Ikaw Pa Rin

93 1 0
                                    

Ikaw Pa Rin

Sampung taon na ang nakalipas, at hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa puso't isip ko, kung paano mo ako tinalikuran. Kung paano mo ako sinaktan at paasahin sa isang bagay na dapat sana ay naisakatuparan na ngayon. Masaya ka na ba? Iyan ang laging tinatanong ko sa aking sarili. Kasi, hanggang ngayon miserable pa rin ang buhay ko. Hindi ko matanggap, na ganoon mo lang ako kadaling iniwan, nang dahil lang sa isang babae o sa anupamang kadahilanan.

Kung sabagay, sino nga ba naman ako? Isa lang naman ako sa mga babaeng pinaasa mo. Isa sa mga babaeng ginawa mong laruan, na pagkatapos mong pagsawaan ay para lang akong basurang itinapon sa kung saan.

"Dave, mag-usap tayo," mahinahon kong sabi. Hinarang ko ang katawan ko sa harapan niya, para hindi siya kaagad makaalis. Pero, sinamaan niya lang ako ng tingin. At saka niya ako itinulak ng bahagya. Para akong tanga na sunod nang sunod sa kanya. Naiwan akong tulala at hindi na niya ako pinansin.

Araw-araw kitang pinupuntahan sa bahay niyo, pero ikaw ay laging umiiwas. Gusto kitang kausapin, pero sinasadya mo talagang hindi magpakita sa akin. Hindi ko alam ang dahilan. Bakit ka biglang nagbago? Bakit ka naging mailap sa akin? Ang sabi mo noon, ako lang ang mamahalin at pakakasalan mo. Kapag sumapit na ang ika-tatlungpung taong kaarawan ko.

"Ipinapangako ko sa 'yo, pakakasalan kita kapag nag-treinta anyos ka na. At ikaw ang gusto kong maging ina ng mga magiging anak natin. Gusto kong magkaroon ng masayang pamilya. Ikaw lang ang una't huling babaeng mamahalin ko. Mahal na mahal kita, Faith."

Iyan ang mga salitang binitawan mo noong tayo pa. Kay sarap isipin na ikaw at ako hanggang sa huli. Pero, malabo na ang mga pangakong iyan. Para mo lang isinulat sa tubig na unti-unting naglalaho.

"Maniwala ka sa akin, nakita ko siyang may kasamang babae," sabi sa akin ni Vince. Umiwas ako ng tingin sa kanya. Alam ko na ang totoo, pero pilit ko pa rin kinikimkim ang sakit.

"Baka nagkakamali ka lang, Vince." Pagtatanggi ko. Hindi ko mawari sa aking sarili kung maiiyak ako o magagalit. Halo-halong emosyon ang aking nararamdaman.

"Buksan mo ang mga mata mo, Faith. Hindi ka mahal ni Dave," mariin niyang sabi.

"Nasasabi mo lang iyan kasi, naiinggit ka sa nobyo ko. Hindi kasi ikaw ang sinagot ko." Walang gana kong sabi. Hanggang kailan ko siya pagtatakpan? Totoo ang usap-usapan na may iba siyang kinalolokohan. Nakita ko mismo noong isang linggo, sa may simbahan. Nagalit ako. Pero nangibabaw pa rin ang pagmamahal ko.

"Malala ka na, Faith. Oo, hindi mo ako sinagot, pero, alam mong tinanggap ko sa aking sarili na hindi mo ako kayang mahalin. At sadyang kaibigan lang ang iyong turing sa akin." Malungkot niyang turan. Saka ako iniwang mag-isa. Wala na akong kaibigan. Nilayuan na nila akong lahat, dahil sa inaakala nilang hindi ko sila pinaniniwalaan.

Sumapit ang ika-tatlungpung taong kaarawan ko, kasabay na ring idinaos ang aking kasal. Oo, kasal. Ikinasal ako sa mabait at responsableng lalaki. Si Vince. Siya ang tumupad sa mga ipinangako mo. Ang mahalin at pakasalan sa espesyal na araw na ito. Pero, bakit ganoon? Hindi ko pa rin maibigay ng buong-buo ang puso ko kay Vince. Hindi ko masuklian ang pagmamahal na ibinibigay niya sa akin. Pakiramdam ko, nagkakasala ako sa ganitong aspeto.

