SWP-Mahal, Laro Tayo

149 7 1
                                    

Mahal, Laro Tayo

Sa huling pagkakataon, ako'y makikipaglaro sa'yo.
Kahit alam kong ako ang magiging dehado sa dulo.
Pero susubukan ko na sa araw na 'to, ako ang magiging panalo.
Tara mahal, simulan na natin ang larong naisip ko.

Langit-lupa, ang unang larong gusto ko,
Lagyan natin ng tono para mas ganado,
"Langit-lupa impyerno, Im-im-impyerno."
'Yan ang naramdaman ko sa piling mo,
Oo tama, hindi langit kung 'di impyerno.

Sa larong 'yan, hinabol mo ako
Ngunit agad na pumatong sa bato para iligtas ang sarili ko.
"Langit!" masayang sigaw ko,
Oo, langit pa ang naramdaman ko noong hindi pa naging tayo.

Ngunit naging matigas ang ulo,
Pumatong sa lupa at nagpahabol sa'yo.
Tuwang-tuwa ka nang maabot mo ako,
Ako na kasi ngayon ang naghahabol sa'yo.

Tumakbo ka palayo kasama siya,
Nagulat ako nang may nakisaling iba.
Bigla na lang kasi siyang pumasok sa eksena,
Pero kahit na gano'n, hinabol pa rin kita na parang tanga.

Ayaw ko na, lipat tayo sa patintero!
Sa isang kahon, pumasok ako.
Ibinuka mo nang malapad ang dalawang braso,
Para ako'y makulong sa bitag mo.

Sa isang kahon tayo'y gumawa ng sariling mundo,
Na ang tanging karakter lang ay ikaw at ako.
Sobrang saya dahil ayaw mo akong pakawalan sa piling mo,
Pilitin ko mang tumakas ay wala akong kawala sa'yo.

Pero bakit na naman nakisali siya?
Hindi ba't sabi ko tayo lang dalawa?
Mahal naman hindi ka pa nakuntento sa isa,
Pinatakas mo pa ako at mas piniling bantayan siya.

Para tuloy akong naglalarong mag-isa,
Nakapuntos na ko't lahat, nakatitig ka pa rin sa kanya.
Mahigpit mo siyang binabantayan habang may kislap sa mga mata,
Habang ako'y unti-unting nadudurog na.

Mahal, abutin mo ang kamay ko.
Payag na akong maging taya sa larong 'to.
Ikukulong ka sa'king mga braso,
At hindi na hahayaan na may makapasok na iba sa'ting mundo.

Mukhang wala ka ng gana, tara na't mag-tumbang preso.
Sa gitna ng bilog may latang nakatayo,
Titirahin at gagawing asentado
Pero ang nasapol mo ay ang puso ko.

Ako na naman ang taya, ako na naman ang dehado.
Paulit-ulit na nadarapa pero tatakbo pa rin para sa'yo.
Hahabulin kita kahit hanggang dulo ng mundo,
Mapuno man ng sugat ang puso't tuhod ko.

Kaunting distansya na lang, maabot na kita,
Ikaw na ulit ang maghahabol sa'kin kapag naging taya ka.
Pasasaan pa't mahahawakan ulit kita,
Kung kailan naman malapit na, saka ka huminto at sinabing pagod na.

Halata namang hindi ka na masaya,
Pero pipilitin pa rin kita kaya tara na.
Huling laro sa ilalim ng mga tala,
Pagkatapos nito ikaw na ay malaya.

Tagu-taguan, makikipaglaro tayo kasama ng buwan.
Itatakip ko na ang mga kamay sa mga matang luhaan.
At sa muling pagdilat hindi ko alam kung ikaw pa'y matatagpuan,
Pero magtago ka lang dahil ako'y may naisip na paraan.

Sisimulan na ang kanta,
At magbibilang hanggang lima.
Masyadong matagal ang sampu,
Para sa sugatang puso.

Tagu-taguan, maliwanag ang buwan.
Kasing liwanag ng katotohanang hindi mo na ako pinapahalagahan.
Katotohanang ako na nga'y iiwanan,
Pero huwag kang mag-alala dahil ako na ang unang lilisan.

Pagbilang ko ng lima, nakatago na kayo.
Oo, kayo niyang babae mo.
Magtago kayo sa pinakasulok ng mundo,
'Yong tipong hindi kayo mahahagilap ng mga mata ko.
At kapag nangyaring nahanap ko kayo,
Bang! At hindi bong ang sasalubong sa inyo.

Isa, dalawa, tatlo, apat, lima
Huwag ka na sanang magpakita pa.
Hahayaan na kitang magpakasaya sa kanya,
At sa pagdilat ng mga mata, ako ay uuwi na.

Pero bago magtapos ang larong 'to,
Itatapat ang kanang kamay sa puso ko.
Sisigaw ng "save" nang buong-buo,
Sa pagkakataong 'to, ligtas na ang puso ko sa sakit na dulot mo.

Hikbi Ng Pluma (Spoken Word Poetry)Onde histórias criam vida. Descubra agora