Tama, aapat pa lang ang lumalaban sa grupong Soaring Seven at ito ay sina Ezekias Sieve, Finn Doria, Lan Vermillion at Lore Lilytel. Sa apat na ito, si Finn Doria lang ang nagkamit ng panalo habang si Lore Lilytel naman ay patas lang ang kaniyang laban. Natalo man sina Ezekias Sieve at Lan Vermillion, ibinigay pa rin nila ang lahat sa kanilang laban kaya naman maganda pa rin ang naging resulta nito.

Nakatapat ni Lan Vermillion ang babaeng miyembro ng Ancient Darkness Island at sa kasamaang palad, natalo siya nito. Gayunpaman, maganda pa rin ang kaniyang ipinakitang laban.

"Dahil patas lang ang naging laban nina Lore Lilytel at Hyon Pierceval, pareho silang nagkamit ng sampung puntos. Habang sina Ezekias Sieve at Lan Vermillion naman ay nagkamit ng dalawang puntos dahil sa kanilang dedikasyon sa pakikipaglaban." Masayang giit ni Sect Master Noah.

Napangiti naman sina Leo Reeve, Ezekias Sieve, Lan Vermillion, Juvia Wasser at Finn Doria. Masaya sila dahil isa nga itong magandang balita. Nakakuha sila ng labing apat na puntos kaya naman hindi na rin ito masama.

Dapat malaman na tanging ang mga nanalo lang dapat ang magkakaroon ng puntos pero dahil nga sa determinasyong ipinakita ng ilan, nagkamit pa rin sila ng karagdagang puntos.

"Nanalo si Finn Doria sa kalaban niya kaya naman ilang puntos ang nakuha niya?" tanong ni Ashe Vermillion.

Bawat isa sa kanilang mga batang Adventurers ay ito rin ang tanong sa kanilang isipan. Nagawang manalo ni Finn Doria laban kay Jacobus ng hindi man lang nagkakagalos kaya siguradong hindi lang sampung puntos ang makukuha niya.

"Dahil sa kabutihang ipinakita ni Finn Doria sa laban nila ni Jacobus Rid, natuwa at hinangaan siya ng sobra ni Lord Helbram. Mayroong pagpipilian si Finn Doria ngunit mas pinili niyang tulungan si Jacobus at ang ganitong uri ng pag-uugali ng isang adventurer ay bihira na lamang. Dahil na rin sa kakayahang ipinakita niya sa laban, nagkamit si Finn Doria ng labing pitong puntos kaya naman ang pinagsamang puntos sa unang parte ng Seven Great Faction Games ay tatlumpu't isang puntos. Dahil dito, ang ating Cloud Soaring Sect ay nasa ika-apat na puwesto na! Ito ang unang beses na nalampasan natin ang Soul Puppet Sect at ang Burning Heaven Sect kaya naman sobra akong natutuwa sa inyong pito." Galak na giit ni Sect Master Noah.

Pang-apat sa pitong Faction!

Kahit na pang-apat lang ang Cloud Soaring Sect maaari pa silang humabol sa mga susunod na laban. Isa pa, naniniwala silang makakakuha pa sila ng mataas na puntos at sigurado silang aangat pa ang kanilang puwesto dahil sa misteryosong kakayahan ni Finn Doria. Kahit na lagi siyang natatapat sa malalakas na kalaban, kahit minsan ay hindi pa siya natatalo o nagagalusan man lang. Napansin din nilang nagpipigil pa si Finn Doria sa bawat atake nito kaya naman sigurado silang mayroon itong ibubuga kung ilalaban siya kina Brien Latter at sa iba pang 6th Level Scarlet Gold Rank.

Hindi man nila makamit ang una o pangalawang puwesto, masaya na silang maranasan na maging kalahok ng Seven Great Faction Games na tanging malalakas, talentado at piling batang adventurer lang ang maaaring makasali.

Isa itong oportunidad upang maipakita sa marami ang kanilang kakayahan. At kung maganda ang kanilang mga laban, maaari pa nilang makuha ang pagkilala ng Royal Clan at makatanggap ng pabuya mula sa pinakamalakas na puwersa sa buong Sacred Dragon Kingdom.

Ipinaliwanag ni Sect Master Noah ang mga nakuhang puntos ng iba pang Faction at nagulat sila ng malamang nahuhuli ang Burning Heaven Sect habang sinusundan naman ng Soul Puppet Sect. Nalaman din nilang nasa pang-limang puwesto ang Ice Feather Sect at nakatanggap ang mga ito ng dalawampu't siyam na puntos, lamang lang ang Cloud Soaring Sect ng dalawang puntos.

Natural lang na ang Sword Immortal Pavilion ang nangunguna, na nagkamit ng apatnapu't walong puntos habang sinusundan sila ng Ancient Darkness Island na nagkamit ng apatnapu't limang puntos. Pumapangatlo naman ang Alchemist Association na nagkamit ng apatnapung puntos, lamang ng siyam na puntos sa Cloud Soaring Sect.

