Walang sinuman ang nagtangkang gumawa ng kahit anong ingay. Bawat isa ay seryoso at magalang na nakatingin kay Lord Helbram habang ang mga nakatataas naman ng bawat Faction ay tumango lamang.

"Mn. Mga Faction Masters, hayaan niyong ang kasama niyong Elder ang maghatid sa mga batang iyan sa inyong kaukulang Faction House. Kailangan niyong maiwan dito dahil mayroon pa akong mahalagang sasabihin." muling bigkas ni Lord Helbram.

Tumango naman ang bawat Faction Masters, iniisip nilang ang mahalagang sasabihin ni Lord Helbram ay ang tungkol sa magaganap na Seven Great Faction Games.

"Elder Marcus, ipapaubaya ko na sa'yo ang mga batang ito. Bantayan mo sila at 'wag mo silang hayaang gumawa ng mga hindi kanais-nais na bagay." seryosong wika ni Sect Master Noah habang nakatingin sa grupong Soaring Seven.

"Masusunod, Sect Master Noah. Huwag kayong mag-alala, babantayan ko ng maayos ang mga batang ito." nakangiting tugon naman ni Elder Marcus.

Tumango si Sect Master Noah at hinimas-himas ang mabalahibong ulo ni Munting Red na kanina pa mahimbing na natutulog sa kaniyang balikat. Nagising ang maliit na tigre at humikab-hikab pa ito habang iniuunat ang kaniyang mga paa.

"Munting Red, sumama ka muna kay Ashe. Mayroon pa akong gagawin." bulong nito sa maliit na tigre.

Tumango naman ang maliit na tigre at marahang lumipad patungo sa mga bisig ni Ashe Vermillion. Niyakap ito ng dalagita habang hinihumas-himas ang ulo nito. Malamang pamilyar at malapit sa isa't isa sina Ashe Vermillion at Munting Red. Si Sect Master Noah ang tumatayong ama ni Ashe Vermillion kaya naman natural lang na malapit ang dalawa sa isa't isa.

Isang uri ng Six-Winged Enormous Blood Tiger si Munting Red at natural sa kaniya ang pagiging mabangis pero 'pag sina Ashe Vermillion at Sect Master Noah ang may hawak sa kaniya, daig pa nito ang maamong tupa. Maihahalintulad ang lakas nito sa 6th Level Profound Rank Adventurer at napakalakas nito kaya naman masuwerte si Ashe Vermillion dahil malapit siya sa katuwang ng kaniyang itinuturing na ama.

Kung hahayaan ni Sect Master Noah na sumunod si Munting Red kay Ashe Vermillion sa kaniyang mga paglalakbay, siguradong mas mapapadali na ang lahat. Walang sinuman ang mangangahas na pagtangkaan ang kaniyang buhay. Pero syempre, hindi gagawin ni Sect Master Noah ang bagay na ito. Dahil malinaw namang naiintindihan ng lahat na ang dahilan kung bakit naglalakbay ang isang Adventurer ay upang magkaroon ng kasanayan at sumabak sa iba't ibang pagsubok kaya naman kung mayroong kasama si Ashe Vermillion na tagaprotekta, hindi ba't parang nawalan na nang saysay ang kaniyang paglalakbay?

"Soaring Seven, umaaasa ako sa inyong pakikiisa. Miyembro kayo ng aking Cloud Soaring Sect at kung sakaling malagay kayo sa panganib, hindi ako magdadalawang isip na ipagtanggol kayo sa abot ng aking makakaya. Ngunit dapat niyong maintindihan na gagawin ko lang ang bagay na 'yon kung nararapat. At dapat niyo ring maintindihan na hindi ko ilalagay sa panganib ang pangalan ng Cloud Soaring Sect." seryosong wika ni Sect Master Noah.

Magalang na tumango ang mga miyembro ng grupong Soaring Seven. Naiintindihan nila ang ibig sabihin ni Sect Master Noah at wala silang balak na suwayin ang mga paalala nito.

Ilang sandali pa, nagpaalam na si Sect Master Noah kay Elder Marcus at sa grupong Soaring Seven. Agad namang lumabas ang grupo ng Cloud Soaring Sect kasama ang iba pang Faction sa Floating Island's Auction House. Wala ng dahilan pa upang sila ay manatili sa lugar na 'yon at kailangan na rin nilang magtungo sa kani-kanilang Faction Houses upang mag-ensayo pa at magpahinga na rin.

Pagkalabas nila ng Auction House agad na tumambad sa kanila ang pitong iba't ibang karwahe. Bawat isa sa mga ito ay may simbolo na nakadikit sa pinto at ang simbolong 'yon ay walang iba kung hindi ang pagkakakilanlan ng bawat Faction. Ang karwaheng ito ay pinapatakbo ng tatlong puting makikisig na kabayo at ang uring ito ay hindi ordinaryo.

Legend of Divine God [Vol 2: Trial by Fire]Where stories live. Discover now