Wala namang pakialam si Brien Latter sa tingin sa kaniya ni Elder Alicia. Sa huli, pareho naman nilang ayaw sa isa't isa. Pero naiintindihan niyang kailangan pa rin niyang maging maingat kay Elder Alicia dahil sa kaniyang lihim na itinatago. Dahil sa oras na mabunyag siya, malaki ang magiging kapalit nito.

--

Nang maianunsyo na ni Lord Helbram ang panalo, agad ring sumunod ang susunod na maglalaban. Sira-sira na ang buong baba ng istadyum, marami na ring mga bitak-bitak at mga bangin dito ngunit napagdesisyunan pa rin ni Lord Helbram ipinagpatuloy ang susunod na laban.

Ang susunod na laban ay sa pagitan ng Ice Feather Sect at Burning Heaven Sect. Pareho itong binatang nasa 4th Level Scarlet Gold Rank.

Ito na ang ikatlong araw at ika-walong labang magaganap simula ng opisyal na simulan ang Seven Great Faction Games. Hindi naman kailangang kumain at matulog ng mga Adventurer dahil mayroong soulforce na nagbibigay sa kanila ng enerhiya at nutrisyon upang hindi maapektuhan ang kanilang kalusugan.

Mula simula ng laban ng dalawang binata ay hindi ito ganoong kapanapanabik hindi gaya ng laban nina Azur Lilytel at Gerould Faust. Isa lang silang normal na adventurer at hindi sila masyadong kilala. Gayunpaman, kalahok sila ng Seven Great Faction Games kaya naman talentado rin sila. Dahil laban ito sa pagitan ng mainit at malamig na aura, naging isa itong malapit na laban at tensyonado ang Burning Heaven Sect at Ice Feather Sect sa labang ito. Sa huli, ang binatang nagngangalang Nygell mula sa Ice Feather Sect ang nanalo.

Nagawang talunin ni Nygell ang kaniyang kalaban gamit ang kaniyang buong lakas. Gumamit siya ng iba't ibang skill na nagmula sa Ice Feather Sect at dahil sa kaniyang kasanayan dito, lumamang siya ng kakarampot sa kaniyang kalaban at nagawa niya itong pabagsakin.

Walang pakialam si Finn Doria sa nakamit na panalo ng Ice Feather Sect dahil sa kaniyang mga mata, nakatadhana ng matalo ang faction na ito kasama sina Tiffanya Frois at Singh Marren. Kahit na hindi niya magagawang patayin ang dalawang ito sa kompetisyon, gagawin niya naman ang lahat ng kaniyang makakaya upang ipahiya sila sa harap ng maraming manonood. Kung sakali naman na gustong makigulo ni Hyon Pierceval, hindi magdadalawang isip si Finn Doria na isama siya sa kaniyang listahan. Magsisilbi itong unang paghihiganti para sa kaniyang Azure Wood Family.

Kinamumuhian at kinasusuklaman niya ang Black Tiger Family at Nine Ice Family mula sa kaibuturan ng kaniyang buto. Kahit walang ebidensya si Finn Doria, alam niyang ang dalawang angkan na ito ang may kagagawan ng pagkamatay ng ilang miyembro ng Azure Wood Family habang nangangaso noon.

Gusto niyang maghiganti at pagbayarin ang mga angkan na ito ng higit pa sa kanilang mga kasalanan. Mata sa mata, pangil sa pangil. Dahil pumatay sila ng mga inosenteng miyembro ng Azure Wood Family, hindi magdadalawang isip si Finn Doria na kumuha rin ng buhay mula sa kanila. Papahirapan niya ang mga angkang ito hanggang sa magmakaawa sila at mas nanaisin pa nilang mamatay na lamang kaysa magdusa.

--

Nang matapos ang laban sa pagitan ng Ice Seven at Burning Seven, isa pa muling miyembro ng Burning Seven ang susunod na lalaban. Pero ngayon, hindi na ito ordinaryong batang adventurer.

Ang miyembrong ito ay walang iba kung hindi ang pinakamalakas at talentadong miyembro ng Burning Heaven Sect. Siya ay nagngangalang Elyas at isa siyang 6th Level Scarlet Gold Rank.

Sikat siya dahil siya ang pinuno ng Burning Seven. Bawat isang batang miyembro ng Burning Heaven Sect ay iginagalang ang binatilyong ito dahil sa kaniyang lakas at talento. Naniniwala rin ang karamihan na siya ang pangatlo sa pinakamalakas sa kompetisyong ito.

Pero hindi si Elyas ang pinagtutuunan ng pansin ng mga manonood. Mas interesado sila sa kakayahang makipaglaban ng kaniyang makakaharap. Unang pagkikita-kita pa lang ng mga batang Adventurers sa Auction house ay naging matunog na ang kaniyang pangalan dahil sa kaniyang pambihirang kakayahan bilang Alchemist. Bukod pa roon, siya ay isa ring 6th Level Scarlet Gold Rank at kinikilala ngayon bilang pinakamakas na miyembro ng Alchemist Seven. Ngunit ang pagkilala bilang pinakamalakas na miyembro ng Alchemist Seven ay wala pa ring kasiguraduhan. At dahil mismong si Alchemist Association Master na ang nagbigay sa kaniya ng posisyon bilang pinuno ng Alchemist Seven, naniniwala silang hindi pangkaraniwan ang kakayahan ng binatilyong ito.