Paano ko palalayain ang puso kong naliligaw? Paano ko siya mamahalin? Kung hanggang ngayon ay ikaw pa rin ang itinitibok ng aking puso...

Hindi ko na alam ang gagawin ko. Nababaliw na yata ako. Kahit kasama ko si Vince, simula nang iwan mo ako ay ikaw pa rin ang naiisip ko. Lalo lang akong nagalit sa'yo, dahil binigyan mo ako ng maling impresyon. Wala kang babae. Lahat ay gawa-gawa mo lang. Para mapagtakpan ang iyong karamdaman. Ipinakita mong masama ka sa aking paningin. Bagay na pinaniwalaan ko. Makasarili ka. Hindi mo man lang ako binigyan ng pagkakataon maalagaan ka sa nalalabi mo pang panahon at oras dito sa lupa. Bakit kailangan mo pang gawin ang ganoong bagay? Pinagmukha mo lang masama ang iyong sarili sa mata ng ibang tao. Lalong-lalo na sa akin. Buong buhay ko ay nagalit ako sa'yo, na hindi naman pala dapat. Walang rason para ikaw ay kamuhian ko. Ang tanga-tanga ko!

Nalaman ko sa iyong pinsan ang tunay mong kalagayan. Nalungkot ako at naawa. Kaya pala iritable ka at laging wala sa sarili, dahil sa sakit na iyong dinadala. Ayaw mo akong masaktan, kaya minabuti mong ilihim ang lahat. Inilihim mong nakataning na pala ang iyong buhay, dahil sa sakit na brain cancer. Inamin din sa akin ng pinsan mo na malala na pala ang iyong sakit. Wala akong kaalam-alam sa iyong sinapit. Hanggang sa nabalitaan ko nalang na ikaw ay pumanaw na. Ang sakit, sobrang sakit ng nararamdaman ko. Parang pinipiga ang aking puso. Wala man lang akong nagawa sa mga oras na ikaw ay nahihirapan. Nagkaroon ako ng depresyon, sinisi ko ang sarili, dahil sa tiniis kita at nagmataas na ika'y kalimutan na.

Pakiramdam ko, wala akong kwentang tao. Sana, noon mo pa sinabi ang totoo. Hindi sana ako nanghihinayang sa mga oras na nasayang. Kahit sana sa nalalabi mo pang mga oras ay napasaya kita, nahagkan at nayakap man lang. Alam kong maling-mali ang isipin ka pa, ang ibigan ka pa. Anong magagawa ko? Kung ikaw pa rin ang mahal ko. Kahit wala ka na, mananatili ka pa rin sa puso't isip ko. Itanggi ko man ng ilang ulit. Ikaw at ikaw pa rin ang laman ng aking puso.

"Darating ang araw na muli tayong magkikita. Sana, maging masaya ka na kung saan ka man naroroon. Hindi man kita kasama ngayon at sa susunod pang mga taon, ay mananatili ka pa ring buhay sa aking isipan. Mahal kita, mula noon hanggang ngayon. Tanging ikaw lang ang nakakaalam nitong nararamdaman ko." Malungkot na sambit ko.

"Tara na. Susunduin pa natin si Dave Vincent." bulong ni Vince. Saka niya ko inalalayang  tumayo. Tinitigan ko ang guwapo niyang mukha. Kahit anong gawin ko, bakit hindi pa rin ako makalaya? Patawarin sana ako ni Vince, dahil hindi ko pa rin makalimutan si Dave. May anak na kami pero si Dave pa rin ang pumupukaw sa aking damdamin.

Ito na siguro ang huling pagbisita ko sa'yo. Sinulyapan ko ang iyong puntod. Malimutan ko man ang mukha mo, pero ang pagmamahal ko sa'yo ay aking dadalhin. Paalam na, Mahal ko. Hanggang sa muli nating pagkikita. Hintayin mo ako, at doon natin itutuloy, ang naudlot nating pagmamahalan. Ikaw ang una kong pag-ibig at hindi magbabago iyon. Sinira man tayo ng tadhana. Aasahan kong, mahihintay mo ako. Pagdating ko sa kabilang buhay.

Collection of One Shot StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon