The Past

74 0 0
                                    

The Past


Taong 2006 nang dumating ang una kong pag-ibig. Labing-siyam na taong gulang ako noon, nang makilala ko si Brian sa pinapasukan naming trabaho. Magandang lalaki si Brian, singkit ang mga mata, manipis at mapula ang kanyang labi, medyo maputi, may biloy sa kaliwang pisngi, hindi ganoon katangkaran at hindi rin naman katangusan ang ilong. Pero guwapo pa rin siya sa sa aking paningin. Bukod sa kanyang pisikal na katangian, siya rin ay masipag at tumutulong sa kanyang pamilya. Kaya nga mas lalong lumaki ang paghanga ko sa kanya. Parehas pa kaming panganay kaya naman nagkakasundo kami sa lahat ng bagay. Ang kaibahan nga lang namin ay mas matanda ako ng isang taon sa kanya. Dahil siya ay dise-otso pa lamang noon. Wala naman sanang kaso iyon, kaya lang iniisip ko baka hindi naman kami bagay. Saka ayos lang iyon isang taon lang naman ang agwat ng edad namin.

"Ana, puwede ba kitang makausap?" Lumingon ako sa likuran ko para makita kung sino ang nagsalita. Pauwi na kasi ako ng boarding house. Kumunot ang noo ko. Si Brian lang pala. Parehas pa kaming napahinto sa paglalakad at nagkatitigan ng ilang minuto.

"O, ikaw pala. Teka lang, sinusundan mo ba ako?" tanong ko nang makabawi ako.

"Oo, kasi nga gusto kitang kausapin." Kamot-kamot ang ulo niya at nahihiyang tumitig sa akin.

"Tungkol ba saan?" naguguluhang tanong ko.

"Gusto sana kitang ligawan, Ana," diretso niyang sabi.

"Ako ba?" sambit ko. Itinuro ko pa ang sarili ko, hindi ko yata nakuha ang ibig niyang iparating.

"Oo, ikaw nga. Sino pa bang tao rito? E, tayo lang naman dalawa ang magkausap." Napapantastikuhan niyang sabi sa akin. Ang pilosopo niya. Kung hindi lang talaga ako naguguwapuhan sa kanya, malamang hindi ko na siya pinansin.

"Uy, huwag kang ganyan. Niloloko mo lang yata ako, e!" naiinis kong turan. Tiningnan ko siya at ngumiti ng pagkatamis-tamis.

Simula nang sabihin niya sa akin na manliligaw siya ay hindi na niya ako tinigilan. Kahit sa oras ng trabaho ay lagi niya akong pinariringgan. Iyong kunwari ay maghahatid siya ng mga materyales sa puwesto namin. Iyon pala ay sisimplehan niya ako ng mga walang kwenta niyang banat.

"Miss, ang ganda ng mga ngiti mo. Nakakatanggal ng pagod."

"Miss, hindi mo na kailangan magdalawang-isip pa, sapagkat sa piling ko ikaw ay liligaya."

"Miss, mas maganda ka pa sa sikat ng araw."

"Miss, ikaw ay isang anghel na bumaba sa lupa upang ako'y iyong mahalin sa tamang pagkakataon."

Ang baduy ng mga banat niya, pero aaminin kong kinikilig talaga ako ng mga panahong iyon. Ewan ko, siguro nadala rin ako sa kakulitan niya. Minsan natatawa rin ako sa sarili ko kung bakit gustong-gusto ko siya. Dumadalas ang pangungulit niya sa akin. Kahit ang mga kasama ko sa trabaho ay nakakahalata na sa palaging pambubuska niya sa akin. Parang iniisip nila na may 'something' sa amin.

"Nanliligaw ba iyong si Brian sa iyo?" tanong sa akin ni Ate Gloria.

"Hindi naman kaya, Ate," todo tanggi ko.

"Asus! Kitang-kita naman iyang mga titigan ninyo. Anong ibig sabihin ng mga pabanat-banat niya? Wala lang iyon?" pang-iintriga niya sa akin.

Collection of One Shot StoriesWhere stories live. Discover now