Prayoridad

53 1 0
                                    

Prayoridad

"Pakasal na tayo," sabi sa akin ni Lee.
Hindi na ako nagulat sa sinabi niya. Bagkus ay nainis pa nga ako sa kanya.

"Ilang ulit ko bang sasabihin sa 'yo na hindi pa ako handa pagdating sa ganyang bagay."

"Kailan ka pa ba magiging handa? Kapag umabot na tayo sa edad na singkuwenta? Ang tagal ko nang naghihintay sa 'yo. Huwag mo naman sanang hayaan na mapagod ako sa pag-intindi sa 'yo. Dalawang taon na lang at wala na ang edad mo sa kalendaryo. Gusto ko ng magkaroon ng pamilya. Ano pa bang gusto mo? May maayos naman akong trabaho, may bahay naman din ako. Ikaw na lang ang kulang at ang magiging mga anak natin," mahinahon niyang sabi. Ginagap niya ang aking mga kamay pero binawi ko rin iyon. Malungkot ang mga mata niyang tumitig sa akin. Marahil ay nahuhulaan na niya ang aking sasabihin.

"Alam ko naman 'yun, Lee. Maayos naman ang estado mo sa buhay, pero hindi pa rin ako puwedeng magpakasal sa 'yo. Alam mo naman na marami pa akong obligasyon sa aking pamilya. Ako lang ang inaasahan nila. Sana naman mahintay mo pa ako. Kung hindi naman, humanap ka na lang ng ibang babaeng pakakasalan mo. Kung gusto mo na talagang magkaroon ng pamilya."

Hindi ko gusto ang aking mga sinabi pero sobrang nape-pressure na kasi ako. Baka naman kasi kapag mag-asawa na kami ay pagmulan lang ng away ang pagtulong ko sa aking pamilya.

"Kung makapagsalita ka ay para mo na akong ipinamimigay. Mahal kita, Lara, sana naman tanggapin mo na ang alok ko," masuyo niyang saad. Lumapit siya sa akin at hinaplos-haplos niya ang aking ulo. Gusto kong umiyak sa mga bisig niya. Dahil masyado na akong napapagod sa aking sitwasyon.

Ano nga ba ang makakabuti sa akin? Ang isipin ang sarili kong pangkaligayahan? O ang aking pamilya na simula't sapul ay nakadepende na sa akin?

Tuluyan nang bumagsak ang mga luha ko. Yumakap ako kay Lee nang sobrang higpit. Matagal na kaming mag-nobyo at alam niya ang kalagayan ko sa buhay. Mahirap lang kami at ako ang tumatayong breadwinner ng pamilya. Kaya hindi ko magawa ang mga bagay na gusto kong gawin.

"Huwag ka nang umiyak." Ngumiti siya sa akin at itiningala ang aking mukha, pagkatapos ay pinahid niya ang aking mga luha. Pero nanatili lang akong nakapikit. Ayaw kong makita niya ang aking mga mata na puno ng lungkot. "Huwag kang mag-alala. Kahit naman na magpakasal na tayo ay hindi naman natin pababayaan ang nanay at mga kapatid mo. Tutulungan pa rin natin sila. Ang pamilya mo ay pamilya ko na rin. Kaya huwag kang masyadong nag-iisip." Tumango-tango lang ako sa sinabi niya. Sadyang napakabuti niya. Siya iyong lalaking wala ng iniintindi kung hindi ako lang.

Sumama sa akin si Lee para pormal na hingin ang basbas ng aking Nanay para sa plano naming pagpapakasal.

Pagbungad pa lang namin sa pinto ay sumalubong na sa amin si Junjun ang bunsong kapatid ko. "Kuya Lee!" sigaw niya. Nginitian naman ni Lee ang kapatid ko.

"Kumusta ka na? Nag-aaral ka bang mabuti?" tanong ni Lee sa kapatid ko, saka niya ginulo-gulo ang buhok ni Junjun.

"Opo Kuya, para kapag po nakatapos na ako ay matutulungan ko na si Ate sa mga gastusin dito sa bahay," ani Junjun. Buti pa ang kapatid ko naiintidihan nito ang paghihirap ko sa trabaho. Hindi katulad ni Nanay na pulos pera lang ang nasa isip. "Ate, sabi ni Nanay may pambayad daw ba tayo sa  kuryente? Kasi baka maputulan na tayo."

"Bakit mapuputulan? Buwanan naman ako kung magbigay ng pambayad kay Nanay," nagtatakang sabi ko.

"Patay!" narinig kong bulong ni Junjun.

"Nasaan ba si Nanay?" tanong ko.

"Nasa kuwarto, Ate," sagot niya na napapakamot-ulo pa.

Hinarap ko si Lee. "Umuwi ka na muna. Saka na lang natin kausapin si Nanay."

Collection of One Shot StoriesWhere stories live. Discover now