto ang lahat ng ito.

Sa kabilang banda naman, matapos mag-isip ni Finn Doria sandali, ang kaniyang ekspresyon ay naging malumanay. Tumingin siya kay Lord Helbram at marahang nagtanong, "Kagalang-galang na Lord Helbram, kung isa lang ba akong ordinaryong adventurer at magkakaroon ng digmaan sa pagitan aking angkan at Nine Ice Family, papagitna pa rin ba ang Royal Clan sa digmaang ito?"

Nang bumagsak ang boses ni Finn Doria sa tainga ng mga naroroon, bawat isa sa kanila ay napatulala at naging tahimik. Kung talagang isa lamang na pangkaraniwang adventurer si Finn, isa lang ang kakahantungan ng kaniyang Azure Wood Family, iyon ay ang malinaw na pagkawasak.

Bakit magkakaroon ng pakialam ang Royal Clan sa pagkawasak ng isang ordinaryong angkan ng dahil sa isang matinding poot na namamagitan sa dalawa? Mas gugustuhin na lang nilang ipagpasawalang kibo ang lahat ng ito at magmasid na lamang sa nangyayari. Ang isang ordinaryong angkan ay hindi gaanong mahalaga sa mata ng Royal Clan, at ito ang masakit na katotohanan.

Ngunit kung kabilang na ang isang pinakatalentadong Adventurer at isang Noble Clan sa nalalapit na pagkawasak, hindi sila maaaring magpasawalang kibo. At kung hindi magkakaayos ang dalawang panig, dahil sa matinding poot, maaaring magtaksil ang isang panig at makipagtulungan sa kalaban upang mapabagsak ang isa pang panig na maaari namang maging dahilan ng pagbagsak ng buong kaharian.

Legend of Divine God [Vol 2: Trial by Fire]Where stories live. Discover now