Panibagong Simula

65 1 0
                                    

Panibagong Simula


"Magkita tayo sa Plazuela."

Matapos kong i-send ang text message ko sa aking nobyo ay napagpasyahan kong magtungo na roon. Malapit lang naman iyon sa aming boarding house. Pagkadating ko sa lugar na iyon ay bumungad sa akin ang naggagandahang mga ilaw na nakapalibot sa buong lugar. Masarap ang simoy ng hangin na dumadampi sa aking balat. Animo'y Pasko na sa lamig, pero buwan pa lamang ng Agosto.  Ala-sais na ng gabi, dagsaan pa rin ang mga taong namamasyal dito sa Plaza.

Habang hinihintay ko ang aking nobyo ay malaya kong pinapanood ang mga tao, ang iba'y nakaupo lang sa damuhan, may mga bata ring naglalaro at meron ding magkakasintahang sabay na nangangarap at nakatingala sa langit.

"Kanina ka pa?" Nagulat ako sa nagsalita at tumabi siya sa inuupuan ko. Kahit nobyo ko siya ay kinakabahan pa rin ako sa kanyang presensiya.

"Hindi naman masyado. Halos kadarating ko lang din" Nakangiting sabi ko. Pilit kong tinatago ang kaba ko.

"May sasabihin ka ba?" Tanong niya sa akin.

"Oo, pero, huwag ka sanang mabibigla." Sagot ko. Kumunot ang noo niya.

"Ano ba iyon? May sakit ka ba?" Magkasunod na tanong niya. Sinalat pa niya ang aking noo pagkatapos ay sa leeg ko naman.

Tumayo ako at niyakap ang aking sarili. Sumunod siya sa akin. Tulad ko ay nakamasid lang kami sa mga taong nag-aalisan na. Malakas akong napabuga sa hangin, para maibsan ang kabang nararamdaman ko.

"Buntis ako, Jake." Mariin kong sabi. Hinarap ko siya. Saka siya natulala. Napasabunot pa siya sa sarili niyang buhok.

"Sabihin mong nagbibiro ka lang," pilit ang ngiting sabi niya. Malamlam ang mga matang tumitig ako sa kanya. Konting-konti na lang ay babagsak na ang mga luha ko.

"Hi-hindi ako na-nagbibiro." nauutal kong sabi. Bakit sa tingin niya ba ay isa itong biro? Nakakadismaya. Nakakagalit.

"Sigurado ka ba? Nagpa-check-up ka na ba? Paano na tayo niyan?" sunod-sunod na naman na tanong niya.

"Hindi ako nagpa-check-up. Bumili lang ako ng dalawang pregnancy-test-kit. Para makasiguro ako. At positive ang resulta." Malamig kong tugon.

"Alam mong hindi pa ako handa sa ganyang bagay. Mga bata pa tayo at parehong may responsibilidad sa ating mga pamilya." Mahinahon niyang sabi. Pakiramdam ko ay ayaw niya akong panagutan. Natatakot din ako sa mga posibilidad. Hindi ko alam kung handa ako sa magiging desisyon niya. Hindi rin ako handa na maging isang ina sa murang edad. Pero kakayanin ko.

"Akala ko pa naman, handa ka sa magiging resulta nito. Mali pala ako. Sana pala ay hindi na lang natin ito ginawa. Ang tanga ko!" Mangiyak-ngiyak kong sabi. Nanlalabo na ang mga mata ko dahil sa pagbuhos ng aking mga luha. Akala ko, mapaninindigan niya ako.

"I'm sorry," bulong na sabi niya. Buong tapang kong sinalubong ang mga mata niya. Marahas kong pinahid ang mga luha ko. Nasasaktan ako sa tono ng pananalita niya.

"Sorry? Sorry lang ba ang katapat ng ipinagkaloob ko sa iyo? Buntis ako! Nararamdaman ko siya sa loob ko! Alalahanin mo pareho nating ginusto ito! Kung ayaw mo sa magiging anak natin, hindi kita pipilitin! Pasens'ya ka na ha!" sarkastiko kong saad. Galit na galit ako sa kanya. Hindi ko napigilan ang pagtaas ng aking boses. Mabuti na lang at wala ng masyadong tao sa lugar na 'to. Ang kapal ng mukha niya. "Huwag kang mag-alala. Kaya kong buhayin ang bata sa sinapupunan ko. Kahit wala ka. Akala ko iba ka, pare-pareho lang kayong mga lalaki!" Humalagpos na ang aking galit sa tindi ng sakit na nararamdaman ko ngayon. Kahit masakit ay ako na ang kusang umalis sa lugar na iyon. Narinig kong tinawag niya nang paulit-ulit ang aking pangalan, pero hindi na ako lumingon pa.

Collection of One Shot StoriesWhere stories live. Discover now