(xxii)

18 3 0
                                    

*-*-*-*-*
(xxii)
------------

Pakiramdam ko tuloy ay palagi na lang akong lutang kung pumasok. Gano'n ba talaga 'yon? Kahit anong gawin kong pagpigil. Kahit anong gawin kong iwas at kahit anong pilit ko sa sariling 'wag makialam, apektado pa rin ako.

Ilang buwan na rin kaming magkakilala ni Ace. Bukod sa pangalan edad at kakaunting impormasyon sa kaniya ay hindi ko alam. Habang tumatagal ay lalo lang lumalago ang pagkakuryuso ko sa kaniya. Ayoko 'yon.

'Naging si Ace ba at ang babaeng 'yon?'
Tanong ng utak ko. Hindi ko rin naman alam ang sagot. May past ba sila? Anong meron sa kanila?

Natauhan ako nang pumasok ang unang guro namin at nagulat nang makita kong may bitbit itong test papers. May long quiz. Halos gusto ko tuloy sapakin ang sarili ko. Pano ko nakalimutan ang tungkol dito? Bagsak balikat akong kumuha ng sagutang papel saka napatingin sa katabi kong si Stella.

Magaan ang awra nito at pangiti-ngiti pa habang hinahati nang pahaba sa dalawa ang one whole sheet of paper na hawak niya.

"May papel ka na?"
Tumango lang ako at ipinakita ang pad ng lenghtwise na hawak ko. Nginitian niya ako ulit saka pinamigay ang kalahati ng papel niya.

Kinakabahan ako. Hindi naman siguro mababa ang makukuha kong score, hindi ba?

------

Nanlulumo akong napaungko sa desk ko saka tinabunan ang mukha gamit ang buhok.
Rinig ko ang ingay ng mga kaklase ko. Syempre hindi mawawala doon ang pagpapataasan at pagkukumparahan ng score.

"Uy,"
Kinalabit ako ni Stella. Kaya napaayos ako ng upo.

"Ilan ka?"
Tanong pa nito.

"31."
Tipid na sagot ko. 31, out of 50. Nangungunot lang ang noo nito. Siguro naninibago. Madalas kasi ay perfect ako o di kaya'y isa hanggang tatlo ang mali.

"June?"
Takhang tanong pa nito.

"May problema ka ba? Pwede ka namang magsabi sa 'kin."
Saad pa nito habang nakatingin nang diretso sa mga mata ko. Nag-iwas lang ako ng tingin saka hindi kumibo.

Ano namang ikukwento ko sa kaniya? Na nakalimutan kong mag-aral dahil okyupado ni Ace ang utak ko? Malala na 'to. Pakiramdam ko ang laki ng problema ko kahit walang wala pa 'to sa dinaranas ng iba.

'Ano nga bang problema ko'
Parang gusto ko na lang iuntog ang sarili kong ulo. Ang babaw ko. Sobrang babaw.


Break time at wala akong kagana-gana habang nakayuko lang. Ni hindi ko nga rin pala dala ang librong binabasa ko.


"June."
Namalayan ko na lang ang sariling nakatingin sa mukha ni Ace. Nasa loob ito ng classroom at nakaupo sa katabi ko. Umayos ako nang upo saka nag-iwas ng tingin.

"Bumalik ka na sa classroom niyo."
Untag ko rito. Rinig ko ang pagbuntong hininga nito.


"Yung babae,"
Paninimula nito. Hindi ako nagpadala, nanatili lang akong nakaharap sa kabilang side.

"Kaklase ko lang naman 'yon."
Dugtong niya pa.

Kaklase lang pala pero ba't gano'n na lang kung umasta yung babae? Kulang na lang ay ipagsigawan niyang sa kaniya si Ace.

"June, pansinin mo naman ako--"

"Mamaya na lang tayo mag-usap."
Pinal na saad ko saka ito tiningnan. Napakamot ito sa ulo niya bago tumayo.

"Hihintayin kita."
Nginitian ako nito nang tipid kaya tumango na lang ako.


