Itinaas niya ang kamay niyang may hawak ng latigo at direkta itong inihampas sa bandang braso ni Tiffanya.

PAK!

Walang halong soulforce ang atakeng ito at purong pisikal na lakas lang ang ginamit ni Finn Doria sa hampas na ito.

Bawat isang naroroon ay alam na masakit ang atakeng 'yon ni Finn Doria. Wala ng soulforce na pwedeng pumrotekta kay Tiffanya kaya naman tanging pisikal na katawan niya na lamang ang maasahan niyang sumalo ng atakeng ito.

Napaungol sa sakit si Tiffanya nang tumama sa kaniyang makinis na balat ang hampas ng latigo. Tuluyan na ring nasira ang telang bumabalot sa braso ng dalaga at mapapansin din ang pulang marka na dulot ng paghampas sa kaniya ni Finn Doria.

"Ikaw...!" hindi alam ng dalaga ang kaniyang sasabihin.

Muli na naman siyang ipinapahiya ng binatang ito sa harap ng maraming tao kaya naman ang kaniyang mukha ay namumula na naman nang dahil sa magkahalong inis at galit. Ito na ang pangalawang beses na ipinapahiya siya ni Finn Doria sa harap ng maraming tao ngunit gaya ng nauna, wala pa rin siyang magawa kung hindi ang tanggapin ang lahat ng kahihiyang ito.

"Para 'yan sa mga inosenteng miyembro ng aking angkan na namatay ng dahil sa inyo!" Malamig na wika naman ni Finn Doria.

"Nararapat lang sa kanila ang mamatay dahil nagmula sila sa angkang pinagmulan mo!" galit na sigaw ni Tiffanya. Iniinda niya pa rin ang hapdi ng kaniyang braso ngunit hindi niya ipinapakita na sobra siyang nasasaktan.

Gusto niya pa ring ipakita sa lahat na matatag siya at hindi magpapatalo sa binatang ito.

Hindi naman tumugon si Finn Doria, sa halip, muli niyang itinaas ang latigong pagmamay-ari ng dalaga at hinampas muli sa kaniya. Pinatama ito ni Finn Doria sa dibdib ng dalaga kaya naman nagkaroon muli ng sira ang telang bumabalot sa kaniyang dibdib. Mabuti na lamang ay mayroon itong Top-tier Rare Armament na suot kaya naman mayroon pa ring sapin ang bumabalot sa katawan ng dalaga.

Gayunpaman, tinamaan pa rin ni Finn Doria ang dibdib ni Tiffanya kaya muling mapapansin ang pulang marka sa kaniyang dibdib.

"Para naman 'yan sa ginagawa niyong pagpapahirap sa aking angkan."

Nagpatuloy pa si Finn sa paghampas ng latigo at pamamahiya kay Tiffanya. Latigo sa dalawang hita at isa pang braso na nagdulot ng sobrang hapdi at sakit sa pakiramdam ng dalaga. Nasasaktan siya sa pisikal at emosyon. Nilalatigo siya sa harap ng maraming tao ngunit wala siyang magawa. Halos masira na rin ang kabuuan ng kaniyang bistida kaya naman lumalabas na ang maganda nitong kutis na ngayon ay punong-puno na ng pulang marka.

Muling nilatigo ni Finn Doria si Tiffanya ngunit sa pagkakataong ito, sa mukha na ng dalaga niya ito pinatama.

"At 'yan naman ay para sa hindi mo paggalang sa kasunduan sa pagitan ng ating mga ama." Malamig at galit na wika ni Finn Doria.

Hindi naman sa gustong makasal ni Finn Doria kay Tiffanya Frois. Maaari naman itong maiurong sa maayos na paraan, at ang paraang 'yon ay ang hintayin ang pagbabalik at permiso ni Cleo Frois. Pero dahil sa ganid sa kapangyarihan at impluwensiya, mas pinili nila ang marahas na paraan.

Hindi na napigilan ni Tiffanya Frois ang kaniyang sarili at napahagulgol na lamang dahil sa sitwasyong kinahantungan niya. Kahit kailan ay hindi pa siya napapahiya ng ganito sa labing anim na taong nabubuhay siya. Bawat isa sa kaniyang angkan, matanda man o bata ay iginagalang siya dahil sa kaniyang talento at Sky Ice Pathway, pero ngayon, nakatanggap siya ng masasakit na salita at panghaharas sa binatang ito.

Hindi niya na napigilan ang umiyak dahil sa lahat ng nangyayari. Hindi niya inaasahang aabot sa puntong malalagay siya sa ganitong sitwasyon kung saan wala siyang magawa kung hindi ang umiyak na lamang dahil sa kahihiyang natatanggap niya. Kahit sina Sect Mistress Sheeha at Elder nila ay hindi magawang magsalita dahil sa presensya ni Lord Helbram.

Napakagat si Tiffanya Frois sa kaniyang labi, "Finn Doria! Sa buhay na 'to, hindi ako makakapayag na hindi ako makakapaghiganti sa'yo. Ipaparamdam ko sa'yo ng triple ang lahat ng ipinaparamdam mo sa akin ngayon!"

