MAMA

74 18 3
                                    

EIGHT years old ako nung may nagpapakita sa aking batang babae. Sinabi ko ito kay Mama. Tinanong niya ako kung anong itsura ng bata tapos ang sagot ko sa kanya ay hindi ko alam. Sabi ko rin kay mama noon na ang lambing ng boses ng batang babae. Nakikipag-usap siya sa akin pero ang sabi ni Mama ay 'imaginary friend' ko lang raw yung batang babae dahil ganyan naman daw talaga ang mga bata. Nagkakaroon sila ng mga imagenary friend.

"Mama, ang bata ay nandito na naman." Turo ko sa sala.

"Jusko, Nak kumain ka na okay?" natatawang saad ni Mama kasi nga hindi niya nakikita ang nakikita ko.

"Ano ka ba." Tawa rin ni Papa. "Hayaan mo nga 'yang bata."

Minsan ay kinakausap ako ng bata kahit hindi ko siya nakikita pero alam kong siya 'yun dahil sa lambing ng boses niya. Hanggang sa dumating ang buwan na hindi na siya nagpaparamdam. Wala na akong batang nakikita o naririnig na tinatawag ako at kinukulit.

Akala ko hindi na siya babalik pero nagkamali ako. Bukas ay 18th birthday ko at maaga akong pinatulog ni Mama at Papa. Beauty rest raw kasi ika nila. Mga alas otso ako nagising, mali, naalimpungatan ako dahil sa isang boses mula sa kawalan na kumakanta ng isang jolly birthday song. Alive na alive ang boses niya.

"Happy birthday Mama
Happy birthday Mama
Happy birthday
Happy birthday
Happy birthday Mamaaaaa"

Napabalikwas ako mula sa higaan at kinabahan. Saan galing ang boses na iyon? Hanggang sa may pigurang nabuo sa paanan ko. Isang batang babae na siguro nasa mga 8 anyos na ang laki. Tanging pigura lang ang nakikita ko. Kilala ko siya. Kung noon ayos lang sa akin na makita siya, ngayon ay iba na. Napatili akong nagtatakbo sa labas ng kwarto. Takang-taka sina Mama at Papa na naghahanda para sa birthday ko.

"Ayos ka lang?" nag-aalalang tanong ni Papa sa akin. Tumango nalang ako dahil parang wala akong masabi sa pangangatog.

Napag desisyonan kong maligo muna pero sa kalagitnaan sa aking pagliligo ay narinig ko na naman ang boses niya. "Mama tingnan mo ang regalo ko para sa iyo." Halos mapaiyak na ako sa takot at kaba. "Mama blow mo na ang cake. Nasan na po si Papa?"

"Pakiusap, kung sino ka man, kung ano ka man. Layuan mo muna ako. Gusto kong mapag-isa," sumisigok na saad ko sa kanya. Nanginginig ang kalamnan ko at parang kinikilabutan ako.

"Okay po Mama," malungkot na saad ng boses at biglang nawala.

Pagdating ng gabi ay masayang nagkakasiyahan ang mga bisitang malalapit sa puso ko para sa aking debut party. Natapos ang birthday party na masaya pero nakakapagod.

Nahiga na ako matapos gawin ang ritual ko sa gabi bago humiga sa kama. "Mama, galit ka ba sa akin? Pwede tabi tayo sa higaan?"

Halos mamatay ako nung makita ko siyang nakatayo sa gilid ng kama ko. "O-Okay" nanginginig na saad ko. Tumabi nga siya at dahil sa kilabot na nararamdaman ko agad akong tumakbo palabas at doon natulog sa gitna nina Mama at Papa.

NGAYON, 20 years old na ako. Hindi ko na siya nakikita pero minsan ay naririnig ko siya kapag gusto niya akong makausap tapos kadalasan rin akong nananaginip ng isang batang babaeng mahilig sa asul na dresses at ribbons, may maitim na buhok at may magandang hubog na mga mata.

Nagpa konsulta ako sa isang bihasang manghuhula kung ano ang kailangan ng batang iyon sa akin. Ang sabi niya sa akin hindi lang siya basta kung sino. Siya raw ang future na anak ko. Umuwi akong lutang at hindi makapaniwala.

"Mama is home! Mama is home!" Napahinto ako sa gulat dahil may boses na naman akong naririnig. Kakainom ko lang ng gamot kaya impossible ito.

"K-Kilala mo ako?" bulol na saad ko.

"Mama Tina," sagot niya at sukat doon ay nanigas ako sa kinatatayuan ko. Ang tagal bago ako nakahuma. Imposible! Paano? Am I dreaming awake?

"A-Anong pangalan mo?" tanong ko.

"Sira ka Mama, Ysabella." Hagikhik ng boses. Ysabella, ang pinakagusto kong ipapangalan sa magiging anak ko balang araw at TJ Iroll naman pag lalaki. Napapangiti ako ng palihim.

"W A K A S"

The Creepy TalesWhere stories live. Discover now