Nakarating na ang dalawang binatilyo sa baba ng istadyum. Bawat isa ay nakatuon ang atensyon sa paglalabang dahil hindi nila gustong palampasin ang kahit na anong detalye.

"Isang karangalan na makaharap ko ang isang talentadong Alchemist." Ngiting wika ni Elyas.

Wala namang gana siyang tiningnan ni Brien Latter at itinuon ang kaniyang atensyon sa isang binatilyo mula sa kinaroroonan ng Cloud Soaring Sect, "Ayaw kong magsayang ng oras sa mga walang kwentang bagay. Sumugod ka."

Medyo nabastusan si Elyas dahil sa asal ni Brien. Tiningnan niya kung sinong tinitingnan ng binatilyo at natigilan siya ng malamang nakikipagtitigan pala ito kay Finn Doria. Napangiwi si Elyas at nagdilim ang kaniyang ekspresyon. Sa buong buhay niya, walang sinumang batang adventurer ang nagparamdam sa kaniya ng ganito. Tinatrato siya ni Brien Latter na para bang wala lang kaya naman hindi niya mapigilang kasuklaman ng binatilyo.

"Kung 'yan ang gusto mo." Malumanay na wika ni Elyas.

Nabalutan ang buong katawan ni Elyas ng nagbabagang apoy at mabilis na sumugod kay Brien Latter. Inatake niya ang binatilyo gamit ang kaniyang nagbabagang kamao at nang malapit na siya sa binata, hindi niya inaasahang sasalagin lang ito ng binatilyo gamit ang isang kamay.

Nagulat ang karamihan sa ginawang pagsalag ni Brien Latter. Dama nila kung gaano kalakas ang suntok ni Elyas ngunit paanong napigilan ito ng binatilyo gamit lamang ang isang kamay?

Mahigpit na hinawakan ni Brien Latter ang kamao ni Elyas at tumingin sa direksyon ni Finn Doria. Ngumiti siya rito at marahang nagwika, "Heto lang ba ang kaya mo? Mahina."

Hindi naman matanggal ni Elyas ang pagkakahawak ni Brien sa kaniyang kamao. Sinubukan niyang kumawala ngunit isang malakas na tuhod ang tumama sa kaniyang sikmura. Binitawan siya Brien at napagulong siya sa lupa habang naghihihiyaw sa sobrang sakit. Pakiramdam niya ay naapektuhan ang kaniyang lamang loob sa ginawang pag-atake ni Brien Latter.

At noong inaakala nilang tapos na ang pag-atake ni Brien, hindi nila inaasahang sisipain nito ang namimilipit sa sakit pa ring si Elyas. Dahil sa pagsipang ito, tumalsik ang katawan ni Elyas hanggang sa tumama ito sa haligi. Nagkaroon ng maliit na bitak-bitak ang haligi at mapapansin ding nawalan na ng malay si Elyas.

Halos lahat ay hindi makapaniwala sa kanilang nasaksihan. Nagawang talunin ni Brien Latter ang pinakalamakas na miyembro ng Burning Seven gamit lang ang dalawang atake!

Mabilis ang pangyayari at hindi nila inaasahang ganito kalakas si Brien Latter. Hindi lang siya basta Adventurer, isa rin siyang Alchemist at kahanga-hangang napakatalentado sa dalawang larangan na ito.

Nang makabawi ang grupo ng Burning Heaven Sect Master Netero at tiningnan ang kalagayan ni Elyas. Napangiwi siya ng mapansing malaking pinsala ang natamo nito sa dalawang pag-atakeng ginawa ni Brien Latter kaya namab hinarap niya ang binatilyo at malumanay na nagwika, "Isa lang itong paligsahan, Ginoong Brien Latter. Bakit kailangan mo pang maging marahas. Ang lamang loob ni Elyas ay naapektuhan dahil sa mga pag-atake mo."

Tumingin si Brien Latter kay Sect Master Netero at bahagyang ngumiti, "Totoong isa lang itong paligsahan pero ang layunin nito ay upang ipakita ang kakayahan ng mga kalahok. Isa pa, kung hindi ako nagpigil, siguradong pinaglalamayan na ang kaniyang bangkay."

Sasagot pa sana si Sect Master Netero ngunit mas pinili niya na lang na kainin ang galit niya. Ang katauhan ng binatilyong ito ay hindi basta-basta kaya naman mas pinili niya na lamang na manahimik.

Aalis na sana siya ng may isang boses ang pumigil sa kaniya, "Netero, ipagpaumanhin mo ang pagiging marahas ng aking estudyante. Bilang kabayaran, tanggapin mo ang pill na ito. May kakayahan ang pill na 'yan na pagalingin ang pinsala sa loob ng katawan ng Adventurers at siguradong tatlong araw mula ngayon ay magaling na ang kaniyang natamong pinsala."

Iniabot ni Association Master Morris ang isang maliit na bote ng pill kay Sect Master Netero. Tinanggap naman ito ng Sect Master ng Burning Heaven Sect at nagpasalamat kay Association Master.

Hindi agad nilisan ni Brien Latter ang istadyum. Nakangisi siya habang nakatingin sa mata ni Finn Doria.

"Nasaksihan mo ba ang nangyari sa kaniya? Huwag kang mag-alala dahil ikaw na ang susunod, Finn Doria."

--

Legend of Divine God [Vol 2: Trial by Fire]Where stories live. Discover now