-----------


Walang kabuhay-buhay ako nang dakutin ang mga duming winawalis ng kaklase ko.

"May sakit ka ba, June?"
Tanong nito. Umiling lang ako. Hindi na ito nagtanong pa pero pansin ko ang titig nito sa kilos ko.

"Ako na rito, June. Uwi ka na."
Pakiramdam ko ay pagod na pagod ako. Imbes na umalma ay tumango na lang ako saka inayos ang mga gamit ko. Uuwi na lang siguro ako.

Natigil ako paglabas ko sa classroom namin. Sinabi ko nga pala kay Ace na mag-uusap kami ngayon. Alam kong maghihintay ito. Bakit ko pa sinabi 'yon kung wala naman talaga akong balak na harapin at kausapin siya. Paaasahin ko na naman 'yong tao. Napabuntong hininga na lang ako.

Pagtunghay ko ay ang pigura ni Aiden ang nakita ko. Naglalakad rin ito. Siguro ay pauwi na. Napapikit muna ako nang mariin saka naglakas loob na tawagin ito.

"O? June?"
Nakangiti ito nang lumingon sa 'kin, kaya napangiti na lang din ako. Siguro ay halatang halatang peke ang ngiting 'yon, lalo pa at wala ako sa mood ngayon.

"Pauwi ka na?"
Sumagot ito nang 'oo' saka tinuro ang room niya na hindi naman kalayuan.

"Sabay na tayo?"
Tanong nito kaya napatango na lang ako. Bahagyang mabilis ang paglalakad nito kesa kay Ace kaya pilit sinasabayan ng maliliit kong hakbang ang malalaking hakbang nito.

Tahimik din ito kagaya ko. Kung tutuusin mas gusto ko ang mga taong tahimik kagaya niya. Noon. Siguro dahil medyo nasanay na rin ako sa ingay at kakulitan ni Ace. Sa sobrang tahimik ay mahihiya kang magsalita. Ang awkward. Hindi kagaya kapag si Ace ang kasabay ko...

'bakit ko ba sila pinagkukumpara?'
Napabuntong hininga na lang ako ulit saka inalis ang kung ano mang ideyang namumuo sa utak ko.


Natanaw ko ang Math Garden. Hindi na ko nagulat nang makita ito doon. Nakaupo lang ito sa lagi niyang pwesto habang nakayuko. Agad akong nag-iwas ng tingin at nagulat nang makitang nakatingin pala sa 'kin si Aiden. Nang makita nito ang reaksyon ko ay napatingin din ito kay Ace.

Wala itong ibang sinabi. Nagpatuloy lang kami sa paglalakad... na parang walang nangyari.


Ramdam ko ang pagbigat ng bawat paghakbang ko. Pakiramdam ko gawa sa bato ang sapatos ko. Kasabay nito ang pagbigat ng dibdib ko.


Nang makarating kami sa gate ay nagsalita na si Aiden.

"Si Ace 'yon 'di ba?"
Natigilan ako saglit. Hindi ko na ito nilingon pa saka nagkibit balikat. Nang mapansin nitong wala akong balak magsalita ay tinapik ako nito sa balikat.

"Sige, June. Mauuna na 'ko. Ingat ka."
Saad nito habang nakangiti. Tumango lang ako saka ito tiningnan hanggang sa makatawid ito sa kabilang side ng kalsada.

Hanggang sa makauwi ako ay mabigat ang pakiramdam ko. Ngayon ko lang 'to naramdaman. Ang sama ko yata. Ang galing magpaasa.
Hindi maalis alis sa utak ko ang nakita kong itsura ni Ace kanina... habang matiyaga itong naghihintay sa 'kin.

Napatingin ako sa orasan. Pasado alas singko na. Maya-maya lang ay magsasarado na ang gate ng school.

'nakauwi na kaya siya?'


'hinihintay niya pa rin ba ako?'


Napapikit na lang ako nang mariin saka pilit inalis sa isip ko ang imahe ni Ace.

*-*-*-*-*-*-*

Operation: SSWhere stories live. Discover now