Mga Pwedeng Sisihin

122 6 2
                                    

Noong Grade 4 ako, masyado akong naging matalino for my own good (biro lang). Sa isang periodical test (second 'ata 'yun?) sa Mathematics, nataasan ko ng isang point 'yung first honor namin na pambato sa mga Math quiz bee--perfect ako at may mali siyang isa. Sinabon siya ng adviser namin habang pinupuri ako. Doon nag-umpisang lumobo ego ko.

Grade 4 din nang makatanggap ako ng isang outdated na English textbook. Big deal ang makatanggap ng libro noon--sa public school kasi, pinahihiram lang ang mga 'yun at pinapaubaya pa sa susunod na henerasyon. Libreng ibinigay sa akin -- at sa iba pa -- kasi nakatambak na lang at kumakain ng espasyo sa aparador. Ang saya ko n'on! Book lover? Hindi. Libre kasi kaya masaya ako.

Pero doon nag-umpisang mag-shift 'yung perspektibo ko sa mga bagay-bagay.

Dahil pag-aari ko na ang libro, ginawa ko ang bagay na hindi ko magawa sa mga pinahihiram lang: nag-doodle ako.

Nag-umpisa lang ako sa pagsagot ng mga tanong sa bawat katapusan ng mga chapter--ng mga makakalokohang sagot. Bastos, kadiri, at seryosong mga sagot. Alam kong dahil sa puberty kaya malalaswa at nakakatawa mga sagot ko, pero kung saan ko nahugot 'yung mga sagot na 'yun? Hindi ko alam.

Nang magsawa na ako sa kasasagot, pinuntirya ko naman 'yung mga illustrations--tao, lupain, mga hayop, and the like. Ang doodle ko sa kanila e mga dialogue box muna. Amalgamation lang ng tao at 'yung mga pamumuhay nila ang unang page. Magkakahiwalay sila, hindi magkakakilala, pero nang lapatan ko na sila ng dialogue, nagsama-sama sila sa isang maikli, magulo, at konektadong kwento. At 'yung ibang hindi pasok sa kwento? In-edit ko 'yung itsura. Nilagyan ko ng mga pasa 'yung isa, nilagyan ko ng kanta 'yung isang grupo ng mga bata, at pinilit kong pangitiin 'yung isang nakasimangot. Pagkatapos ko doon, pinagpatuloy ko ang kalokohan sa buong libro.

Ilang taon ang lumipas, natagpuan ko ulit 'yung libro na 'yun. At natawa ako sa sarili kong mga pinaggagawa. Natawa, not in the sense na ang lame ng mga jokes o punchline, kundi dahil ang galing kong magsulat ng humor! Sa kakatawa ko sa mga ginawa ko e halos maiyak ako, na minsan ko lang maranasan. Ang galing ko dati. Ano'ng nangyari sa akin ngayon?

Thinking back, natagpuan ko na sa panahong 'yun 'yung isang core attribute ng pagiging writer: Connection, Control, and Comprehension of Characters (this is my copyrighted idea, bawal gamitin sa kahit anong larangan ng paglikha unless bayaran ako). Pero nabaon sa limot 'yung paumpisa kong 'yun sa pagsusulat. Naidamay na kasi ako sa mga Math Quiz Bee at doon natuon ang atensyon ko in elementary days.

~*~

Naibalik lang atensyon ko sa pagsusulat pagpasok ng high school, nang mabasa ko 'yung Stainless Lang-- Longganisa ni Bob Ong. Pinahiram ako ng ate ko habang bumabyahe kami pauwi galing sa hindi ko na maalala kung saan, at natapos ko 'yung libro bago matapos ang araw. Pagkatapos noon e binasa ko na rin ang iba pa niyang sinulat (i.e. hanggang Macarthur; hiniram ko 'yung mga kopya ng ate ko). Nakita ko na lang 'yung sarili kong nakatambay na sa mga sulat niya, tinitingala ang taong hindi ko pa nakikita.

Napunta ako sa parte ng isip ko na tinalukbungan ng makapal na tela, at kumapal na ang alikabok. Sumilip ako sa ilalim ng talukbong, at nakita ko ang isang napakapangit na malaking bato--itim, bako-bako, magaspang. Napakapangit, pero nangungusap sa magandang boses. Magsulat ka. (Everyone, meet my muse: si Pre. Neutral ang gender niya at hindi sexist, at madalas lang nasa isang sulok, kahit saan man ako magpunta.)

Isang umaga, nagpabili ako kay Mama ng isang notebook, bukod sa mga notebook na ginagamit ko sa school. Pag-uwi niya, inabot niya sa akin ang isang low-qaulity na spring notebook--malambot ang green na cover, manipis 'yung magaspang na papel, at madaling mabaliko 'yung itim na spring. At sa pangit na notebook na 'yun nag-umpisang muli 'yung pagsusulat ko. Sinulat ko ang una kong tula: "Sa Aking Tula". Nilahad ko roon na maraming sabog-sabog na ideyang makikita sa mga isusulat ko, at alam kong hindi 'yun masasakyan ng lahat. Paano naisip ng mas batang ako 'yung mga 'yun? Simple lang: mas matalino ako noon kaysa ngayon. Seryoso. Maski sa Math. Sigurado akong kung makakalaban ko ngayon sa isang impromptu Math quiz bee 'yung dating ako, siguradong pakakainin na niya ako ng alikabok. Ang naging improvement ko lang kumpara sa dati e mas sensitive lang ako ngayon sa nararamdaman ng mga tao sa paligid ko. Dati kasi wala akong pakialam sa iba.

Open for InterpretationsWhere stories live. Discover now