SWP- Ako Muna

146 3 0
                                    

Ang tulang ito ay para sa mga taong minsan ay naging tanga.

Para sa mga taong, sa wakas ay nahanap na ang sariling halaga.

Ang pamagat ng piyesang ito ay:

"Ako Muna"

Kasabay ng pagpikit ng mga mata,
Ay ang pagbalik ng mga alaala,
Mga alaalang 'di na dapat bigyan pa ng halaga,
Mga alaalang nagpapamukha sa'kin kung gaano ako naging tanga.

Ngunit sa araw na 'to, gusto kong sariwain,
Kung paano nawala sa kalangitan ang nagkikislapang bituin,
Kung paano ako niyakap ng malamig na hampas ng hangin,
Kung paano mo pinuno ng lungkot ang dating masayang damdamin.

Gusto kong namnamin lahat ng sakit na iyong ibinigay,
Gusto kong balikan 'yong araw na ako'y naghabol dahil sa puso kong pasaway,
Gusto kong sampalin muli ng katotohanang ni minsan pag-ibig mo saki'y hindi inalay,
Gusto kong alalahanin lahat, hindi para magpakatanga kun'di para ako'y maging matibay.

Gusto kong maramdaman lahat ng hapdi, gusto kong masaktan!
'Yong sakit na maiwan sa gitna ng kawalan.
'Yong sakit na makita na 'yong taong mahal ko ay bigla akong tinalikuran.
Parang kahapon lang kayakap pa kita, ngunit ngayon bigla akong naiwang luhaan,
Parang kahapon lang nandito ka pa, pero ngayon, ang kasama ko na lang ay ang puso kong sugatan.

Masyado pala akong nagpakababa para sa'yo,
Ni hindi ko man lang namalayan na ako ay nagkapira-piraso,
Kaya sa araw na 'to, isang panibagong ako ang gusto kong mabuo,
Nang ako lang, walang ikaw o kahit sinuman sa inyo.

Pupulutin ang bawat piraso nang paisa-isa,
Hanggang sa mabuo at mahanap ulit ang sariling halaga,
Babangon ako nang mag-isa at hinding-hindi hihingi ng tulong ng iba,
Gagawing inspirasyon ang masakit na nakaraan para limutin ka.

Simula sa araw na 'to, wala na akong pakialam sa sasabihin ng iba,
Uunahin ko na ang sarili at kung saan ako masaya,
Lalayo ng kusa sa mga taong 'di marunong magpahalaga,
Magiging matatag nang hindi na muling masaktan pa.

At ngayon, ididilat ko na ang aking mga matang luhaan,
Kasabay sa paglimot sa masasakit na nakaraan,
Gagawa ng pader sa pagitan ko at ninuman,
Dahil sa pagkakataong 'to, Ako muna, sarili ko naman.



Hikbi Ng Pluma (Spoken Word Poetry)Where stories live. Discover now