C06: Hospital Talk • Ren

1.5K 29 0
                                    


"BUTI pa, Ms. Reverie Metherlance o kung sino ka man, pumayag ka na lang nang hindi na humaba pa ang usapang ito. Hindi ko rin ginusto ito pero just for your baby's sake, pumapayag ako! Now, if you'll excuse me," sabay tayo niya papalabas sa kwarto ko.

"Tan-Ta-..."

"Lia, hayaan mo na muna ang anak mo. Nabigla lamang din 'yon," awat ni Mr. De Guzman.

Napapanganga na lamang ako sa mga nangyayari. Isang linggo akong walang malay at pagkatapos, pagkagising ko'y buntis na agad ako? Ang alam ko ay gumagawa lamang kami nila Andrea ng project. At walang kinalaman iyon sa Anatomy o Biology! Pagkatapos, nagising na lamang akong nasa ospital na? And worst, magiging dalagang ina pa ako?

Am I in some kind of a sitcom?

"Ren, hindi na kita pipilitin pero sana'y pag-isipan mo. Ito ang contact number namin in case na mag-decide ka na kung sasama ka o hindi." Iniabot sa'kin ni Mrs. De Guzman ang isang maliit na papel.

"Sige po at pasensya na po talaga."

"Okay lang, hija. 'Di mo kailangang humingi ng paumanhin. Naiintindihan namin ang sitwasyon mo. Sige mauna na kami. Magpahinga ka na rin," ani Mr. De Guzman.

"Salamat po at mag-ingat po kayo," paalam ko at kumaway sa kanila habang palabas sila ng kwarto ko.

Naiwan ako mag-isa rito sa kwarto. Tinitigan ko lamang ang papel na may numero ng mga magulang ng Tan-Tan na 'yon.

"Hayzt. Ano kayang iniisip ng lalaking iyon? Siya nga kaya ang nakabuntis sa'kin? Asar! Para na akong baliw na nagsasalita rito!"

Napatakip ako ng unan sa mukha sa sobrang gulo ng isip ko.

Maya-maya'y may kumatok sa pinto at niluwa nito si Andrea.

"Ren, kamusta na ang pakiramdam mo?"

"Okay na naman ako. Hindi na ako nasusuka."

Inilapag niya ang mga dala niyang prutas sa mesang malapit sa kama ko.

"May naaalala ka na ba?" umiling lamang ako at napabuntong hininga.

"Heto, oh! Kain ka muna ng saging para magka-potassium ka," sabi ni Andrea matapos niya akong ipagbalat ng saging at saka naman siya nagsimulang magbalat ng mansanas.

"Saan ka ba galing? Bigla ka na lang nawala."

"Bumili lang naman po ako ng prutas niyo. Sus! Sandali lang naman ako nawala ah," sabi niya na nangingiti.

"Andrea Quimson, ano naman 'yang ngiting 'yan?" sabi ko habang naka-cross pa ng arms.

"Natatawa kasi ako sa'yo. Paano ba naman, para kang batang hindi sinama sa pamamasyal! Pero na-miss ko 'yung ganyang ugali mo, girl." Inilagay niya sa harapan ko ang mga mansanas na natalop at nahiwa niya.

"Bakit? Hindi naman ako nagbago ah?"

"Nagbago ka kaya simula nang nalaman mong buntis ka!"

"Talaga? Paanong nagbago?" tanong ko habang kumakain ng mansanas.

"Naging matamlay ka at walang imik. Iniisip mo kasi noon kung paano mo sasabihin sa nobyo mo ang tungkol diyan sa baby mo," sabay turo sa tiyan ko.

"Eh? Talaga?"

"Oo! Naku, girl, kung tahimik ka na nga dati, mas tumahimik ka pa! Ewan ko ba sa'yo, girl! Matalino ka naman kaso ganoon yata talaga 'pag in love—nabobobo," sabay tawa niya nang malakas.

Ouch naman.

"Pero Andrea may gusto pa akong malaman." Bigla naman siyang naging seryoso.

"Ano naman 'yon?"

"Uhmm ano kasi-... Paano ko ba sasabihin?"

"Hay naku, mukhang nababasa ko na 'yang nasa isip mo. Itatanong mo sa'kin kung paano ka nagka-BF, 'no?"

"Kasi naman eh! Malamang gusto kong malaman lalo na't may dala na ako," sabay turo ko sa tiyan ko.

"Sa bagay. Anyway, hindi ko exactly alam kung paano kayo nagkakilala ng boyfriend mo — ni pangalan nga hindi ko alam. Nalaman ko lang na may nanliligaw sa'yo nang may mga nagpapadala na ng bulaklak sa classroom natin para sa'yo. Pagkatapos ay nasabi mo lang sa'kin na nakilala mo siya sa isang mall. Tinulungan ka niya nang madapa ka sa mall tapos naging mag-textmate na kayo. Ayon ito sa mga kwento mo sa'kin noon ha," sagot niya.

"So, hindi mo pa talaga nakikita nang personal ang boyfriend ko?"

"Hindi pa. Ngayon ko lang na-meet ng personal si Christian. Hindi rin kasi siya dumadalaw sa unit mo. Lagi lang kayong nagkikita sa labas. Noong um-attend ka ng birthday party niya, doon may nangyari sa inyo. Gaga ka kasi! Bigla mong sinuko ang Bataan! Hiningi lang sa'yong iregalo mo 'yon sa kanya, ibinigay mo naman!"

Namula ako sa sinabing iyon ni Andrea. Ganoon ba talaga ang inasta ko? I can't even imagine!

"Pero siguro, sobrang mahal mo lang si Christian kaya ka pumayag. Masyado kang tiwala sa kanya." Napatingin ako sa seryosong mukha ni Andrea.

"Mabait naman si Christian, may saltik nga lang ng kaunti. Pero sa kwento ng kapatid niya sa'kin, mukhang mahal na mahal ka rin ng mokong na 'yon."

"Paano mo naman nasabing mahal na mahal niya ako?" tanong ko kay Andrea.

"Naikwento kasi sa'kin ni Ruth, 'yung kapatid ni Christian, ang ginawa ng kapatid niya noong bago kayo maaksidente. Dapat pala ay magpo-propose siya sa'yo sa restaurant na pinuntahan niyo. Excited nga raw ang mokong eh. Ibig sabihin, kahit hindi niya pa alam na buntis ka, may balak talaga siyang pakasalan ka—hindi dahil buntis ka, kung hindi dahil mahal ka niya," nangingiting kwento ni Andrea na animo'y kinikilig habang ini-imagine ang bawat eksena.

Parang may kung anong humaplos sa puso ko. Parang natuwa ako nang malaman kong mahal din ako ni Christian.

Siguro nga masungit lang siya ngayon dahil hindi niya ako matandaan at hindi ko rin siya maalala. Pero siguro din, mahal talaga namin ang isa't isa. Hindi naman siguro ako papayag na may mangyari sa amin kung hindi ko siya mahal, 'di ba?

"O siya Ren, aalis na ako. Late na rin. Kailangan mo nang magpahinga kaya uuwi na ako. Babalik na lamang ako bukas ng umaga," sabi ni Andrea habang inaayos na ang mga gamit niya.

"Sige, salamat Andrea. Ingat ka pauwi."

"Oo naman. Sige na. Magpahinga ka na. Good night, Ren. Bye bye," sabi niya habang tinatahak ang pintuan.

"Bye bye!"

Mag-isa na lamang ako sa kwarto ngayon. Naisip ko ang mga pinag-usapan namin ni Andrea kanina.

Mahal ko nga ba talaga siya? Eh siya? Mahal niya ba talaga ako?

Naalala ko rin ang eksena ng pag-uusap namin ni Christian at ng mga magulang niya kasama na 'yung pagwo-walkout niya.

Galit pa kaya siya? Ano kaya ang nasa isip niya ngayon? Naiisip niya rin kaya ang sitwasyon namin ngayon? Naiisip niya rin kaya ako?

Natigilan ako sa tinatahak ng isipan ko.

Ano bang pinag-iiisip ko!? Bakit naman niya ako iisipin, 'di ba? Hindi naman niya naaalalang mahal niya ako kaya imposibleng isipin niya ako!

Naku! Bahala na nga siya sa buhay niya! Matutulog na lang ako!    

My Accidental FianceeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon