SWP- ORAS(Goblin's Winner)

497 106 113
                                    

"ORAS"Isinulat ni: Pinkshadow97

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

"ORAS"
Isinulat ni: Pinkshadow97

"Mahal, kailangan ko ng espasyo
Aayusin ko lang ang sarili ko.
Pangako, babalik ako sayo
Hintayin mo lang ako"

Salitang binitiwan mo
Na hanggang ngayo'y pinanghahawakan ko,
Nandirito pa ri't nakatingin sa malayo
Tinatanaw ang muling pagbabalik mo.

Isa, dalawa, tatlo
Kasabay ng pagtalikod mo.
Apat, lima, anim
Na hakbang palayo sa'kin.
Pito, walo, siyam
Bumabalik sa aking isipan kung paano mo ako iniwan.
Sampu, labing-isa, labin-dalawa
Binibilang ang bawat oras na wala ka.

Sa bawat oras na nagdaan,
Gusto kong pigilan ang kamay ng orasan
Dahil habang tumatagal lalo akong nasasaktan,
Na habang tumatagal ay hindi ko na alam ang salitang pagtahan.

Sabi nila kapag binitawan ay gumagaan,
Bakit ang nangyayari sa'kin ay kabaliktaran?
Mahal, ang bigat sa loob ng iyong paglisan,
Lalo na't wala akong maintindihan sa iyong mga dahilan.

Aayusin mo ang sarili mo,
Bakit, ano ba ang mali sa'yo?
Tama o mali, anuman ang tungkol sa'yo,
Tinanggap ko nang buong-buo.

Kailangan mo ng espasyo?
Sige ibibigay ko sa'yo
Basta't nandirito lang ako, mahal
Hinihintay ang oras ng pagbabalik mo.

Langbing-tatlo, labing-apat, labing-lima
Nakita kitang may ibang kasama.
Labing-anim, labimpito, labing-walo
Ang saya ninyong pareho.
Labing-siyam, dalawampu, dalawampu't isa
Ako pala ay ipinagpalit sa iba.
Dalawampu't dalawa, dalawampu't tatlo, dalawampu't apat
Bakit hindi ako naging sapat?

Parang tumigil ang oras, minuto, segundo
Dahil sa natuklasan ko.
Tila gumuho ang mundo ko,
Dahil sa panloloko mo.

Kaya pala ang dali mong bitawan ako
Dahil mayroon ka ng reserbang nagpapasaya sayo,
Kaya pala hindi ko maintindihan ang mga dahilan mo
Kasi hindi naman pala totoo.

Bakit kailangan mong ipagpalit ako?
Lahat naman ng pagmamahal ibinigay sa'yo.
Bakit kailangan mong lokohin ako?
Pagtitiwala naman ay hindi ipinagkait sa'yo.

Sana sa simula pa lang ay sinabi mo na,
Hindi mo na sana ako pinaghintay pa.
'Di sana katulad mo, ako ay masaya na
Pero ang daya mo dahil pinagmukha mo akong tanga.

Ang paghihintay sayo ay ititigil na,
Tatanggapin na ikaw at ako ay wala na talaga,
Magbibilang ng oras mula sa simula
At haharapin ang bukas na ikaw ay wala.

Isa, dalawa, tatlo
Magiging maayos rin ako.
Apat, lima, anim
Ikaw ay akin nang patatawarin.
Pito, walo, siyam
Kalilimutan na ikaw at ako ay may masakit na nakaraan.
Sampu, labing-isa, labin-dalawa
Kaya ko na ang wala ka.

Ang pakiramdam ko ay walang kasing saya
Dahil sa sakit, ako ay tuluyang nakalaya na.
Awat na sa pag-agos ng luha mula sa'king mga mata
Dahil mas masarap ang tumawa.

Pero bakit tila mapaglaro ang tadhana?
Kung kailan ako ay nagiging maayos na,
Saka ka babalik na may luha sa mga mata
At sasabihing, "mahal, baka pwede pa?"

Pinipigilan ang aking nararamdaman
Dahil ayaw ko ng itigil pa ang aking nasimulan,
Sa pagkakataong ito, hindi na kita kailangan,
Sarili ko naman ang aking pahahalagahan.

Labing-tatlo, labing-apat, labing-lima
Hindi niya napantayan ang pagmamahal ko sayo kaya bumalik ka.
Labing-anim, labimpito, labing-walo
Matatamis na salita sa akin ay wala ng epekto.
Labing-siyam, dalawampu, dalwampu't isa
Tumigil ka na dahil wala ng pag-asa.
Dalawampu't dalawa, dalawampu't tatlo, dalawampu't apat
Nasa akin pa rin ang huling halakhak.

Tama na ang minsang minahal kita ng sobra,
Dahil ang pagmamahal ko para sa'yo ay wala ng natira.
Hindi ako laruan na iiwan na lang kapag nagsawa na
At babalikang muli kapag nagkaroon ulit ng gana.

Ang oras nating dalawa ay tapos na,
Ang orasan natin ay hindi na gumagana
Dahil ikaw mismo ang kumuha ng baterya,
Kaya bumili ako ng bago para makausad na.

Bumili ka rin ng sarili mong orasan
'Yong may disenyo ng mukha ko para malaman mo kung sino ang iyong pinakawalan.
'Yong tipong bawat segundo ipapaalala sa'yo lahat ng iyong sinayang.
'Yong mabagal ang pag-ikot para maramdaman mo ang kulang.

Ngunit pagsisisi mo ay sobrang huli na
Dahil nagkaroon ako ng sapat na oras para kalimutan ka,
Kaya salamat dahil matagal mo akong binalikan
Dahil inilayo mo ako sa taong walang paninindigan.

Oras ang kailangan para namnamin lahat ng sakit na nararamdaman,
Oras ang kailangan para magising sa katangahan,
Oras ang kailangan para matutong lumaban,
Oras ang kailangan para maghilom ang sugat ng nakaraan,
At oras ang kailangan para masabing, "Paalam sa'yo, lalaking minsan kong minahal"

Hikbi Ng Pluma (Spoken Word Poetry)Where stories live. Discover now