C01: He's Awake • Tan-Tan

6.4K 98 5
                                    


PUTING kisame, puting pader at mga puting kurtina ang tumambad sa aking harapan sa pagmulat ko ng aking mga mata.

Nasaan ako? Anong lugar ito?

Napatingin ako sa kaliwang kamay ko at nakita ko ang mahabang swerong nakasalpak dito. Hindi ko maalala kung bakit ako naririto at kung paano ako napunta rito.

"Kuya? Ma, gising na si Kuya!" dinig kong sigaw ni Ru-Ru nang magtama ang aming mata paglabas niya mula sa isang pinto.

"Tatawag ako ng doktor!" ani naman ni Papa na nagmamadaling tumakbo palabas mula sa pagkakaupo niya sa sofa na nasa kabilang sulok ng kwarto.

Mabilis naman akong tinabihan ni Mama at hinimas-himas ang kaliwa kong kamay.

"Anak, okay lang ba ang pakiramdam mo? May masakit ba sa'yo?" alalang tanong niya.

"Teka-teka! Ano bang nangyayari? Bakit ako nasa ospital?" usal ko.

"Naaksidente ka, anak. Nabangga sa poste 'yung kotseng sinasakyan mo. Salamat sa Diyos at nagising ka na," mangiyak-ngiyak na sabi ni Mama.

Kumunot ang noo ko sa sinabi ni Mama pero batid kong posibleng iyon nga ang nangyari base na rin sa benda na nasa ulo ko ngayon. Maingat ako mag-drive kaya nakapagtatakang maaaksidente ako nang ganoon-ganoon lamang.

"Gaano katagal akong nakatulog?" baling ko sa kapatid ko na nakatayo na rin sa gilid ng kama ko.

"Limang araw kang walang malay, Kuya." Halata sa malalalim na mata ng kakambal ko ang labis na pag-aalala.

Biglang pumasok si Papa sa kwarto kasama ang doktor at isang nurse. Tumayo si Mama at nagbigay daan sa doktor.

"Hijo, may masakit ba sa'yo? May kakaiba ka bang nararamdaman?" tanong ng doktor habang tinitingnan ako.

"Medyo masakit lang po ang ulo ko pero bukod po roon, wala na."

"Naaalala mo ba kung paano kayo naaksidente?" tanong niya ulit.

"Hindi po. At anong kayo? Hindi po ba ako mag-isa sa kotse?" May kabang tiningnan ko ang pamilya ko pero mukhang ayos naman sila. Wala akong maisip na ibang taong maaari kong maisakay sa kotse ko bukod sa aking pamilya.

"May babae kang kasama nang maaksidente ka. Hindi mo ba maalala?" sabi ni Papa.

"Wala po talaga akong maalalang kahit ano tungkol sa aksidente. Sino po ba 'yung kasama ko?"

Saglit namang nagkatinginan ang mga magulang ko.

"Girlfriend mo 'yung kasama mo, Kuya," sagot ni Ru-Ru.

Saglit akong napamaang sa tinuran ng kakambal ko.

"Anong girlfriend? Kailan pa ako nagka-girlfriend?"

Ang pagkakatanda ko, NGSB ako! No Girlfriend Since Birth ako kaya paano akong magkaka-girlfriend?

"You mean, anak, hindi mo girlfriend 'yon?"

"Imposible 'yon, Ma! She is definitely Kuya's girlfriend!"

"At paano mo naman nasabi 'yon? Saka hindi pa kaya ako nanliligaw sa tanang buhay ko!"

"Suot niya kasi 'yung golden rosary ng mama mo. 'Yung pinamana sa kanya ng Lola Mommy mo," paliwanag ni Papa.

"Hindi ko alam kung paano napunta iyon sa kanya pero dahil doon ay nasabi niyo nang girlfriend ko siya? Ang labo naman yata no'n."

My Accidental FianceeWhere stories live. Discover now