Habang hinaharap ang umiiyak at kaawa-awang dalaga, hindi nagpakita ng kakarampot na awa si Finn Doria. Sa totoo lang, kulang pa ang lahat ng ginagawa niya para nakapaghiganti sa lahat ng paghihirap na dinanas ng kaniyang angkan. Maraming inosenteng namatay dahil sa dalagang ito kaya naman para sa binata, karapat-dapat lang din na tangggapin niya ang lahat ng ito.

"Pareho lang tayo. Sa buhay na ito, hindi ko kayo mapapatawad ng angkan mo." Malumanay ngunit malamig na giit ni Finn.

Iaangat ni Finn ang kamay niyang may hawak na latigo.

"Tama na 'yan. Siguro naman sapat na sa ngayon ang pamamahiyang ginawa mo sa kaniya." Biglang lumitaw ang isang magandang dalaga sa tabi ni Finn Doria nang hahampasin sana muli ng binatilyo si Tiffanya.

Natigilan naman si Finn Doria at tinitigan ang dalagang katabi niya, "Binibining Ashe..."

"Alam kong kinasusuklaman mo siya pero, wala ka ring pinagkaiba sa kaniya at kaniyang angkan kung ipagpapatuloy mo pa ito." Malumanay na wika ni Ashe.

Hindi naman sa gustong tulungan ni Ashe si Tiffanya, mayroon lamang sa loob-loob niya na nagsasabing siya lang ang makakapagpahinto sa ginagawa ng binata. Isa pa, pareho silang nagmula sa Cloud Soaring Sect at ang faction na ito ay kilala bilang pinakamabuting faction.

Naiintindihan naman ni Finn ang gustong iparating ni Ashe kaya naman matalim niya na lamang na tiningnan ang dalagang umiiyak na nakaupo sa lupa. Binitawan niya na rin ang latigo at tinalikuran na ang dalawang dalaga.

"Anong ginagawa niyo?! Hindi ko kailangan ang awa niyo! Kahit na hampasin niyo pa akong ng ilang beses, tatanggapin ko 'yon ng buong tapang!" galit at poot na sigaw ni Tiffanya.

"Wala ng dahilan upang lumaban ka pa, Tiffanya. Natalo ka na kaya naman matuto kang tumanggap ng pagkatalo. Kung hindi ka nahihiya para sa sarili mo, mahiya ka na lang para sa iyong angkan at faction. Sa katigasan ng ulo mo, mas lalo mo lang silang ipinapahiya." Matalim namang tugon ni Ashe.

Napakagat-labi si Tiffanya. Tama si Ashe, mayroong faction siyang nirerepresenta at lahat ng kilos niya ay apekrado ang kaniyang Faction. Pumikit siya at ilang sandali pa, bumagsak na ang kaniyang katawan sa lupa. Hindi niya na kailangan pang magkunwari, hindi na niya kaya. Bago siya mawalan ng malay, ang kaniyang atensyon ay nakatuon sa likuran ng binatilyong naglalakad palayo sa kaniya.

'Mula ngayon, gagawin ko ang lahat upang lumakas at makapaghiganti sa'yo, Finn Doria!' sa isip ni Tiffanya bago tuluyang mawalan ng malay.

Hindi na hinintay ni Finn Doria ang anunsyo ni Lord Helbram. Agad siyang umakyat sa kinaroroonan ng grupo ng Cloud Soaring Sect.

Lahat naman ng manonood ay napabuntong hininga at napailing na lamang matapos ang labang pinakatumatak sa kanilang isipan. Hindi lang basta kompetisyon ang naganap sa labang 'yon, mayroon itong halong pagkasuklam at pagkamuhi.

Nailibas ni Finn Doria ang ilan sa kaniyang galit. Natuklasan din nila na mas lalong naging misteryo ang kakayahan ni Finn Doria. Mas lalo nilang hindi mabasa ang binata kaya naman mas lalo silang naging interesado rito. Kung mayroon man silang naiintindihan sa binatang ito, iyon ay walang iba kung hindi ang kaniyang pagmamahal sa kaniyang angkang kinabibilangan. Naintindihan din nilang hindi magandang hakbang ang galitin ang binatang ito dahil hindi lang sakit ng katawan ang aabutin mo sa kaniya.

Umakyat na rin si Ashe Vermillion matapos ianunsyo ni Lord Helbram ang nanalo. Kalmado lang ang kaniyang ekspresyon at mapapansiang walang kahit anong ingay ang maririnig sa kanilang kinaroroonan. Bawat isa sa kanila ay mayroong kani-kanilang iniisip.

Bawat isa ay taimtim ang ekpresyon. Maliban na lamang sa kakaibang ekspresyon ng isang binatilyo mula sa Alchemist Association.

Sa buong laban, malapad lang siyang nakangiti habang nanonood ng laban. Hindi nagbabago ang ekspresyon niya at wala namang nakakapansin nito dahil lahat ay abala sa panonood ng laban.

Ang dahilan ng kakaibang ngiti niya ay dahil sa ipinapakitang kakayahan ni Finn Doria sa pakikipaglaban. Masaya siya dahil sa wakas ay mukhang hindi siya madidismaya sa oras na magharap sila ni Finn Doria.

'Hahaha. Akalain mo nga naman, ang mga basura ay nagtatalo-talo rin pala.'

--

Legend of Divine God [Vol 2: Trial by Fire]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon