PILUKA

133 19 1
                                    

Dahan-dahang iminulat ng isang babae ang kanyang mga mata. Nanlalabo ang kanyang paningin at sumasakit ang kanyang sintido. Ibinaling niya ang ulo sa kabilang parte ng paligid pero wala siyang ibang nakikita maliban sa mga lalagyang may mga lamang hindi niya mawari at mga maliliit na boteng nakahilira sa lalagyang kahoy. May mga mannequin rin sa isang gilid na akala niya kanina ay bulto ng mga tao. May isang bahagi naman ng silid na natatakpan ng kulay berdeng kurtina.

Gusto niyang maduwal dahil sa panghi ng paligid. Amoy bulok na may halong amoy ospital na nanonoot sa kanyang sensitibong ilong. Gusto niyang bumangon subalit nakatali pala ang kanyang dalawang braso at dalawang paa sa magkabilang dulo ng metal na higaan. Medyo nakaangat naman ng konte ang kalahati ng kanyang katawan; mula ulo hanggang bewang.

Naglikot ang mga mata ng babae at napalunok. Napatingin siya sa ilaw na aandap-andap. Tinatanong niya ang sarili kung paano siya napunta sa lugar na ito at kung bakit siya naririto?

Naalala niyang galing siya sa isang night club kasama ang mga kaibigan. Nagpaalam siya na sa restroom lang muna siya para ayusin ang sarili. May nadatnan siya doong babaeng balingkinitan at sobrang ganda. Halatang piluka lang ang kanyang buhok. Kulay asul ito pero bagay na bagay sa kanya dahil sa kanyang angking kaputian at kakinisan. Kasalukuyan nitong inaayos ang sarili habang siya naman ay nagsusuklay.

Napatingin ito sa kanyang mahaba at malagong itim na buhok. Nakaramdam siya ng hindi maganda kaya aalis na sana siya dahil kakaiba ang tingin ng magandang babae sa kanya. Nagsimula siyang humakbang papunta sa pintuan nang pigilan siya nito kaya maang na napatingin siya sa magandang babae na ngayon ay walang ekspresyon ang mukha. Ang buong akala niya ay may sasabihin ito sa kanya kaya magiliw na hinarap niya itong muli at nginitian pa subalit nagkakamali pala siya ng inaakala.

Hindi naman ito nagsasalita at nakatitig lang sa kanya. Hindi rin siya nito binitiwan kahit umigkas na ang kanyang braso dahil nasasaktan na siya sa mga kukong bumabaon sa kanyang balat kaya nagpupumiglas siya ngunit mas humigpit pa ang pagkakahawak nito sa kanya na tila bumaon pa ang kuko nito sa kanyang balat kaya naman ay mas tumindi pa ang pagnanasa niyang makaalis na sa restroom.

Halatang napikon na ang magandang babae kaya may hinagilap ito sa kanyang maliit at itim na shoulder bag, isang syringe na may lamang likido. Kinutuban siya ng hindi maganda kaya tinadyakan niya ito subalit hindi man lang natinag ang babae. Hinablot nito ang kanyang buhok kaya napahiyaw siya sa sakit dahil halos humiwalay na sa anit niya ang kanyang pinakamamahal na buhok. Sumigaw siya ng tulong subalit dahil malakas ang musika sa labas ay walang nakakarinig sa kanya.

Itinurok ng babae ang syringe sa kanyang leeg at ilang segundo pa lang ay unti-unti na siyang nahilo at nanlabo ang paningin. Nawalan na rin siya ng lakas kaya agad na dinaluhan siya ng magandang babae. Nakita niya itong ngumiti ng matamis bago siya nito inilabas sa restroom. Naglakad sila palabas habang siya ay pasuray-suray at wala sa sarili. Gusto niyang tawagin ang mga kaibigan pero halatang nagsasaya ito sa pagsasayaw sa dance floor. Gusto niyang umiyak pero wala siyang luha. Humihina na rin ang kanyang paghinga at pabigat pa ito nang pabigat. Akala ng gwardiya ay magkakilala silang dalawa kaya pinalabas sila nito na walang halong pagdududa dahil baka inakala ng gwardiya na iniuuwi na siya ng kasama sa sobrang kalasingan. Magiliw kasing nakaakbay sa kanya ang salarin kaya hindi kaduda-duda ang mga kilos nito.

Ipinasok siya ng babae sa kotse nito at isinukbit pa sa kanya ang seat belt. Gusto niyang manlaban pero hindi nakikisama ang kanyang katawan dulot ng drogang itinurok sa kanya. Namamanhid siya at pabaling-baling ang ulo na tila hindi mapakali. Nagsimulang magmaneho ang babae palayo sa club habang ang mga mata niya ay nanlalabo pa rin at tanging malalalim na paghinga lang ang kanyang nagagawa. Hindi niya alam kung saan siya dadalhin. Ang alam lang niya ay inaantok siya hanggang sa hilahin na siya ng kadiliman.

The Creepy TalesWhere stories live. Discover now