"Pero, huwag muna kayong magpakasaya mga bata. Malayo pa ang daang tatahakin niyo bago niyo makamit ang tagumpay." Giit ni Elder Marcus. Mapait itong ngumiti sa pito at malumanay na nagwika, "Mayroon pang susunod na mga laban kaya naman dapat maging handa kayong lahat."

"Tama si Elder Marcus, ang susunod na laban ay siguradong magiging isang malaking pagsubok sa inyo dahil kailangan niyong lumaban ng may kasama. Susukatin ni Lord Helbram ang inyong kakayahang makipaglaban ng mayroong kasama. Alam kong isa itong malaking pagsubok sa inyo dahil wala kahit sa inyo ang nakakaranas ng ganitong pakikipaglaban." Malumanay na wika ni Sect Master Noah. Taimtim siyang tumingin sa pito at marahang nagpatuloy, "Ang tanging hiling ko lang ay sana sa oras na maging magkasama ang dalawa sa inyo sa isang grupo, magtulungan kayo upang talunin ang kalaban at huwag na huwag niyo silang mamaliitin."

Dahil sa seryosong ekspresyon nina Sect Master Noah at Elder Marcus. Natahimik at nagseryoso na rin ang grupong Soaring Seven. Seryoso silang nakinig at tumatango sa sinasabi ng dalawa.

"Sect Master Noah, alam niyo na po ba kung sino-sino ang maglalaban?" tanong ni Juvia Wasser.

Ngumiti naman si Sect Master Noah kay Juvia at tumugon, "Tatlo pa ang hindi nakakalaban sa inyo, at kayo 'yon nina Ashe at Leo. Magkasama kayong lalaban ni Leo Reeve. Mayroong dalawang laban na magaganap bawat faction kaya naman magkakaroon ng pitong laban sa pangalawang parte ng kompetisyon. Ang masasabi ko lang, hindi ordinaryong kalaban ang makakalaban ninyo."

"Pangalawa kayo sa lalaban at ang makakalaban ninyo ay walang iba kung hindi ang magkapatid na miyembro ng Soul Seven na sina Mavina at Segarus. Magiging apat laban sa dalawa ang inyong laban kaya naman siguradong mahihirapan kayong dalawa. Isa pa, mas mataas ang antas ng lakas ng dalawang ito kaysa sa inyo, pareho silang 4th Level Scarlet Gold Rank habang 3rd Level Scarlet Gold Rank lamang kayong dalawa."

Napalunok sina Juvia Wasser at Leo Reeve. Ang mga miyembro ng Soul Seven ang pinakaayaw nilang makalaban dahil sa kakayahan ng mga ito na kumontrol ng manika. Isa pa, siguradong mahihirapan sila dahil mas mataas ang antas ng lakas ng dalawang ito sa kanila.

"Ama, sinong magiging katuwang ko sa pakikipaglaban? Silang apat ay nakalaban na kaya naman ako na lang ang natitira." seryosong tanong ni Ashe Vermillion.

"Lalaban ka kasama ni Finn Doria." Binigyan ni Sect Master Noah si Ashe Vermillion ng nakakalokong ngiti.

Sa simula pa lamang, iritadong iritado na si Ashe Vermillion kay Finn Doria kaya naman gusto lihim siyang nagpapasalamat kay Lord Helbram sa lagdedesisyong pagtambalin si Finn at Ashe sa laban. Nais niyang makita kung anong mangyayari sa oras na lumabang magkasama ang dalawa.

Napabuntong hininga naman si Lore Lilytel. Kahit na inaasahan niya ng si Finn Doria ang lalabang muli kasama si Ashe Vermillion, hindi niya pa rin maiwasang makaramdam ng inggit kay Finn Doria. Gayunpaman, pinili niya na lamang na manahimik at isantabi ang lahat ng ito. Naiintindihan niya ng malabo na siya g magustuhan at mahalin Ashe Vermillion kaya naman napagdesisyunan niya na lang na ituon ang kaniyang atensyon sa problema niya. Sa huli, ito pa rin anv makakabuti para sa kaniya at sa kaniyang angkan.

Wala namang reaksyon si Finn Doria sa balitang ito ni Sect Master Noah. Mas gusto niyang malaman kung sino ang makakaharap nilang dalawa ni Ashe Vermillion kaya naman hinintay niyang magpatuloy sa pagsasalita si Sect Master Noah.

"Finn Doria, sigurado akong matutuwa ka kapag nalaman mo kung sino ang makakalaban niyong dalawa." Wika ni Sect Masted Noah.

Napangiti si Finn Doria, "Maaari ko po bang malaman kung sino ang makakalaban namin?"

Nais niyang marinig at malaman mula kay Sect Master Noah kung sino ang makakalaban nila. Mayroong namumuong imahe sa kaniyang utak at kung ito nga ang makakalaban nila, siguradong matutuwa nga siya.

"Kilalang-kilala mo kung sino ang isa sa kanila. Nagmula sila sa Ice Feather Sect at sila ay walang iba kung hindi sina... Tiffanya Frois at Hyon Pierceval!"

--

Legend of Divine God [Vol 2: Trial by Fire]Where stories live. Discover now