Syempre ay naramdaman ni Finn Doria ang pagbabago sa lakas ni Tiffanya Frois ngunit wala pa rin siyang pakialam. Isa lang ang layunin niya sa ngayon, 'yon ay ang simulan ang paghihiganti sa puno't dulo ng lahat ng kaniyang paghihirap at ng kaniyang angkan.

Wala siyang pakialam kung isang 5th Level, 6th Level o 7th Level Scarlet Gold Rank pa si Tiffanya, dahil isa lang ang bagay na pinaniniwalaan niya, nakatadhana na ang pagbagsak ni Tiffanya Frois at ng buong Nine Ice Family.

--

"Siguro naman ay naibalita na sa inyo ng inyong Faction Master kung sino-sino ang maglalaban ngayon?" tanong ni Lord Helbram sa mga kalahok habang lumulutang sa gitna ng istadyum.

Tumango at tumugon naman ang lahat ng kalahok kaya naman ngumiti si Lord Helbram, "Kung gayon, simulan na natin ang unang laban."

"Unang laban, Azur at Franco ng Sword Seven laban kina Gerould at Heriot ng Ancient Seven! Maaari na kayong magsimula."

Unang laban pa lang ngunit matindi na agad ang sagupaang magaganap. Inaasahan na ito ng karamihan dahil laban ito nina Azur at Gerould. Kahit na nanalo si Azur kay Gerould sa laban nilang dalawa, mayroong pa ring posibilidad na si Gerould at ang katuwang niya ang manalo sa labang ito.

Hinarap ng magkatuwang na sina Franco at Azur ang kabilang panig at ilang sandali pa, nagsimula na silang sumugod at magpaulan ng atake.

Hindi nagsayang ng oras si Azur at sinugod agad ang katuwang ni Gerould na si Heriot. Mas mahina ito kay Gerould kaya naman ito ang uunahin niya upang mabawasan agad ang kanilang kalaban.

Dahil sa hindi ito inaasahan ni Heriot, napako ang kaniyang mga paa sa kaniyang kinatatayuan at napatitig siya sa kawalan. Gusto niyang takasan at iwasan ang atake ni Azur ngunit hindi gumagalaw ang kaniyang mga paa.

Bago pa man marating ni Azur ang kinaroroonan ni Heriot, agad na lumitaw si Gerould sa harap ni Azur at sinubukang suntukin ito gamit ang kaniyang kamao na nababalutan ng itim na enerhiya.

Mabilis itong naiwasan ni Azur at tumalon siya patalikod. Napasimangot siya ng dahil sa pagpalpak ng plano niya. Hindi niya inaasahang ganoon kabilis ang reaksyon ni Gerould.

"Heriot anong ginagawa mo?! Tatayo ka nalang ba dyan at maghihintay na atakihin ka ng kalaban?!" inis na sigaw ni Gerould sa kaniyang kakampi.

Natauhan naman si Heriot at agad na humingi ng paumanhin kay Gerould, "Hindi..ko sinasadya..."

Kung sakaling nagtagumpay nga si Azur sa pag-atake sa kaniya siguradong mahihirapan si Gerould na kalabanin ang dalawa ng sabay. Si Azur pa nga lang ay sakit na sa ulo, paano pa kaya kung sabay niyang lalabanan sina Franco at Azur?

"Hmph. Ayusin mo ang sarili mo. Ako na ang bahala kay Azur, ipinapaubaya ko na sa'yo si Franco. Pilitin mo siyang talunin ng mabilis para matulungan mo ako!" muling sigaw ni Gerould.

Tumango naman si Heriot at mabilis na naglaho ang kaniyang pigura. Ilang sandali pa ay nakita na lamang ng mga manonood na tensyonado na itong nakikipaglaban kay Franco.

"Gusto mong matanggal agad si Heriot sa laban upang madali niyo akong matalo? Hmph. Sa tingin mo ba hahayaan kong mangyari 'yon?" wika ni Gerould at agad na sumugod kay Azur. Hinawakan niya ang kaniyang interspatial ring at agad na lumitaw ang kaniyang mahabang sibat.

Ang sibat na ito ay nababalutan ng itim at malamig na enerhiya. Nang masaksihan naman ito ni Azur, ngumiti siya at marahang nagwika, "Mukhang lumakas ka, Gerould. Ngunit hindi pa rin sapat 'yan. Natalo na kita noong una at ngayon, tatalunin muli kita!"

Hinawakan niya rin ang kaniyang interspatial ring at muling lumitaw ang kaniyang pilak na espada. Nabalutan ito ng puting enerhiya at mabilis na sumugod patungo sa pasugod ring si Gerould.

Legend of Divine God [Vol 2: Trial by Fire]Where stories live. Discover now