C17: Back to Manila • Ren

1.8K 44 2
                                    

"REN..."

May pilit na gumigising sa'kin pero hindi siya effective. Parang lullaby kasi ang pagtawag niya sa pangalan ko — masarap pakinggan. Hindi ko rin maimulat ang mga mata ko sa sobrang antok. Dagdag pa rito, napakabango ng hinihigaan ko!

Sininghut-singhot ko ang mabangong kobre-kama. Ipinadausdos ko rin ang mga palad ko sa madulas na telang cotton nito.

"Ren," natatawang sambit ng isang tinig.

Unti-unti kong iminulat ang aking mga mata. Isang puting tela ang unang rumehistro sa'kin na pinagmumulan ng mabangong amoy na humihila sa'kin pabalik sa pagtulog.

Subalit hindi pala ito isang kobre-kama, kung hindi isang polo shirt!

Tumingala ako at nakita ko ang nangingiting si Tan-Tan.

"Ren, gumising ka na. Nandito na tayo sa Maynila."

Nakasandal ang ulo ko sa mga bisig niya. Ang kanang braso ko ay nakayakap sa kanyang baywang samantalang ang kaliwang kamay ko naman ay nakapatong sa kanyang kaliwang dibdib.

"Waah-... Ugh-... Aray!"

Mabilis na napabalikwas ako sa kinauupuan ko at napatayo kaya nauntog ako sa bubong ng sasakyan at napaupo sa sahig nito pagkatapos. Para akong bola sa pin ball game!

Mabuti na lamang at dalawa na lang pala kaming naiwan dito sa sasakyan. Kung nagkataon, mas lalong nakakahiya!

"Okay ka lang ba? Halika, tulungan na kitang tumayo." Hihimas-himas sa ulong tinanggap ko ang nakalahad na kamay ni Tan-Tan.

"Let me see." Tinanggal niya ang mga kamay ko at siya na ang nagpatuloy sa paghimas ng ulo ko. "Hindi ka naman nabukulan. Kumapit ka na lang sa'kin at baka nahilo ka sa lakas ng pagkakauntog mo."

Inilagay niya ang kamay ko sa kaliwang braso niya at marahang iginiya ako papunta sa kanilang bahay.

Hindi ako makatingin sa mukha ni Tan-Tan. Pakiramdam ko'y pulang-pula na ang mukha ko. Para kasi akong isang bride na inilalakad papunta sa altar dahil sa bagal ng paglakad namin. At nakadagdag pa na siya ang kasama ko! Oh my gulay!

"Welcome to our home, Ren."

Nasa tapat kami ng isang malaking bahay na may magarang hardin. Hindi naman siya isang mansyon pero malaki ito kumpara sa isang ordinaryong bahay. Napakaganda rin ng landscaping. Isang simpleng hardin lamang ito na maayos ang pagkakalagay at pagkakatanim ng mga bulaklak doon.

"Nagustuhan mo ba ang bahay namin, hija?" tanong ni Tito Eldrick, ang papa ni Tan-Tan.

"Opo! Ang ganda po ng bahay niyo!"

"Salamat, hija," nakangiting tugon naman sa'kin ni Tita Lia, ang mama ni Tan-Tan.

"Pasok ka muna sa loob nang makapagpahinga ka muna. Tatawagan ko na rin si Andrea para alam niyang nandito na tayo sa Maynila," paalam sa'kin ni Tan-Tan.

"Salamat."

Tumuloy kami sa loob ng bahay. Mas malaki ito sa loob kumpara sa itsura nito mula sa labas. Malawak na sala at malaking salaming bintana ang unang bumungad sa'min pagpasok namin. Gawa sa puting marble ang buong sahig na terno na sa puting pintura ng bahay.

Nasa ikalawang palapag naman ang mga bedroom. Pag-akyat namin ay naabutan naming tinutulungan ni Lu-Lu si Ru-Ru na mag-ayos ng mga gamit niya.

My Accidental FianceeWhere stories live. Discover now