SWP- BYAHE

365 93 82
                                    

"BYAHE"ni: Pinkshadow97

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

"BYAHE"
ni: Pinkshadow97

"Sakay na, lalarga na"
Hindi na nag-isip at agad sumampa,
Hindi na kinilatis at agad nagtiwala,
Makita lang na maayos at mukhang magara,
Kaya sige, Pwede na.

Ganyan lang kadali ang lahat,
Katulad sa kung paano mo ako napasakay
Sa mga makukulit mong banat,
Katulad sa kung paano mo ako napasabay
Sa byahe na kahit ako lang ang pasahero,
Sabi mo ay sobra pa sa sapat.

Para akong isang empleyado
Na mahuhuli na sa trabaho,
At wala ng iba pang masasakyang oto
Kaya napasabi agad ng oo.

Nagsimula tayo sa tuwid na daan,
Na kahit napakaraming sasakyan,
Busina at iba't ibang ingay
Wala tayong pakialam.

Magkahawak ang ating mga kamay,
Tila walang puwang ang salitang lumbay.
Sa sobrang tuwa ko ay gusto ko doon na tumambay,
Pero hindi pwede dahil maraming pagsubok ang buhay.

Nakarating tayo sa liku-likong daan,
Mag-aaway, magbabati at mauulit na naman.
Mga tampuhan na walang katapusan
Maliliit na away na agad nauuwi sa bangayan.

Naglabasan ang samu't saring emosyon
Na parang hangin na may polusyon
Pero sa tingin ko'y pinatatatag lang tayo ng sitwasyon
Kaya mahal ko, walang susuko sa ating relasyon.

"Konting tiis na lang, pasasaan pa't uusad din 'yan"
Kung paano ka nasanay sa trapik sa EDSA
Ay sana ganyan lang kadaling kumapit at lumaban pa,
Kumapit sa mga pangakong hindi ka pakakawalan
Lalaban para relasyon nati'y hindi mawawakasan.

Sinikap nating makabalik sa tuwid na daan
Pero bago nangyari 'yon, heto't lubak na naman.
Puno ng pagdududa at pag-aalinlangan,
Magpapatuloy pa ba tayo o ito na ang katapusan?

Bumuhos ang malakas na ulan kasabay ng mga luha sa aking mga mata,
Umugong ang malakas na kulog kasabay ng pagsigaw mo ng ayaw mo na,
Itinatangay tayo ng hangin palayo sa isa't isa,
Pero kakapit ako, hangga't kaya pa.

Pinilit kong hawakan ang kamay mo
Kahit ramdam kong gusto mo ng itigil ang pagmamaneho,
Nakikita ko na ang pagsasawa sa mga mata mo
Mahal, usad lang, may pag-asa pa tayo.

"Sa kabilang kanto pa, ho"
Sana ganyan lang kadaling pigilan ka
Na kapag ayaw mo na
Ay wala kang ibang magawa
Kung 'di ang ihatid ako, tayo sa paroroonan nating dalawa.

Mahal, ipagpatuloy mo lang ang pagmamaneho mo,
Pangako wala kang maririnig na reklamo
Tuwid, lubak o liku-liko
Ang byaheng ito ang gusto ko.

Kapag sumobra sa init ang makina ay nasisira pala,
Sa sobrang tagal na natin, pumapalya rin pala.
Nagpatuloy tayo sa ating byahe pagkatapos maayos ng makina
Isang kanto na lang mahal, tuwid na daan na,
Isang kanto na lang, muli tayong magiging masaya.

"Kasya pa lima"
Sana ganyan kadaling tanggapin na may kasabay ako,
Ipagsisiksikan ko pa rin ang sarili ko,
Umaasang may puwang pa rin ako sa puso mo,
At isasabay mo pa rin sa byahe ng buhay mo.

Nakabalik tayo sa tuwid na daan,
Ngunit sa pagkakataong 'to, may mga bulaklak na nakaharang.
Akala ko'y mapapatingin ka lang at iyong bibilisan,
Ngunit binagalan mo ang pagmamaneho at sila'y pinagmasdan.

Bumaba ka at palihim na pumitas ng isa,
Pumikit ako at nagpanggap na walang nakita.
Tuwang-tuwa ka kaya kumuha ka pa
Hindi lang dalawa, kung 'di lima.

Sobrang sikip hindi ako makahinga,
Bakit kasi ang dating isa naging lima?
Ang sabi mo noon ako lang, sapat na
Pero bakit ngayon ikaw ay nagsawa at naghanap ng iba?

Nasa iisang byahe tayo pero pakiramdam ko,
May iba't ibang ruta tayong tinutungo.
Ikaw, sa tuwid at masayang daan kasama sila.
Ako, nasa lubak na daan, hinaharap ang pagsubok nang mag-isa.

"Para ho, hanggang dito na lang"
Sana ganyan lang kadaling bumitaw
Na kapag napagod ay bababa na lang,
At magpapahinga sa paglubog ng araw.

Kung ang sasakyan ay nauubusan ng gasolina,
Ako rin ay nauubusan ng pasensya.
Kung may dulo ang daan,
Ang relasyon din ay may hangganan.

Mahal, hindi ko na kayang kumapit pa,
Ang panloloko mo sa akin ay sagad na.
Kaya kong tiisin at labanan ang anumang problema,
Pero ang ipagsabay mo ako sa iba
Awat na, ayaw ko na.

Mahal kita pero sobrang sakit na,
Tanga ako kung ipaglalaban ko pa.
Nakakapagod, ako'y magpapahinga na
Ang byaheng ito ay isusuko ko na.

Masakit ang bitawan ka,
Ngunit nakamamatay pagnanatili pa.
Apakan mo ang preno at bitawan ang manobela,
Handa akong maglakad at masaktan ang mga paa,
Kaysa sumabay sa byahe mong wala ng patutunguhan pa.

Mag-ingat ka sa byahe mong kasama sila
Nawa'y maging masaya ka sa kanila
Paalam mahal, hanggang dito na lang muna,
Dahil ako'y bababa na.

Hikbi Ng Pluma (Spoken Word Poetry)Where stories live. Discover now